Inday TrendingInday Trending
Hindi Natatanggap sa Trabaho ang Babae dahil May Anak na Ito; Ang Bata ang Magbubunyag ng Katotohanan

Hindi Natatanggap sa Trabaho ang Babae dahil May Anak na Ito; Ang Bata ang Magbubunyag ng Katotohanan

Hindi maiwasan ni Rowena ang palinga-linga habang nasa loob siya ng tanggapan ng para sa kaniyang interview sa paghahanap ng trabaho. Napansin rin ito ng manager dahil halatang hindi mapakali si Rowena.

“Pasensiya na po kayo at sinisilip ko lang po kung naroon pa ang anak ko sa may upuan. Iniwan ko po kasi siyang mag-isa,” saad ni Rowena sa manager.

“Ang ibig mong sabihin ay sinama mo pa dito ang anak mo? Ngayon lang ako nakakita ng ganiyan. Wala bang nag-aalaga sa kaniya?” tanong ng ginang.

“Sa ngayon po ay wala. Kami lang po kasi sa buhay. Pero gagawan ko naman po ng paraan kung matatanggap po ako,” paliwanag pa nito.

“Nasaan ang ama ng bata? Ibig mo bang sabihin ay hindi ka kasal?” tanong pa ng manager.

Napayuko na lang si Rowena. Alam niyang malabo nang matanggap siya kapag nalaman na isa siyang single mom.

“Pasensiya ka na, Rowena. Pero hanggang maaari ay umiiwas kami sa intriga dito sa kompanya. Pasensiya na at hindi ko na ikokonsidera ang aplikasyon mo. Humanap ka na lang ng iba. Isa pa, mas higit kang kailangan ng anak mo,” dagdag pa ng ginang.

“P-pero, ma’am, hayaan n’yo naman po akong magpaliwanag,” sumamo pang muli ni Rowena.

Ngunit buo na ang desisyon ng manager. Hindi na nito ipinagpatuloy pa ang interbyu at pinaalis na ng tanggapan itong si Rowena.Sa pangatlong pagkakataon ay dismayadong uuwi si Rowena kasama ang kaniyang anak.

“Hindi po kayo natanggap sa trabaho? Baka po dahil sa akin, nanay?” tanong ng batang si Millie.

“H-hindi, ‘no! Bakit mo naman naisip ‘yan? Hindi dahil sa iyo kaya hindi ako natatanggap. Sa katunayan ay ayaw ko rin naman ng trabaho na ‘yun kasi malayo sa bahay. Hayaan mo at hahanap na lang ng iba si nanay,” sambit pa ni Rowena.

Pero sa totoo lamang ay hindi na alam ni Rowena ang kaniyang gagawin. Kailangan kasi niyang maghanapbuhay para sa pangangailangan ni Millie. Ngunit sa tuwing nalalaman na may isa siyang anak ay hindi siya natatanggap. Malaking kahihiyan raw kasi ito sa kompanya. Pero ayaw rin naman ni Rowena na ipagkaila si Millie.

Nang sumunod na linggo ay nakatanggap muli ng tawag itong si Rowena para sa isang interbyu. Gabi pa lang ay naghanda na siya ng gamit nila ni Millie. Wala kasi siyang pag-iiwanan ng bata kaya kailangan niya itong isama.

Habang papasok ng gusali ay hinarang ng guwardiya ang mag-ina.

“Ano po ang pakay nila dito?” saad ng sekyu.

“Kuya, may interview po ako ngayon. Inaasahan po ako ni Mrs. Salcedo,” tugon naman ni Rowena.

“Pasensiya na pero hindi p’wedeng pumasok ang batang ito. Kung nais mong makapasok ay iwan mo ang bata dito sa labas,” saad ng lalaki.

“Pero, kuya, bata pa ‘tong anak ko. Hindi p’wedeng mag-isa lang siya rito. Baka kung ano ang mangyari sa kaniya. Hindi naman siya magulo, e. Saka sandali lang naman kami. Parang awa mo naman, payagan mo nang isama ko ang anak ko sa loob,” pakiusap pa ni Rowena.

Ngunit hindi niya pinahintulutan ng guwardiya.

“Pasensiya na pero ginagawa ko lang ang trabaho ko. Mawalang galang na sa iyo kung hindi ka papasok ay tumabi ka na riyan at nakakaabala ka,” mariing sambit ng sekyu.

Dahil ayaw ni Rowena na iwan ang kaniyang anak ay hindi na lang siya tumuloy pa sa interbyu. Hindi naman maiwasan ng mga tao na pag-usapan si Rowena dahil sa eskandalong nangyari.

“Hindi man lang iwan ang anak niya sa bahay. Manong ipaalaga muna sa asawa habang naghahanap siya ng trabaho,” saad ng isang babae.

“Baka hindi alam ng asawa niya na naghahanap siya ng trabaho. O hindi naman kaya ay baka walang asawa. Nakakahiya. Nakakaaawa ang bata!” saad naman ng isa pang babae.

