
Nagpanggap ang Bagong Nars na Apo ng Matandang Inaalagaan; Ito ang Naging Ganti ng Matanda sa Kaniya
“Zoraida, apo! Sinabi ko na at hindi mo matitiis ang lola. Ang tagal-tagal mong dumalaw! Hintay ako nang hintay sa iyo. Saan ka ba nagpupupuntang bata ka?” sambit ng matandang si Aling Basya nang makita niya ang nurse na si Karen.
“Aling Basya, hindi po ako ang apo ninyong si Zoraida. Ako po ang nars niyo rito! Ako po si Karen. Ilang beses ko po bang sasabihin ‘yan sa inyo?” saad naman ng dalaga.
“Ikaw talaga, lagi mo akong niloloko. Akala mo ata ay may sakit na akong kalimot, ano? Kahit matanda na ako ay hindi ko malilimutan ang mukha mo! Ayaw mo lang na kagalitan kita dahil madalang mo na akong dalawin dito. Huwag kang mag-alala at hindi ako magagalit ngayon. Masaya nga ako at narito ka!” dagdag pa ng matanda.
“Bahala nga kayo, Aling Basya. Mamaya ay iiyak na naman kayo dahil akala n’yo ay niloloko ko kayo! Lagi ninyong tatandaan na narito kayo sa nursing home at wala ang apo ninyong si Zoraida dito!” sambit muli ng nars.
Nakasimangot itong si Karen na lumabas ng silid ni Aling Basya.
“O, ikaw na naman si Zoraida, ano? Siguro ay kamukha mo talaga ang apo niya!” natatawang kantiyaw naman ng isang nars na si Tarah.
“Tigilan mo nga ako, Tarah. Naiinis na nga ako sa matandang iyan. Ang dami-dami kong p’wedeng maging kamukha ay ‘yong apo pa niyang si Zoraida! Malamang sa malamang ay pangit ‘yun dahil tingnan mo naman ang pangalan! Kaya ayaw kong inaasikaso iyang si Aling Basya bukod sa makulit ay lagi akong dindramahan. Minsan talaga ayaw ko ng trabaho ko, e!” reklamo pa ni Karen.
Inis na inis kasi itong si Karen sa matandang si Aling Basya. Matanda na ito at nakakalimot na. Lagi nitong pinagpipilitan na ang dalagang nars ang kaniyang apong matagal nang hindi nakikita. Sa tuwing nakikita ni Aling Basya si Karen ay palagi niya itong kinagagalitan at pagkatapos ay iiyakan.
Kaya hanggang maaari ay ayaw ni Karen na pumunta sa silid ng matanda dahil wala siyang tiyagang makisakay dito.
Ilang araw ang nakalipas ay dumating ang bagong nars na si Mayla. Dahil nga bago pa lang ang dalaga sa pasilidad ay naisipan ni Karen na ito na ang utusan na asikasuhin si Aling Basya.
“Sa wakas ay mawawalan na ako ng problema. Masisira na ang ulo ko riyan kay Aling Basya sa mga kaartehan niya. Hindi ko naman p’wedeng sakyan ng sakyan dahil mamimihasa. Baka mamaya ay kung ano pa ang gawin sa akin. Saka wala akong tiyaga sa kaniya!” saad ni Karen kay Tarah.
“Loka-loka ka! Baka mamaya ay mahirapan ‘yang si Mayla. Saka, hindi ba sa iyo talaga nakatalaga ‘yang si Aling Basya dahil ikaw nga ang gusto. Habaan mo na lang kasi ang pasensiya mo. Mukha namang malambing ang matanda kahit paano,” saad naman ni Tarah.
“Hindi ko na problema ‘yan ngayon. Si Mayla na ang bagong si Zoraida! Hay, nakakatuwa lang at parang nabunutan talaga ako ng tinik. Nagpapasalamat talaga ako at dumating si Mayla rito,” saad pa ni Karen.
Unang beses pa lang makita ni Aling Basya itong si Mayla ay pinagkamalan na niya itong apo niyang si Zoraida.
