
Nagsikap sa Buhay ang Binata upang Mapansin ng Babaeng Gusto; Nasa Tabi Lamang pala Niya ang Pag-Ibig na Hinahanap
“Alam mo, Allan, aminin mo na kasi kay Nadine kung gaano mo talaga siya kamahal. Hindi ‘yung wala kang ginawa kung hindi titigan siya. Para na kasi akong timang dito! Kuwento ako nang kuwento tapos ay hindi ka pala nakikinig!” naiinis na sambit ni Julie sa kaniyang matalik na kaibigan.
“Ikaw naman, Julie, nagselos ka na naman kay Nadine. Alam mo naman na simula noon pa ay mahal na mahal ko na siya. Hindi ko lang talaga mailihis ang mga mata ko sa kaniya dahil sobrang ganda niya. Alam mo sa totoo lang ay wala akong pangarap kung hindi mapangasawa siya! Ako na ata ang magiging pinakamasayang lalaki sa mundo kapag nangyari iyon!” tugon naman ni Allan.
“Oo na! Oo na! Ikaw naman kasi, bakit hindi mo pa aminin sa kaniya na mahal mo siya? Ligawan mo na kung hindi ay mauungusan ka ng iba!” wika muli ng dalaga.
“Nasisiraan ka na ba? Tingin mo ba ay may pag-asa ako talaga sa kaniya? Napakaganda niya at sikat na sikat dito sa paaralan. May kaya ang pamilya niya samantalanag magsasaka lang ang mga magulang ko. Masyadong magkalayo ang mga mundo namin!” dagdag pa ng binata.
“Wala ka talagang bilib sa sarili mo, ano? Allan, ang tunay na pag-ibig ay hindi tumitingin sa kung ano ang katayuan ng isang tao. Naniniwala ako na kayang magpagalaw ng mga bundok ang pag-ibig. Sabihin mo na sa kaniya para malaman mo na agad kung may pag-asa ka. Hindi ‘yung ligaw tingin ka lang!” kantiyaw muli ni Julie.
Bata pa lamang ay matalik nang magkaibigan ang dalawa. Parang kapatid na kung ituring ni Allan itong si Julie. Ngunit ang hindi alam ng binata ay may lihim na pagsinta sa kaniya ang dalagang kaibigan. Subalit, iisa lang ang laman ng puso ni Allan. Walang iba kung hindi si Nadine.
Sa pamimilit ni Julie kay Allan ay nakapagdesisyon na ang binata na magtapat ng kaniyang pag-ibig. Kinakabahan man ay nilakasan na lang niya ang kaniyang loob.
Dala ang pinitas na sariwang bulaklak mula sa kanilang hardin ay lumapit itong si Allan kay Nadine.
“Nadine, para sa iyo,” saad ni Allan.
Hindi malaman ng dalaga kung tatanggapin ba niya ang bulaklak o hindi.
“A-anong kailangan mo, Allan? Bakit may pabulaklak ka pang nalalaman?” saad ng dalaga.
“Nadine, alam ko naman na alam mo kung ano ang tunay kong nararamdaman sa iyo. G-gusto ko lang malaman kung p’wede ba akong manligaw at kung may pag-asa ako sa iyo,” nakayukong saad ng binata.
“Ikaw? Manliligaw sa akin? Hindi ka ba kinikilabutan sa mga sinasabi mo, Allan? Hindi lang ang isang kagaya mo ang nais kong maging nobyo! Hindi ka nababagay sa akin. Pilitin mong abutin ang estado ko at baka magkaroon ka pa ng pag-asa!” saad ni Nadine.
Imbes na matauhan itong si Allan ay tila nabigyan pa siya ng pag-asa.
“Ang ibig sabihin kung hindi ako mahirap ay may pag-asa ako sa kaniya. Kailangan kong makapagtapos ng pag-aaral at yumaman para maging karapat-dapat sa kaniya,” saad ni Allan kay Julie.
