Inday TrendingInday Trending
Walang Pamasahe ang Matandang Lalaki Paluwas ng Maynila; Lahat ay Magbabayanihan Para sa Kaniya

Walang Pamasahe ang Matandang Lalaki Paluwas ng Maynila; Lahat ay Magbabayanihan Para sa Kaniya

Nakailang ulit na ang matandang si Mang Andoy sa pagbibilang ng kaniyang pera para ipamasahe papuntang Maynila. Kulang na kulang ito papunta at pauwi ngunit labis ang pagnanais niyang makita ang anak. Malubha na raw kasi ang kalagayan nito at napakatagal na nang huli silang magkita.

Kaya nais man sana ni Mang Andoy na makita ang anak kahit sa huling sandali man lang.

Nakailang alis at dating na ang mga bus sa terminal ngunit hindi pa rin nakakasakay si Mang Andoy. Humahanap siya ng tyempo upang makiusap sa mga naroon na tulungan siya.

Palapit pa lamang ang matanda sa isang konduktor nang bigla siyang masagi ng isang ginang.

“Sasakay po ba kayo? Kung hindi ay baka p’wedeng paraanin mo muna ako at nagmamadali ako. Baka mamaya ay maubusan ako ng upuan!” saad ng ginang.

Tumabi na lang si Mang Andoy sa gilid.

Nang makita ni Mang Andoy ang konduktor ay agad niya itong nilapitan.

“Toto, nais ko sanang lumuwas ng Maynila pero kulang ang pera ko. Baka maaari mo naman akong tulungan,” pakiusap ng matanda.

“May ID po ba kayo ng senior? Tumatanggap naman kami ng diskwento,” tugon naman ng konduktor.

“Oo, kaso kukulangin pa rin ang pera ko. May sakit kasi ang anak ko na nasa Maynila at kailangan ko siyang makita. Pakiusap, tulungan mo naman ako na makauwi,” dagdag pa ni Mang Andoy.

“Naku, pasensiya na po, pero wala po akong magagawa. Masisita tayo ng inspektor kapag pinasakay ko kayo. Sa sahod namin ibabawas ang pamasahe ninyo. Pare-pareho po tayong gipit at may pangangailangan,” muling sambit ng konduktor.

Nawawalan na ng pag-asa si Mang Andoy. Nais na sana niyang lakasan ang loob na manlimos.

“Kung gusto mo, tatang, tumayo ka na lang sa byahe. Halos kalahati lang ang bayad,” alok ng ginoo.

“Sige, sige! Tatayo na lang ako sa byahe kahit ano ay gagawin ko makaluwas lang ng Maynila,” sambit naman ni Mang Andoy.

Dahil doon ay nakasakay ng bus ang matanda.

Kahit na walong oras ang byahe papuntang Maynila mula sa probinsiya ay kakayanin ito ni Mang Andoy makita lang ang kaniyang may sakit na anak.

Pagpasok pa lang ni Mang Andoy sa bus ay nagtinginan na sa kaniya ang mga tao. Sinubukan niyang umupo muna ng saglit sa mga upuang walang laman. Ngunit palagi rin siyang napapaalis kapag dumarating na ang taong nagmamay-ari nito.

Puno na ang bus at tanging si Mang Andoy lang ang nakatayo. Mahigpit siyang kumapit sa mga bakal upang hindi siya matumba.

Ang ibang tao ay iniiwasan si Mang Andoy sapagkat akala ay mamamalimos ito. Ang iba naman ay mahigpit na niyakap ang kanilang bag sa takot na manakawan sila.

Sa dami ng taong nasa bus ay wala man lang nagpaupo sa kawawang matanda.

Hanggang isang babae ang nag-alok ng kaniyang upuan.

“Tatang, kayo na po ang umupo sa upuang ito,” saad ng dalaga.

“Hindi bale na, hija. Kalahati lang ang bayad ko at wala talaga akong upuan. Ayos lang naman ako. Mauupo na lang ako dito sa sahig mamaya kapag hindi ko na kaya,” nakangiting sagot ni Mang Andoy.

“Ayos lang po ako, tatang. Ako na lang po ang tatayo. Sa katunayan ay kalahati lang din naman po ang bayad ko. Kayo na po ang umupo rito para hindi na po kayo mahirapan,” saad pa ng dalaga.

“Maraming salamat, hija! Hindi mo alam kung gaano kalaking tulong ang gagawin mong iyan sa isang matandang katulad ko,” saad muli ng matanda.

Tumayo ang dalaga at saka niya pinaupo si Mang Andoy.

Makalipas ang ilang minuto ay nakatulog si Mang Andoy. Paggising niya ay napansin niya ang dalaga na inaantok rin.