“Hindi ka talaga tumutupad sa pangako mo, Zoraida! Ang sabi mo ay sandali mo lang ako iiwan rito! Tingnan mo nga at ang tagal-tagal na! Kung anu-ano ang inihahain nilang pagkain sa akin. Hindi masarap!” sigaw ng matanda.
“H-hindi po ako si Zoraida, Aling Basya. Ako po ang bago ninyong nars. Ako po si Mayla at ako na po ang mag-aasikaso sa inyo,” saad naman ng dalaga.
“Bakit ba sa tuwing pupunta ka rito ay binabago mo ang pangalan mo! Talagang wala kang utang na loob! Talagang gusto mo na akong pabayaan, ano?” galit pang wika ni Aling Basya.
Habang inaayos ni Mayla ang pagkain ay patuloy pa rin sa panenermon itong si Aling Basya. Sa galit nito ay tinabig niya ang pagkain.
“Ngayon mo ako aasikasuhin kung kailang pinakain na ako kanina. Kung aalis ka rin lang ay huwag ka nang mag-abala pa! Lumayas ka na!” sigaw ni Aling Basya kay Mayla.
Habang nangyayari ito ay nakikinig lamang si Karen sa labas ng silid ng matanda at tatawa-tawa.
“Mabuti na lang talaga ay hindi na ako ang aasikaso riyan kay Aling Basya. Ang sarap ng walang problema! Ang ibang pasyenteng hawak ko ngayon ay sadyang tahimik lang,” sambit ni Karen.
Paglabas ni Mayla mula sa silid ng matanda ay halata ang pagod sa mukha nito.
“Talagang ganiyan iyang si Aling Basya. Mahirap siyang alagaan. Marami na ngang napapasuko ‘yan rito, e!” wika ni Tarah.
“Ayos lang naman sa akin. Naguguluhan lang ako sapagkat bakit kaya siya gano’n? Saka sino kaya ang tinatawag niyang Zoraida? Ano ang ginawa sa kaniya ng apo niya para magalit siya ng ganoon?” sunud-sunod na tanong ni Mayla.
“Alam mo, Mayla, kung ako sa iyo ay huwag ka nang magtanong dahil hindi mo na problema ‘yan. Huwag mong panghimasukan ang buhay nila dahil ang trabaho lang natin dito ay asikasuhin sila,” saad naman ni Karen.
“Mas maaasikaso ko siya kung alam ko kung saan nanggagaling ang ganiyang ugali niya. Matanda na siya at dapat kong maunawaan kung anong kalungkutan ang mayroon siya,” muling sambit ni Mayla.
Dahil hindi mapakali si Mayla ay inalam niya ang tunay na nangyari kay Aling Basya. Labis niyang ikinalungkot ang nalaman niyang katotohanan.
“Iniwan siya ng apo niyang si Zoraida rito at hindi na siya binalikan pa? Pipilitin kong hanapin si Zoraida nang sa gayon ay malaman niyang hinihintay siya ng lola niya. Pero habang wala pa siya ay ako muna ang magiging Zoraida na apo niya,” saad ni Mayla.
Kahit na mahirap pakisamahan itong si Aling Basya ay inunawa siya ni Mayla. Sa tuwing nagwawala itong si Aling Basya at hinahanap ang apong si Zoraida ay palaging dumarating si Mayla.
Hanggang dumating ang panahon na hindi na nagagalit si Aling Basya kay Mayla dahil napagtanto niyang maya-maya ay nariyan na rin ang kaniyang apo. Madalas silang magkwentuhan. Madalas ilabas ni Mayla ng silid itong si Aling Basya at ipinapasyal niya sa hardin ng pasilidad.
Noon ay nakita na rin ang mga ngiti sa mukha ni Aling Basya.
“Masaya ako at hindi mo na ako iniiwan, Zoraida. Alam mo naman kung gaano kita kamahal. Ikaw na lang ang pamilya ko, Zoraida,” wika ni Aling Basya.