“Ungas ka ba, Allan? Hindi mo ba naririnig ang sarili mo? Bakit hindi mo makita na ang gusto lang ni Nadine ay ‘yung mapera. Hindi ka niya tunay na magugustuhan dahil lang sa ikaw si Allan! Naiintindihan mo ba ako?” wika naman ni Julie.
Subalit, kahit ano pang sabihin ni Julie ay tila nabulag na nga ng pag-ibig ang kaniyang kaibigan. Ginawa ni Allan ang lahat para mapansin siya ni Nadine. Kahit na magmukha nang timang ang binata ay sige pa rin siya.
Hanggang isang araw ay nakita na lang ni Allan si Julie kasama ang pinakasikat na basketball player sa kanilang paaralan. Labis na nasaktan ang binata. Upang makalimutan ang mapait na sinapit ay nakipag-inuman ito. Labis namang nag-aalala si Julie kay Allan kaya sinundo niya ang matalik na kaibigan.
“Allan, umuwi na tayo. Mapapagalitan ka ng nanay at tatay mo kung hindi ka pa uuwi! Tara na at lasing na lasing ka na!” sambit ni Allan.
“Alam mo, Julie, kung tunay kitang kaibigan ay iinom kang kasama ko. Dadamayan mo ako!” saad ng binata.
“Oo, sige na! Doon na lang tayo mag-inuman sa bahay namin at huwag ka nang dumayo pa rito para lang sa alak!” wika naman ng nag-aalalang si Julie.
Para hindi na makipag-inuman sa iba at baka mapahamak ay dinala na lang ni Julie si Allan at doon sa kanilang bahay ay nag-inuman sila.
“Mabuti na lang at wala ang mga magulang ko kung hindi ay pareho tayong malilintikan! Tapusin mo na ang kalungkutan mo sa gabing ito, a! Ayaw ko nang iinom ka nang dahil lang kay Nadine!” dagdag pa ng dalaga.
Parehong naglasing ang dalawa. Dahil sa pagkalango ay pareho rin silang nakalimot sa kanilang mga sarili. Hanggang sa tuluyan na ngang may nangyari sa pagitan nila. Ang nakakahiya pa roon ay naabutan ng mga magulang ni Julie silang dalawa ni Allan na walang saplot at pawang magkayakap pa sa silid.
Dahil sa nangyari ay pinilit ng mga magulang ni Julie na panagutan ni Allan ang kanilang anak.
Kahit na labag sa kalooban ni Allan ay wala siyang magawa kung hindi sumunod.
Habang nagtatagal naman ang kanilang pagsasama ay tila tumatabang ang pagtingin ni Allan kay Julie. Madalas tuloy ma-miss ni Julie ang mga panahong magkaibigan pa lang sila.
“Kung tutuusin ay dapat masaya ako dahil ikaw ang napangasawa ko, Allan. Pero alam kong iba naman kasi ang nasa puso mo. Handa naman akong magparaya kung gusto mo. Basta sa ngayon ay sundin muna natin ang mga magulang ko para hindi naman sila magalit sa akin at hindi ako maging kahihiyan ng pamilya,” pakiusap ni Julie kay Allan.
Nagkasundo ang dalawa na mananatili silang magkaibigan habang nagsasama. Mabigat man sa dibdib ni Julie ang desisyong ito sapagkat tunay niyang mahal si Allan ay pumayag na rin siya.
Sa pagnanais ni Allan na makatuluyan pa rin si Nadine ay nagsikap ito ng mabuti. Upang makatungtong ito sa kolehiyo ay nagtrabaho ito bilang batilyo sa punduhan sa Maynila. Umeekstra rin itong tagabuhat ng mga itlog sa palengke.
Habang si Julie naman ay huminto na lang ng pag-aaral at naging tindera sa isang karinderya upang makatulong sa pag-aaral nitong si Allan.
Pinagsabay ni Allan ang pagiging estudyante at trabahador. Dahil gipit ay pinalayas na sa nirerentahang bahay ang dalawa. Nakiusap si Julie sa kaniyang amo na makatuloy muna sila. At pinayagan naman sila nito ngunit sa bodega.
