
Pangarap ng Ama na Maihatid sa Altar ang Kaniyang Anak sa Araw ng Kasal Nito; Isang Aksidente ang Pipigil Dito
“Leslie, anak, pasensiya na at papunta pa lang ako riyan sa simbahan. Kanina pa ba nagsisimula ang ensayo?” tanong ni Ramil habang papasakay ng kaniyang sasakyan.
“Ayos lang po, dad, kakarating lang din po ni mommy dito. Nauna na raw po siya nang sa gayon ay hindi mo na siya susunduin pa. May dinaanan pa po ba kayo bukod sa opisina?” tanong naman ng dalaga.
“Oo, anak. Sumaglit lang ako sa planta para siguraduhin na ayos ang lahat. Alam mo namang isang linggo ang hiningi kong leave para mapaghandaan ko talaga ang kasal mo. Aba’y hindi na ako makapaghintay na maikasal ka at lumayas ka na sa bahay! Wala nang gulo, wala nang maingay at higit sa lahat ay wala nang mangungulit sa amin ng mommy mo!” nagbibirong saad pa ng ginoo.
“Si daddy talaga! Naku, sabi nga ni mommy baka raw maiyak ka pa habang inihahatid mo ako sa altar. Kuwento pa nga niya sa akin ay nag-eensayo ka pa nga raw araw-araw. Dad, lakad lang gagawin mo. Huwag mo namang masyadong career-in!” tumatawang sambit naman ni Leslie.
“May pagka loka-loka talaga ‘yang mommy mo at kung anu-ano ang sinasabi. O siya, anak, magkita na lang tayo riyan sa simbahan at medyo malapit na rin naman ako,” wika pa ng ama.
Sa totoo lang ay naghahalo ang lungkot at saya kay Ramil sa pagpapakasal ng kaniyang anak. Ngunit nasa tamang edad na rin naman si Leslie. Bukod sa nakapagtapos na ito ng pag-aaral, may magandang trabaho at naging masunurin naman itong anak sa kaniyang mga magulang. Kaya walang masasabing hindi maganda sa kaniya ang kaniyang mommy at daddy.
Habang patungo ng simbahan ay naisip muna ni Ramil na dumaan ng flower shop upang bilhan ng bulaklak ang kaniyang kaisa-isang anak na ikakasal at maging ang kaniyang asawa.
Samantala, isang oras na ang nakakalipas at wala pa rin si Ramil sa simbahan. Lahat ay naghihintay na sa kaniyang pagdating. Kaya naisipan ni Leslie na muling tawagan ang ama.
Tumigil ang kaniyang mundo ng isang lalaki ang sumagot sa telepono. Hindi na nakapagsalita pa si Leslie at patuloy na lang ito sa pag-iyak.
“Leslie, anak, anong nangyari na sa daddy mo? Nasaan na ba siya?” kinakabahang sambit ng inang si Dina.
“Naaksidente daw po si daddy at nasa ospital po siya ngayon,” umiiyak na tugon ng dalaga.
Nagmadali ang mag-ina kasama ang mapapangasawa ni Leslie na si John na magtungo sa ospital.
Sa pagbaling kasi ni Ramil ng sasakyan ay hindi niya napansin ang isang kasalubong na trak. Nasalpok nito ang kotseng kaniyang sinasakyan.
“Sabi ng mga doktor ay hindi maganda ang lagay ng daddy mo. Hanggang ngayon ay hindi pa rin daw siya nagigising. Mahabaging Diyos, bakit nangyari ito sa kaniya?!” pagtangis ni Dina.
“’Ma, sa tingin ko ay kailangan munang iatras ang kasal. Hindi ako ikakasal hanggang hindi naaayos ang kalagayan ni daddy,” wika naman ni Leslie.
“Sigurado ka ba sa desisyon mong iyan, anak? Nakahanda na ang lahat!” muling sambit ng ina.
“Hindi ko rin kayang ikasal nang ganiyan ang kalagayan ni daddy. Isa pa, pangarap niyang maihatid ako sa altar, hindi ba? Ipinangako niya sa akin na siya ang maghahatid sa akin at iyon ang gusto ko, ma!” lumuluhang sambit pa ng dalaga.
Ipinagpaliban ni Leslie ang kasal nila ni John. Naunawaan naman ito ng binata. Ang mahalaga ngayon ay ang tuluyang paggaling ng amang si Ramil.
Makalipas ang isang linggo na walang malay dumilat na rin ang ginoo. Ngunit hindi pa rin ito nakakagalaw at nakakapagsalita ng maayos. Mababanaag mo pa rin sa kaniyang itsura na nahihirapan siya.
“Daddy, magpagaling ka na. Kahit anong mangyari ay ikaw lang ang gusto kong maghatid sa akin sa altar. Mahal na mahal kita daddy,” sambit ni Leslie sa ama.
Ngunit sa paglipas ang mga araw ay lalong lumalala ang kondisyon ni Ramil. Hanggang sa isang gabi ay tuluyan na itong namaalam.
