
Inilayo ang May Sakit na Ginang sa Kaniyang Anak dahil Hindi Niya Ito Kayang Suportahan; Bandang Huli’y Nanaig pa rin ang Pagmamahal ng Anak
“Timo, nasaan ka na naman? Hindi ba’t sinabihan ka na ng mga social workers na huwag mong iiwan ang nanay mo? May nagsabi kasi sa amin na wala na namang kasama dito si Aling Dely kaya nagpunta kami,” saad ng tanod sa binata.
“Pasensiya na po kayo. Kailangan ko talagang iwan sandali si nanay dahil kailangan ko pong maghanapbuhay. Wala na po kasi siyang gamot at wala na rin po kaming kakainin ngayong araw,” paliwanag naman ni Timo.
“Alam mo naman ang sinabi ng mga social worker sa iyo, hindi ba? Kukunin nila ang nanay mo at hindi mo na siya makikita kung hindi mo siya mababantayan. Timo, gumawa ka ng paraan para kumita ka nang narito ka lang. Kawawa itong si Aling Dely. Paano na lang kung may mangyaring masama sa kaniya habang wala ka?” saad pa ng tanod.
Sa totoo lang ay hindi na alam ni Timo kung paano hahatiin ang kaniyang sarili sa pagbabantay ng may sakit na ina at sa pagtatrabaho. Ayaw man niyang umalis sa tabi ni Aling Dely ay hindi maaari dahil wala silang panggastos. Kaya wala siyang magawa kung hindi dumelehensiya ng pera. Wala rin naman siyang natapos kaya tanging pangangalakal lamang ang pinagkukunan niya ng panggastos nilang mag-ina.
Hindi pa man nakakaalis ang mga tanod ay nilinisan na ni Timo ang kaniyang ina. Ipinaghanda na rin niya ito ng makakain at saka niya pinainom ng gamot.
Nilapitan ni Timo ang tanod at saka siya nakiusap.
“Sir, baka naman p’wedeng huwag na itong makarating pa sa mga social workers. Ayaw ko rin naman kasing malayo sa nanay ko. Saka iyon din ang hiling ni nanay. Kami na lang pong dalawa sa buhay. Kung paghihiwalayin ninyo pa kami ay paano na lang? Baka po lalong manghina ang nanay ko kung hindi po niya ako makakapiling,” paliwanag ni Timo.
“Pasensiya ka na rin, Timo, ginagawa lang namin ang trabaho namin. Saka nag-aalala lang rin naman kami sa kalagayan ninyong mag-ina. Mas makakakilos ka kung nasa isang pasilidad ang nanay mo. Iyon nga lang talagang hindi mo na siya makikita. Wala ba kayong mga kamag-anak na maaari man lang makatulong sa inyo?” saad ng ginoo.
“Wala na po. Kami na lang po talagang dalawa ng nanay ko sa buhay,” sagot naman ng binata.
Pag-alis ng tanod ay patuloy ang pag-iyak ng kaniyang ina. Nakikiusap ito sa anak na huwag siyang dalhin sa home for the aged.
“‘Nay, huwag po kayong mag-alala dahil hinding-hindi ko po ito gagawin. Ako po ang anak ninyo at ako po ang mag-aalaga sa inyo,” paninigurado ni Timo sa ina.
Sa tuwing lalabas itong si Timo upang mangalakal at upang mayroon silang panggastos ay lagi siyang nagmamadali. Natatakot rin kasi siya na baka may magsumbong na naman sa mga tanod na hindi niya binabantayan ang kaniyang may sakit na ina. Baka mamaya ay tuluyan na silang paglayuin nito dahil wala siyang kakahayahang buhayin ito.
Sa murang edad ni Timo ay labis na ang kaniyang naging sakripisyo.
Isang hapon pag-uwi niya mula sa pangangalakal ay nadatnan niya ang inang walang malay. Takot na takot si Timo kaya tumawag siya ng tulong.
Agad namang dinala ng mga tanod si Aling Dely sa ospital.
Nang makausap ng mga social workers si Timo ay nakapagpasya na ang mga ito na tuluyan nang ilagay sa isang pasilidad ang kaniyang ina.
“Makukuha mo lang ang nanay mo kung kaya mo na siyang buhayin. Sa ngayon ay hindi muna rin kayo p’wedeng magkita upang maiwasan na ring madagdagan pa ang kalungkutan ninyo. Hayaan mo at hindi naman mapapabayaan ang nanay mo sa pasilidad,” saad ng ginang.
“Pero, bakit hindi ninyo na lang po kami tulungan nang sa gayon ay hindi na ako umalis para mabantayan ko po ang nanay ko. Hindi ko alam kung saan ako kukuha ng panggastos namin. Huwag ninyo namang gawin ito sa amin ng nanay ko. Baka mamaya ay lalong umikli ang kaniyang buhay kung hindi niya ako makita,” pakiusap ni Timo.
“Wala tayong magagawa dahil kailangan nating sumunod sa mga panuntunan. Sinisigurado naman namin sa iyo na magagamot ang nanay mo. Maibibigay ang mga pangangailangan niya. Sa ngayon ay intindihin mo na lang ang sarili mo para makuha mo siya,” paliwanag pa ng ginang.
