Inday TrendingInday Trending
Sinasaktan ng Lalaking Ito ang mga Babaeng Nakakarelasyon Niya; Sa Pagkakataong Ito ay Makakahanap Siya ng Katapat

Sinasaktan ng Lalaking Ito ang mga Babaeng Nakakarelasyon Niya; Sa Pagkakataong Ito ay Makakahanap Siya ng Katapat

“Pare, salamat sa pagdalo dito sa birthday party ko.” Tinanguan lang ni Jacob ang kabarkada niyang si Froilan pagkatapos ay nakipag-cheers ito sa kaniya ng hawak nilang baso ng alak. Nakaupo sa isang tabi si Jacob nang siya ay maabutan ni Froilan kaya naman maya-maya ay nagtaka ito.

“Wala ka bang kasama? Nasaan ’yong babaeng ipinakilala mo sa amin noong nakaraan? Ano nga ulit pangalan n’on? Christy?” tanong sa kaniya ni Froilan.

Ilang sandali ang lumipas bago nagawang sumagot ni Jacob sa kaibigan. “Wala na. Break na kami,” aniya pa. “Kaya nga libre na akong makipag-party ngayon, e.”

Napailing si Froilan sa sinabi ni Jacob. “Na naman?” Pumalatak pa siya. Mukhang alam na niya ang dahilan.

Si Jacob kasi ay kilala nilang magkakaibigan bilang isang mapanakit na nobyo. Halos lahat na yata ng babaeng nakakarelasyon nito ay nagagawa nitong saktan nang pisikal kaya naman wala itong nobyang tumatagal. Sa totoo lang ay nagtataka rin silang magkakaibigan kung bakit hanggang ngayon ay walang ni isa man sa mga babae nito ang nagrereklamo tungkol sa ginagawa nitong pananakit. Kahit kasi sila ay hindi sang-ayon doon.

“Pare, payong kaibigan lang, ha? Alam mo, tigilan mo na ’yang ginagawa mo. Huwag mong gawing pampalipas-oras ang pananakit sa mga nagiging nobya mo. Baka kasi isang araw ay makahanap ka na lang ng katapat,” maayos na pagbibigay-payo ni Froilan sa kaibigan nang hindi na niya mapigilan pa.

Masamang tingin naman ang ipinukol sa kaniya ni Jacob. Pagkatapos ay ngumisi ito. “Ano bang pakialam mo, pare? Saka, babae lang ’yon. Lahat naman sila, katulad lang ni mama na manloloko kaya dapat lang silang saktan,” katuwiran pa nito na pansin niyang naikuyom ang kamao nang maalala nito ang inang nang-iwan sa kanila ng ama noong siya ay bata pa.

“Pare, sana malaman mo na hindi lahat ng babae ay katulad ng mama mo. Huwag mong isisi sa iba ang kasalanan ng isang tao sa ’yo. Ikapapahamak mo ’yan.” Napailing na lang si Froilan bago siya nito iwan upang harapin ang iba pang bisita nito.

Ngunit parang walang narinig si Jacob. Wala siyang pakialam sa payong iyon ng kaibigan. Para sa kaniya ay wala siyang ginagawang masama. “Pare-pareho lang naman ang mga babae,” sabi pa niya.

Maya-maya pa, sa pagtingin-tingin ni Jacob sa paligid ay isang napakagandang babae ang namataan niya sa naturang party. Agad nitong nakuha ang kaniyang atensyon kaya naman hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa at agad na nilapitan ang naturang babae.

Ginamit ni Jacob ang kaniyang kaalaman sa panunuyo ng babae upang maakit ito. Kinuha niya ang numero ng babae at matapos iyon ay palagi na niya itong kinakausap. Ganito ang istilo ni Jacob. Paiibigin niya ang natitipuhang babae at kapag palagay na ang loob nito sa kaniya ay saka niya ilalabas ang tunay niyang kulay. Sasaktan na niya ito at lolokohin at ganoon din ang balak niya kay Cristine.

Hindi nagtagal ay naging sila na ng babae. Opisyal na silang magnobyo at nobya. Noong una ay maayos naman ang pagsasama nilang dalawa. Ipinaramdam ni Jacob na mahal niya ang babae na naging dahilan upang lalo itong mahulog sa kaniya.

Napakabait ni Christine. Ito ang tipo ng babaeng pinapangarap ng halos lahat ng kalalakihan sa mundo kaya naman pakiramdam ni Jacob ay nahuhulog na rin siya rito… at hindi iyon maaari!

Dahil doon, makalipas lang ang tatlong buwan nilang relasyon ay sinimulan na niyang ipakita ang tunay na kulay sa babae. Niloloko na niya ito at sa tuwing mag-aaway sila tungkol doon ay sinasaktan niya si Christine! Abut-abot na pasa at mga sugat sa katawan ang inaabot nito sa kaniya sa tuwing sila ay mag-aaway.

Ngunit hindi akalain ni Jacob na may plano pala si Christine laban sa kaniya. Dahil sa tuwing sasaktan niya pala ang babae ay kinukuhanan pala nito iyon ng video upang magamit nito iyon laban sa kaniya. Lingid sa kaalaman ni Jacob, si Christine pala ay kapatid ng isa sa mga babaeng nabiktima niya noon na binawi ang sariling buhay dahil sa ginawa niya. Kasama sa plano ni Christine ang lahat ng ito mula sa umpisa.

Nakasampa na pala ang kaso laban kay Jacob kaya’t nagulat na lang siya nang bigla siyang dakpin ng mga pulis. Matapos iyon ay nahatulan siya ng mahabang panahon ng pagkakakulong na siyang labis na nagpalugmok sa kaniya.

Bukod doon, ilang taon matapos siyang mahatulan ay halos gumuho ang mundo niya nang malamang nagpakasal na si Christine sa iba. Ngayon ay labis na siyang nagsisisi sa kaniyang mga ginawa ngunit huli na ang lahat para doon.

Advertisement