Dahil sa sinabing ito ng matanda ay nagpumilit si Mayla na hanapin ang apong si Zoraida. Habang wala pa rin ang apo ni Aling Basya ay nagpapanggap pa rin ang dalagang nars para hindi na masaktan pa ang kalooban ng matanda.
Isang araw ay nagtataka si Mayla nang makakita ng isang lalaking dumalaw kay Aling Basya. Nang tanungin niya ang matanda ay hindi naman ito sumagot. Iba ang mga ikinikilos ni Aling Basya ng araw na iyon. Ngunit nagpatuloy lang si Mayla sa pag-aasikaso rito.
Ilang araw ang lumipas ay nakita na lang si Aling Basya na payapang nakahiga sa kama at wala ng buhay.
“Sayang at hindi ko man lang nakita si Zoraida bago mawala si Aling Basya. Sa huling pagkakataon ay hindi sila nagkatagpo. Nayakap man lang sana ni Aling Basya ang apo niya,” umiiyak na sambit ni Mayla.
“Huwag mong sabihing napamahal na sa iyo ang matandang ‘yun. Mabuti nga at nawala na siya at tatahimik na ang nursing home na ito. Malaking sakit siya ng ulo,” saad naman ni Karen.
“Parang wala kang magulang kung magsalita ka. Wala ka rin bang lola? Hindi ka ba natatakot na baka isang araw pagtanda mo ay maranasan mo rin ang naranasan niya? Kaawa-awa ang matandang iyon. Tanging hangad lang naman niya ay makapiling niya ang pinakamamahal niyang apo,” paliwanag pa ni Mayla.
Ilang saglit lang ay may isang lalaking naghahanap kay Mayla. Namukhaan ito ng dalaga.
‘Hindi po ba kayo ang lalaking dumalaw kay Aling Basya noong isang araw? Kaanu-ano po niya kayo at bakit ninyo po ako hinahanap?” tanong ng dalaga.
“Ako ang abogado ni Aling Basya. Ilang araw bago siya pumanaw ay bumalik ang kaniyang alaala at mariin niyang ibinilin sa akin na sabihin ito sa iyo. Mayla, ikaw ang pinapamanahan ng matanda ng lahat ng kaniyang ari-arian. Iniiwan niya sa’yo ang mga kayamanan rin niya sa bangko,” saad ng lalaki.
“Ngunit paano ito nangyari. Hindi po ba ay may apo siya, si Zoraida? Sa kaniya po dapat mapunta ang lahat ng maiwan niya,” wika muli ni Mayla.
“Matagal nang wala ang apo niyang si Zoraida. Nagkaroon ito ng malubhang karamdaman. Kaya nga wala nang dumadalaw rito kay Aling Basya. Inilagay ni Zoraida ang kaniyang Lola Basya rito sa nursing home upang kung siya ay mawawala’y masisigurado niyang may mag-aalaga sa matanda. Mabuti na lang at nakilala ka ni Aling Basya. Sa huling yugto ng buhay niya ay nakaramdam siya ng kaligayahan,” saad pa ng abogado.
Lalong nalungkot si Mayla nang malaman niya ang katotohanan kung bakit naroon si Aling Basya.
Nang marinig naman ng mga nars ang ipinamana kay Mayla ay labis ang kaniyang inggit. Lalo na si Karen. Kung pinagtiyagaan lang niya siguro si Aling Basya ay siya ang nasa kalagayan ni Mayla.
Hindi naman inangkin ni Mayla ang lahat ng ari-arian na naiwan ni Aling Basya. Karamihan sa mga ito ay kaniyang nai-donate para sa mga matatandang walang tahanan at walang pamilya.
Mula noon ay naging adbokasiya na ni Mayla ang makatulong lalo na sa mga matatanda. Higit sa ligayang nadala niya kay Aling Basya ay marami ring natutunan itong si Mayla sa matanda. Nagsilbing inspirasyon ng dalaga ang matandang kaibigan upang ipagpatuloy niya ang kaniyang nasimulang adhikain.