Walang mapaglagyan ang sakit na nararamdaman ng mag-inang Leslie at Dina. Hindi sila makapaniwala na sa isang iglap ay bigla na lang kukunin sa kanila ang pinakamamahal na asawa at ama.
Dahil sa labis na kalungkutan ay tila nawala na sa loob ni Leslie ang pagpapakasal.
“Anak, mag-iisang taon na ring namayapa ang daddy mo. Panahon na para ituloy mo na ang naudlot mong kasal kay John,” saad ni Dina sa anak.
“Para saan pa, ‘ma? Wala na si daddy. Hanggang ngayon ay nalulungkot ako sa tuwing naiisip kong wala na siya. Ni hindi man lang niya nagawa ang pangarap niya na ihatid ako sa altar,” umiiyak na sambit ni Leslie.
“Anak, ako man ay nasasaktan din. Pinakamamahal ko ang daddy mo. Ngunit kailangang magpatuloy ng buhay. Ikaw, may hinaharap ka pa kasama si John. Huwag mong saktan ang sarili mo at ang nobyo mo nang dahil lang sa pagkawala ng daddy mo. Alam kong mabigat pero hindi gugustuhin ng daddy mo na manatili kang malungkot. Kilala mo siya, Leslie. Alam mong gustung-gusto niyang magkaroon ka ng sariling pamilya,” dagdag pa ng ina.
Dahil sa sinabing ito ni Dina ay medyo naliwanagan ang isip ni Leslie. Kaya sa ngalan ng makapagbigay ng saya pa rin sa namayapang ama ay muli niyang inayos ang pagpapakasal kay John.
“Siguro magiging mahirap lang sa akin na lalakad ako ng altar na mag-isa at wala ang daddy ko. Pasensiya ka na sa aking kung parang nabalewala ka. Nasasaktan lang talaga ako dahil hindi ko matanggap na wala na si daddy,” wika ni Leslie sa nobyo.
“Alam mo, babe, laging sinasabi sa akin ng daddy ko na kapag ikinasal na ako ay walang ibang maghahatid sa akin sa altar kung hindi siya lang. Sayang at hindi ko ito natupad para sa kaniya,” dagdag pa ng dalaga.
“Hayaan mo, babe, hindi ka man natupad ni Daddy Ramil ang pangarap niya. Tutuparin ko ang pangako ko sa buong buhay kitang mamahalin,” saad naman ni John.
Dumating na ang araw ng pag-iisang dibdib nina John at Leslie. Sa loob ng isang taon ay ito na ata ang unang ngiti na gagawin ni Dina. Lumuluha ang ginang nang makita niya ang anak na suot ang trahe de boda nito.
“Malamang ko ay tuwang tuwa ang daddy mo dahil napakaganda mo ngayong araw. Hangad ko ang kaligayahan ninyo ni John, anak. Nawa’y mula ngayon ay hindi ka na makaramdam pa ng kahit anong kalungkutan,” wika ni Dina sa anak.
“Kahit na iba pa rin na nandito si daddy, para po sa inyo ni John ay sisikapin ko,” tugon naman ng dalaga.
“Mamaya ay may regalo ako sa iyo at alam kong magugustuhan mo ito,” sambit muli ng ina.
Nagsimula na ang kasal. Naghihintay na si Leslie sa pagbukas ng pinto ng simbahan para sa kaniyang pagpasok.
Lahat ng mata ay nakatingin sa kaniya sa pagbukas pa lang ng pintuan ng simbahan. Ilang sandali pa ay may isang ginoo na tumayo sa kaniyang tabi. Nakasuot ito ng amerikana at hinihintay na kumapit sa kaniya si Leslie.
Labis ang pagtataka ni Leslie sa pangyayari. Ni hindi niya kilala ang lalaking ito.
“‘Ma, sino po ang lalaking ito? Bakit nais niya akong ihatid sa altar?” nagugulumihanan na si Leslie.
“Anak, siya si Waldo, siya nga ang maghahatid sa iyo sa altar. Bago mamaalam ang daddy mo ay nagpumilit siyang magsalita. Ibinilin niya sa akin na i-donate ang puso niya sa kaniyang pagkawala. Dahil nais niyang matupad ang kaniyang ipinangako na maihatid ka sa altar. Si Waldo ang napili kong pagbigyan dahil ito ang kahilingan ng iyong ama. Kaya wala man ang daddy mo rito ngayon ng pisikal ay narito naman ang puso niya kasama natin,” pahayag ni Dina.
Bumaha ng luha sa simbahan ng umagang iyon. Hindi akalain ni Leslie na gagawan pa rin ng kaniyang ama ng paraan upang matupad nito ang pangarap niya.
Sa huli ay natupad pa rin ni Ramil ang matagal na niyang pinakaaasam-asam. Hindi man si Ramil ang tunay na naghatid kay Leslie patungo sa altar ay inihatid naman ang anak ng puso ng kaniyang pinakamamahal na ama.