Pinasan ng Panganay ang Lahat ng Responsibilidad ng Pamilya; Bandang Huli’y Mahahawakan Niya ang Matamis na Tagumpay

Umuwi mula sa eskwela ang dalagang si Jessa. Mula sa labas ng kanilang bahay ay hindi niya sinasadya na marinig ang pag-uusap ng kaniyang mga magulang.

“Hindi na ako makakapagtrabaho pa dahil sa kalagayan ko, Samuel. Paano ko sasabihin sa mga anak mo na hindi ko na rin sila maaalagaan? Sa dami naman ng masasamang tao riyan ay bakit ako pa ang nagkaroon ng ganitong karamdaman!” pighati ng ginang na si Celia habang yakap siya ng asawa.

“Huwag kang mawalan ng pag-asa. May awa ang Diyos, Celia. Ang sabi naman ng doktor ay may pag-asa pa raw na gumaling ang sakit mo. Huwag kang magpapagapi. Kailangan tayo ng mga anak natin,” sambit naman ng mister.

Habang naririnig ni Jessa ang usapan ng mga magulang ay hindi niya maiwasan na maluha. Naaawa siya sa kaniyang ina sapagkat alam niyang imposibleng matugunan nila ang lahat ng gamutan nito dahil mahirap lang ang kanilang buhay.

“Hayaan mo, Celia, bukas na bukas ay babale ako sa opisina. Magtatanung-tanong din ako kung saang ahensiya ng gobyerno ako makakalapit para maipagamot ka. Gagawa ako ng paraan. Mapapagtagumpayan natin ito,” wika muli ni Samuel. 

Hindi na nakayanan pa ni Jessa na hindi magpakita sa kaniyang mga magulang. Kaya nagulat ang mga ito nang makita siya na nasa may pintuan.

“K-kanina ka pa ba riyan, anak? May pinag-uusapan lang kami ng nanay mo tungkol sa napanood naming palabas. Talagang nakakaiyak kasi,” paliwanag ni Samuel habang pinupunsan ang mga luha nito.

“Hindi ninyo na po kailangan pang magsinungaling sa akin. Narinig ko na po ang lahat. Hihinto na lang po ako sa pag-aaral nang sa gayon ay makatulong po ako sa inyo. Huwag ninyo na po akong alalahanin dahil mas mahalaga ang buhay ni nanay,” umiiyak ring sambit ni Jessa. 

Advertisement

Ayaw man ng mga magulang ni Jessa na huminto siya ng pag-aaral ay naging mapilit pa rin ang dalaga. Habang nagtatrabaho bilang isang pahinante si Samuel ay nagtitinda naman ng kape, softdrinks at tinapay si Jessa. Ginagawa niya ito upang maipagamot ang kaniyang ina at makatulong rin sa pagpapaaral ng kaniyang mga kapatid.

Isang araw ay hindi sinasadyang nakita si Jessa ng mga dating kaklase.

“Totoo pala ang balita na hindi ka na raw pumasok dahil nagtitinda ka na lang. Ganyan na ba kahirap ang pamilya mo, Jessa? Nasa pampublikong paaralan na nga lang tayo ay hindi ka pa magawang pag-aralin. O baka sadyang tamad ka lang kaya nauwi ka sa ganito?” natatawang sambit ng isang kaklase. 

Kahit na madalas kutyain itong si Jessa ng ilang dating kaklase na nakakakita sa kaniya ay binabalewala lang niya ito. Bilang panganay kasi ay gagawin niya ang lahat para makatulong sa pamilya.

Hindi ininda ni Jessa ang init ng araw. Sa gabi naman ay kahit antok na ay patuloy pa rin ang kaniyang pagtitinda. Awang-awa man sa kaniya ang ina ay wala rin itong magawa dahil mapilit talaga ang dalaga.

Isang araw ay ginulantang ang pamilya ng balitang nadisgrasya raw ang haligi na si Samuel sa trabaho. Agad itong binawian ng buhay. Labis ang hinagpis ng mag-anak sa kanilang nalaman. 

“Paano na kayo mga anak? May malubhang karamdaman na nga ako, nawala pa ang tatay ninyo! Paano ko kayo bubuhayin?” pagtangis ni Celia. 

“Huwag na po kayong mag-alala, ‘nay! Ako na po ang bahala sa mga kapatid ko at sa inyo. Simula ngayon ay ako na po ang mag-aalaga sa pamilyang ito,” saad ni Jessa.

Advertisement

Sa murang edad ni Jessa ay pinasan niya ang lahat ng responsibilidad. Sa totoo lang ay hindi na niya alam kung paano hahatiin ang kaniyang sarili para matugunan ang lahat ng kanilang pangangailangan.