“Gusto mo bang maidlip muna? Umupo ka muna rito at saka ako ang tatayo para ikaw naman ang makapagpahinga,” saad ni Mang Andoy.

“Ayos lang po ako, tatang. Sige na po at umupo lang kayo riyan,” saad naman ng dalaga.

Ilang saglit lang at may pumasok sa inspektor sa bus. Takot na takot si Mang Andoy sapagkat alam niyang sisitahin siya nito.

“Tatayo na muna ako dahil baka ibawas pa sa mga konduktor ang kalahati ng pamasahe ko,” wika ng matanda.

“Umupo na po kayo at ako na po ang bahala,” wika muli ng dalaga.

Nang tingnan ng inspektor ang tiket ni Mang Andoy ay kinuwestiyon nito ang pag-upo ng matanda.

“Hindi kayo dapat nakaupo rito dahil kalahati lang ang bayad ninyo. Sa katunayan nga ay hindi namin pinapayagan ang kalahating bayad. Huwag naman po masyadong garapal. Ang tanda na ninyo, gumagawa pa kayo ng paraan para makalibre! Kailangan ninyong magbayad ng tama!” saad ng inspektor.

“Huwag n’yo po siyang pagsalitaan ng ganyan. Ako po ang nagpaupo sa kaniya. Upuan ko po iyan at buo po ang bayad ko. Kaya hayaan po ninyong umupo ang matanda. Hindi niya kayang tumayo nang matagal sa byahe,” pagtatanggol ng dalaga.

Dahil dito ay pinabayaan na lang ng inspektor si Mang Andoy na umupo.

Dahil nahihirapan na rin sa pagtayo ang dalaga ay kinuha na nito ang kaniyang saklay sa lalagyanan ng gamit sa itaas na bahagi ng bus.

Lalong ikinagulat ng lahat ang ginawang ito ng dalaga.

“Hija, kailangan mo rin pala ng upuang ito. Bakit hinayaan mo akong umupo? Ikaw na ang umupo dito at ako na lang ang tatay,” pilit ni Mang Andoy.

“Hindi na po bale, tatang. Kaya ko naman po. Ako na lang po ang uupo rito sa sahig kung hindi ko na talaga kaya,” saad pa ng dalaga.

Naantig ang ilang tao sa ginawang kabaitan ng dalaga. Kahit na pilay siya ay nagsakripisyo pa rin siya para makatulong.

Kaya isang ginang ang nagpaupo sa kaniya at ito naman ang tumayo. Makalipas ang ilang minuto ay may tumayong lalaki upang pa-upuin naman ang ginang.

Ilang oras ding nagsalitan sa pag-upo ang lahat ng pasahero.

Hindi naiwasan ng isang pasahero na matanong sa matanda kung bakit kalahati lang ang bayad nito.

“Wala na kasi akong pamasahe. Sakto lang para makauwi rin ako sa probinsiya. Nais ko lang talagang makita ang anak kong may sakit. Kay tagal na naming hindi nagkikita kaya sana hindi pa huli ang lahat para mahagkan ko siya,” kwento ni Mang Andoy habang nangingilid ang mga luha.

Nahabag ang ilang pasaherong nakarinig ng kwento ni Mang Andoy kaya isa-isa silang nag-ambagan nang sa gayon ay makauwi rin ito sa probinsiya.

“Sobra-sobra na ito para sa isang tiket pauwi. Maraming salamat!” umiiyak na sambit ng matanda.

Nang makarating sila ng Maynila ay isa-isang pinasalamatan ni Mang Andoy ang lahat ng pasahero sa bus. Nagtulung-tulong kasi sila upang maging komportable ang byahe ng matanda. Lubos lalo ang pasasalamat niya sa dalagang pilay na unang nagsakripisyo ng upuan para sa kaniya.

“Nang dahil sa iyo, hija, ay makakarating ako sa anak ko ng may dala kahit paano. Hindi ko na rin poproblemahin ang pag-uwi ko. Nawa’y pagpalain ka ng Maykapal sa iyong kabutihan,” saad ni Mang Andoy sa dalaga.

“Lahat po ng tao ay may kabutihan sa kanilang puso. Siguro ay ginamit lang po akong instrumento ng Panginoon upang matunghayan natin ang ganitong pagkakataon ngayong gabi. Kalakip po ng tulong naming lahat sa inyo ay ang panalanging maging ayos ang inyong anak,” saad pa ng dalaga.

Buong pag-asang nilisan ni Mang Andoy ang terminal ng bus. Hindi na siya makapaghintay na tuluyang makita ang kaniyang may sakit na anak at ikuwento ang natunghayan niyang kabutihan ng mga tao para lang makarating siya ng Maynila.

Advertisement