
Tinanggap at Inaruga ng Pamilyang Ito ang Kaanak Nilang Binata na Mayroong Diperensya sa Pag-iisip; Nagpapanggap Lang Pala Ito
Isang pagpupulong ang nagaganap ngayon sa mansyong iyon ng mga Alcaraz. Naroon ang halos lahat ng malalapit nilang kaanak. Katatapos lamang kasi ng libing ni Don Alfred Alcaraz na sumakabilang buhay dahil sa sakit nito. Ngayon ay lubusan nang ulila ang nag-iisa nitong anak na si Andrei, ang binatang mayroong diperensya sa pag-iisip.
Sa ibang bansa kasi lumaki ang nasabing binata kaya naman hindi siya pamilyar sa kanilang mga kaanak, lalo na at bihirang-bihira pa sa patak ng ulan kung siya ay umuwi ng ‘Pinas noon.
“Ano ba ang talaga ang dahilan at ipinatawag n’yo kami rito, attorney?” tanong ng isa sa mga tiyuhin ni Andrei na pinsan ng kaniyang ama.
“Ipinatawag ko kayo rito dahil gusto kong itanong kung sino ang nais na mag-aruga at mag-alaga kay Andrei ngayong siya ay wala nang mga magulang. Tutal ay kayo naman ang mga kaanak, baka naman mayroong may gusto sa inyo na tanggapin siya at patuluyin? Mareremata na kasi ang mansyong ito dahil sa naiwang utang ng kaniyang ama sa bangko kaya ngayon ay wala nang matitirahan si Andrei,” paliwanag ng abogado sa mga naroon.
“Bakit? Wala na bang pera ’yang batang ’yan? Hindi ba at napakayaman ng mga magulang niya?” singit naman ng isa pa.
“Sa totoo lang, thirty thousand pesos na lang ang natitirang pera ng mga magulang niya na inilagay nila sa trust fund ni Andrei. Malapit na rin kasing malugi ang kompanya nila kaya naman ngayon ay wala na talagang natitira para sa kaawa-awa ninyong pamangkin,” sagot ng abogado na ikinangiwi naman ng halos lahat ng naroon sa pagpupulong na ’yon.
“Naku, hindi p’wede sa amin ’yan. Apat ang anak ko at sapat lang ang kinikita namin sa negosyo para sa kanila,” biglang sabi ng isa sa mga naroon.
“Hindi rin ’yan p’wede sa amin. Wala akong oras para mag-alaga ng isang sintu-sinto,” sagot naman ng isa pa.
Sinundan pa iyon ng pagtanggi ng halos lahat ng naroon at wala nang magawa ang abogado kundi ang mapailing. Hanggang sa bigla na lang nagtaas ng kamay ang isa sa mga tiyahin ni Andrei, si Aling Teresa. Ito ay pinsan ng ina ni Andrei.
“Attorney, p’wede sa amin si Andrei,” sabi nito na ikinabigla ng lahat. Paano kasi ay sa lahat ng naroon, si Aling Teresa ang pinakamahirap. Lima ang anak nito at ang tanging ikinabubuhay nito ay ang pagtitinda sa palengke. Ganoon pa man ay talagang naaawa si Aling Teresa kay Andrei. Siguro naman ay mairaraos niya ang pag-aalaga sa binatang ito sa tulong ng mga anak niya at asawa.
“Sigurado ka ba, Teresa?” tanong pa ng abogado na nagbubunyi ang kalooban. Tango naman ang isinagot nito.
Agad na lumipat si Andrei sa bahay ng pamilya nina Aling Teresa. Bagama’t maliit lang ang tahanan ng mga ito ay tinanggap naman siya at inaruga ng mga ito kahit pa nga mahirap siyang alagaan dahil sa kaniyang kalagayan.
Makulit si Andrei at talagang daig pa ang isang batang paslit sa pagiging alagain, ngunit naiintindihan naman ’yon nina Aling Teresa dahil alam nilang nasanay itong may mga katulong na nag-aalaga sa kaniya.
Sinusubuan, pinaliliguan, at inaaruga nang buong pagmamahal. Iyon ay ilan lang sa mga bagay na ipinaramdam ng pamilya nina Aling Teresa kay Andrei. Minahal nila siya nang buong-buo kahit na alam nilang wala silang aasahang kapalit mula sa binata.
Ngunit isang araw, nagulat na lang ang pamilya nina Aling Teresa nang bigla na lang mawala si Andrei sa kanilang pangangalaga. Puno sila ng pag-aalala kaya naman agad nila iyong ipinagbigay alam sa abogado.
“Natagpuan ko na siya, Aling Teresa. Pumunta ho kayo sa mansyon nila ngayon at doon ay makikita n’yo siya.” Nakahinga nang maluwag si Aling Teresa sa ibinalita ng abogado sa telepono. Nagmadali ang buong pamilya nila na magtungo sa mansyon upang sunduin si Andrei.
Ngunit ikinagulat nila ang nadatnan sa mansyon. Si Andrei kasi, ngayon ay nakatayo na sa sarili niyang mga paa at nakasuot pa ng pormal at magarang damit na nagpalitaw ng kaniyang kakisigan. Binatang-binata itong tingnan, malayo sa Andrei na kanilang inaruga at minahal nang lubos.
Hindi naman kasi totoong may diperensya sa pag-iisip si Andrei. Ang totoo nga ay napakatalino nito. Hindi rin totoong nalulugi na ang kanilang mga negosyo dahil nagawa na niyang isalba ang mga ito bago pa mawala ang kaniyang ama.
Nagpanggap lamang si Andrei upang malaman niya kung sino sa kanilang mga kaanak ang nararapat niyang tulungan. Ayon kasi sa huling testamentong iniwan ng kaniyang ama, nais nitong tumulong siya sa kanilang mga kaanak upang kahit papaano ay maramdaman niyang mayroon pa rin siyang kapamilya. At tanging sina Aling Teresa lamang at ang buong pamilya nito ang nakita niyang karapat-dapat.
“Maraming salamat po sa pagmamahal, Tiya Teresa. Ngayon ay ako naman ang babawi sa inyo. Sana po ay pumayag kayo na dito na sa mansyon tumira, kasama ko. Mahal ko po kayo,” ani Andrei sa mapagmahal niyang tiyahin na tanging yakap lang ang itinugon sa kaniya.
Matapos iyon ay masaya silang namuhay nang maginhawa at sama-sama, habang ang iba naman nilang kaanak na noon ay tinanggihang arugain si Andrei ay sising-sisi dahil sa oportunidad na kanilang pinakawalan.