“Kaya naman nating magsiksikan muna rito habang naghahanap ng malilipatan, ano? Huwag kang mag-alala, Allan, kaya natin ito! Tutulungan kita para maabot mo ang iyong pangarap,” saad ni Julie.
Halos lumusot sa butas ng karayom ang dalawa para lamang makapagtapos ng pag-aaral si Allan.
Kaya nang maging ganap nang isang inhinyero si Allan ay wala siyang pinalampas na sandali hanggang maabot niya ang rurok ng tagumpay.
Hindi nga nagtagal ay naging isang magaling na inhinyero itong si Allan. Nakaahon na rin sila sa kahirapan na kanilang kinasasadlakan.
Samantala, nang malaman ni Nadine ang nangyari sa buhay ng dating manliligaw ay gumawa ito ng paraan upang muli silang magkita. Lalo na nang malaman pa niyang hanggang ngayon ay may pagsinta pa rin sa kaniya si Allan.
“Gusto raw ni Nadine na lumabas kami. Sa tingin ko, sa ngayon ay malaki na ang pag-asa ko sa kaniya. Kikitain ko siya bukas para makapag-usap kami. Ayos lang ba sa iyo?” tanong ni Allan kay Julie.
“A-ayos lang sa akin, Allan. Tanggap ko na kung ano ang estado ng relasyon natin. Masaya ako para sa iyo. Nakamit mo na ang buhay na hinahangad mo, ngayon pati ang pag-ibig na matagal mo nang pinapangarap,” saad naman ni Julie.
Masakit para kay Julie ang muling pagtatagpo ni Allan at Nadine. Batid niyang ngayon ay tuluyan nang magihiwalay ang kanilang mga landas ng kaniyang pinakamamahal.
Pag-uwi ni Allan ay nakabalot na ang damit ni Julie. Nagulat siya si Allan nang makitang paalis na ang kaibigan.
“Ako na ang bahalang magsabi sa mga magulang ko ng paghihiwalay natin. Huwag kang mag-alala at hindi kita sisiraan sa kanila. Ako na ang bahala. Wala akong hangad, Allan, kung hindi ang kaligayahan mo kaya, heto, masayang masaya ako para sa iyo,” wika ng dalaga.
“Wala namang nagpapaalis sa iyo, Julie. Hindi mo kailangang umalis,” sagot naman ni Allan.
“Ayaw kong makagambala sa inyo ni Nadine, Allan. Kasunduan lang naman natin ang lahat ng ito kaya matagal ko nang tanggap na isang araw ay maghihiwalay rin tayo ng landas. At maniwala ka na ayos lang sa akin.”
“H-hindi mo kailangang umalis, Julie. Hindi ko gustong umalis ka dahil ikaw ang gusto kong makasama habang buhay,” sagot ni Allan.
“Naging bulag ako sa pag-ibig ko kay Nadine sa puntong hindi ko na nakita kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng tunay na pagmamahal. Pero natagpuan ko ito sa iyo, Julie. Nariyan ka sa mga panahong walang wala ako. Hindi ka naghangad ng kahit anong kapalit. Tinulungan mo pa ako ng buong puso mo. At hindi ko lubos akalain na ang bubuo pala sa mga pangarap ko ay kasama ko na buong buhay ko. Ikaw ang gusto ko, Julie. Ikaw pala ang mahal ko. Sana ay paunlakan mo ang pag-ibig ko,” pahayag pa ng ginoo.
Napaluha sa sobrang saya itong si Julie. Napayakap na lamang siya kay Allan. Buong buhay niya ay ito lamang ang nais niyang mangyari, ang makasama ang pinakamamahal na si Allan.
Muling pinakasalan ni Allan itong si Julie. Isang kasal na puno na ng pagmamahalan.
Mula noon ay ibinigay ni Allan ang lahat ng magpapaligaya kay Julie. Laking pasasalamat niya sapagkat ang pinakamatalik niyang kaibigan ang nagturo sa kaniya ng tunay na pagmamahal at ito rin ang kaniyang nakatuluyan.