Inaya na lang ni Rowena na magmadali ang kaniyang anak.

‘Bakit po ayaw akong ipasama sa loob, nanay? Bakit po bawal ang bata?” tanong ni Millie.

‘Ganoon talaga kapag malalaking gusali. Siguro ay abala kasi ang lahat. Saka hindi talaga dapat nasa lugar ng trabaho ang mga bata. Hayaan mo na, totoo lang ay hindi ko rin gusto ang magiging trabaho ko riyan. May isa pa naman akong interbyu. Baka sakaling makapasa. Hindi ako titigil hanggang hindi ako nakakahanap ng trabaho, anak,” wika naman ni Rowena.

Padating sa susunod na kompanya ay napakiusapan naman ni Rowena ang guwardiya na papasukin kasama niya si Millie. Ngunit malakas pa rin ang kutob niyang hindi siya matatanggap dahil isa siyang single mom.

Lahat ng mata ay nakatingin kay Rowena habang akay-akay niya si Millie. Batid niyang sa mga isip nito ay hinuhusgahan siyang muli.

Naupo muna saglit ang dalawa habang naghihintay ng pagkakataon sa interbyu.

Nang tawagin si Rowena ay hinawakan ni Millie ang kamay ng ina.

“Nanay, kung makakatulong po ay sabihin ninyo na sa kanila ang totoo. Ayos lang po sa akin,” wika ng bata.

Hinawakan lang ni Rowena ng mas mahigpit ang kamay ni Millie.

Ilang minuto rin ang nakalipas at natapos na rin ang interbyu. Muli ay hindi natanggap itong si Rowena dahil single mom ito.

Dahil dito ay hindi na nakatiis ang batang si Millie at nagpumilit na pumasok sa tanggapan ng manager.

“Millie, saan ka pupunta? Huwag kang pumasok d’yan! Mapapagalitan tayo!” sambit ni Rowena.

Ngunit hindi nagpapigil ang bata. Sinundan na lang ito ni Rowena upang humingi ng dispensa pero naabutan niya ang anak na kinakausap na ang manager.

“Parang awa n’yo na po. Tanggapin ninyo na po ang Nanay Rowena ko. Kailangan niya po talaga ng trabaho. Hirap na hirap na po siya kung paano niya ako bubuhayin. Wala na rin po kaming pambayad sa upa at sa kuryente at tubig. Kaya parang awa ninyo na po, tanggapin n’yo na po ang nanay ko. Gusto lang naman niya po akong bigyan ng magandang bukas. Ginagawa niya po ito kahit na hindi po niya ako kaanu-ano!” umiiyak na sambit ni Millie.

Nagulat ang manager sa sinabi ng bata.

“H-hindi ka niya anak? Ang sabi niya ay anak ka raw niya sa pagkadalaga?” pagkatataka ng ginang.

“H-hindi po! Iniwan lang po ako ng totoo kong mga magulang sa simbahan at doon po ako natagpuan ni Nanay Rowena. Mula po noon ay hindi na siya nagkaroon pa ng nobyo at ako na lang po ang inasikaso niya. Tinuring niya po ako bilang isang tunay na anak. At kahit kailan ay hindi niya sinabi kahit kanino na hindi ako galing sa kaniya para hindi po ito makaapekto sa pagkatao ko at baka tuksuhin po ako ng ibang tao,” patuloy sa pagtangis ang bata.

Humanga ang manager sa kabutihan nitong si Rowena. Dahil dito ay muling ikinonsidera ng manager ang aplikasyon nito.

Ngunit hindi na ito tinanggap pa ni Rowena.

“Ang akala ko ba ay naghahanap ka ng trabaho? Bakit tumatanggi ka ngayon?” saad ng manager.

“Hindi na po bale, ginang. Maghahanap na lang po ako ng iba. Nakakalungkot lang pong isipin na dahil lang sa akala ninyo na isa akong single mom ay disgrasyada na ako. Wala po kayong karapatan na husgahan ang kahit sino. Ang nais ko lang naman po ay magpaka-ina kahit wala akong asawa. Maraming salamat po sa alok ninyo pero pasensiya na po at aalis na kami ng anak ko. Tara na, Millie, maghahanap na lang ng ibang papasukan si nanay,” wika ni Rowena.

Hindi tumigil si Rowena na maghanap ng trabaho. Hanggang sa isang tawag ang kaniyang natanggap. Inaanyayahan siya na maging isang nursery school teacher sa kanilang lugar. Tamang-tama ito sapagkat nais rin niyang makasama si Millie habang siya ay nagtatrabaho.

Sa wakas ay hindi na poproblemahin pa ni Rowena ang ipangbubuhay niya kay Millie. At ito namang si Millie ay habambuhay na ipagpapasalamat ang pag-aaruga at pagmamahal sa kaniya ng kaniyang Nanay Rowena kahit hindi siya nito tunay na anak.

Advertisement