Ilang linggo lang matapos mailibing ang amang si Samuel ay binawian na rin ng buhay ang inang si Celia. Lalong nadagdagan ang pagdurusa ng magkakapatid ngayong tuluyan na silang naging ulila.

“Nangako ako sa mga magulang natin na ako ang magtataguyod sa inyo kaya lahat ay gagawin ko para lang mapagtapos ko kayo ng pag-aaral. Pagpasensiyahan ninyo lang ako kung ano ang kaya kong ibigay pero nangangako ako na sa lahat ng bagay ay kayo ang uunahin ko!” umiiyak na sambit ni Jessa.

Ipinagpatuloy ni Jessa ang pagtitinda sa kalsada. Ngunit batid din niyang hindi ito sapat para mabuhay ang dalawang kapatid. Isa pa, nasa alanganin rin ang kaniyang buhay sa tuwing sumasampa ng bus. Dahil ayaw na niyang mawalan pa ng kaanak ang kaniyang mga kapatid ay nagdesisyon siyang magimpok nang sa gayon ay magkaroon siya ng ibang pagkakakitaan.

Hindi naging madali para kay Jessa ngunit sa wakas ay nagkaroon siya ng isang maliit na sari-sari store sa kanilang bahay. Bukod pa doon ay nilakasan niya ang loob niyang mangutang ng pampuhunan nang sa gayon ay makapagbenta rin siya ng mga damit.

Naging patok ang negosyong ito ni Jessa. Nagtayo siya ng isang online shop. At sa mabilis na panahon ay napalago niya ito.

Nag-ipon nang nag-ipon si Jessa para sa pag-aaral ng kaniyang mga kapatid. Pinanatili nila ang simple nilang pamumuhay kahit na malaki na ang kaniyang kinikita.

Minsan ay nagtagpo muli ang landas ni Jessa at mga dati niyang kaklase. Pawang magaganda ang mga trabaho ng mga ito kaya minamaliit nila ang dalaga.

Advertisement

“Talagang hindi ka aasenso kung hindi ka mag-aaral nang mabuti. Tingnan mo at hindi ka man lang nakapagtapos ng hayskul. Anong buhay ang mararating mo niyan?” saad ng dating kaklase. 

Hindi na sana papalag pa si Jessa ngunit nang marinig ng nakababatang kapatid nito na si Andrew ang mga sinasabi tungkol sa kaniyang ate ay hindi nito maiwasan ang umalma.

“Hindi nga nakapagtapos ang ate ko ng pag-aaral pero pareho kaming nasa kolehiyo ng isa ko pang kapatid nang dahil sa kaniya. Siguro nga ay wala siyang kasing gandang uniporme tulad nang mga suot ninyo sa trabaho pero nagsikap siya kung nasaan man siya ngayon. Nagsakripisyo siya para sa pamilya namin. Siya ang tumayong ama at ina para sa aming magkakapatid. At walang makakatumbas sa kadakilaan na iyon. Kaya wala kayong karapatang pagsalitaan ang ate ko ng ganiyan dahil wala kayong alam at wala kayong naiambag sa buhay namin na kahit ano!” wika ni Andrew.  

Napahiya ang mga dating kaklase ni Jessa dahil sa tinuran ng kapatid nito.

“Maraming salamat sa ginawa mo, Andrew, pero hindi mo na ako kailangan pang ipagtanggol. Hayaan mo kung ano ang gusto nilang isipin sa akin. Wala namang bilang sa akin ang mga sinasabi nila,” wika ni Jessa.

“Hanggang kaya ko, ate, ay ipagtatanggol kita. Gusto kong malaman nilang lahat kung gaano ka kadakilang anak at kapatid. Maraming salamat sa iyo dahil lahat ng ito ay kinakaya mo para sa amin. Darating din ang panahon na kami naman ang makakabawi sa iyo,” saad muli ni Andrew.

Pinagsikapan ng dalawang nakababatang kapatid ni Jessa ang kanilang pag-aaral hanggang sa nakatapos ang mga ito at nagkaroon ng magandang trabaho. Kahit na hindi na bumalik sa pag-aaral itong si Jessa ay gumanda naman ang buhay nito dahil sa lumago ang kaniyang negosyo. 

Nakakahinayang man na hindi na naabutan nina Samuel at Celia ang pag-angat sa buhay ng mga anak ay natitiyak ng magkakapatid na nasaan man naroroon ang mga magulang ay ipinagmamalaki sila ang mga ito lalo na ang panganay na si Jessa na hindi tumigil na gawin ang lahat upang makawala ang pamilya sa kinasasadlakang kahirapan.