Kahit nasa ospital si Aling Dely ay hindi man lang siya magawang makita ni Timo. Imbes na makakilos ng maayos ay lalong nawawala sa sarili ang binata dahil hindi niya nakikita ang may sakit na ina. Labis ang kaniyang pag-aalala at pangungulila. Hindi niya tuloy maiwasan ang malungkot sa tuwing nakikita niya na wala ang ina sa higaan nito at mag-isa na lang siya sa bahay.
Sa pagnanais na makita ni Timo ang ina ay nakaisip siya ng paraan.
Hinanap niya ang silid ng ina sa ospital upang kahit paano ay makamusta niya ito. Hindi nga siya nabigo. Ngunit kailangan niyang akyatin ang ikalawang palapag mula sa labas para matanaw lang ang ina.
“Hoy, bumaba ka riyan! Kung hindi ay tatawag kami ng mga pulis!” saad ng mga nagbabantay sa ospital.
Ngunit walang takot itong si Timo.
“Gusto ko lang naman pong kumustahin ang nanay ko. Kailangan ko siyang makita dahil alam kong kailangan din niya ako! Kailangan niyang malaman na ayos lang ako at naghihintay ako sa kaniya para lumaban siya,” sambit pa ng binata.
“Huwag kang makulit at bawal ang ginagawa mo! Umalis ka na kung hindi ay pulis na ang dadakip sa iyo sa susunod,” wika ng lalaki.
Ngunit hindi natinag itong si Timo. Kinabukasan ay inakyat pa rin niya ang bintana sa silid ng ina upang makita ito.
Hindi niya mapigilan ang maluha nang makita niya ang ina na wala pa ring malay at may nakakabit na mga aparato.
“Nanay, narito na po ako. Lumaban ka dahil ako po ang susundo sa inyo. Gagawa ako ng paraan upang maibalik kita sa bahay,” pagtangis ni Timo.
Ilang sandali pa ay nakita na naman siya ng mga nagbabantay. Sa pagkakataong ito ay binilisan ni Timo ang pagtakas.
Araw-araw na tila nakikipagpatintero si Timo sa mga nagbabantay upang makita lang niya ang ina. Lagi niyang inaakyat ang silid nito at ninanamnam ang bawat sandali na kahit sa labas lang ay makapiling pa rin niya ang ina.
Dahil problema na si Timo sa ospital ay sinumbong na siya sa mga awtoridad. Kaya nang isang araw na muli siyang umakyat sa bintana ng silid ng ina sa ospital ay agad siyang nahuli.
“Gusto ko lang naman na makita ang nanay ko. Alam kong lalaban siya pag alam niyang nahihintay ako sa kaniya. Parang awa na ninyo. Tulungan ninyo ako para huwag siyang ilayo sa akin,” umiiyak sa sambit ng binata.
Ilang sandali lang ay nagkamalay na si Aling Dely. Hindi maipaliwanag ni Timo ang kaniyang mararamdaman dahil sa wakas ay tiyak niyang buhay ang ina.
Pumiglas ito sa mga awtoridad para tuluyang makaharap ang inang nangungulila rin sa kaniya.
“Nanay, narito na po ako! Salamat at lumaban kayo. Magpalakas na po kayo nang sa gayon ay maiuwi ko na po kayo. Hindi ako makakapayag na paglayuin nila tayo!” saad ng binata
Marami ang naantig sa ginagawang ito ni Timo para sa kaniyang ina. Maging ang mga social workers ay hindi na mapanindigan ang kanilang desisyon dahil alam nilang mahal na mahal naman ni Timo ang kaniyang ina ngunit wala lang siyang kakahayan na buhayin ito.
Kaya nagdesisyon na lang ang mga social workers na sundin na lang ang pakiusap ng binata na tulungan siyang magkaroon ng pagkakakitaan nang hindi na siya umalis sa bahay. Bumuhos rin ang tulong kay Timo mula sa mga taong may mabubuting kalooban na nahabag sa kanilang kalagayan ng ina.
Dahil dito ay hindi na naghiwalay pa sina Timo at Aling Dely. Tuluyan nang iniuwi ng binata sa kanilang bahay ang ina.
Nang tanungin ni Timo ang ina kung bakit ito lumaban ay naluha siya sa sagot nito.
“Dahil alam kong nariyan ka sa tabi ko at gagawa ka ng paraan upang hindi tayo magkalayo. Alam ko rin na kailangan mo pa ako, anak, kaya hindi ako bumitaw. Hindi ako aalis hanggang hindi ko nasisiguro na nasa maayos kang kalagayan. Malaki ang pasasalamat ko sa Panginoon at ikaw ang naging anak ko. Napakabuti mo at mapagmahal. Minsan ay napapatanong ako kung anong kabutihan ba ang naitanim ko para maging karapat-dapat na maging nanay mo,” pahayag ni Aling Dely.
Isang mahigpit na yakap ang tanging naitugon ni Timo. Nangako siya na habang siya ay nabubuhay ay hindi niya pababayaan ang kaniyang ina tulad ng pag-aalaga nito sa kaniya noong siya ay bata pa lamang.