
Inaalipusta ng Tiyahin ang Dalaga at Pamilya Nito; Ipamumukha ng Pamangkin ang Lahat ng Masamang Sinabi ng Ginang Noon
Atras-abante itong si Bella habang nasa labas ng bahay ng tiyang si Lydia. Hindi niya kasi alam kung itutuloy pa niya ang paghingi rito ng tulong dahil alam niyang hindi maganda ang trato nito sa kanilang mag-ina. Ngunit dahil asawa ito ng yumaong kapatid ng kaniyang ina ay tanging ito lamang ang mahihingan nila ng tulong.
Aalis na sana itong si Bella nang matanaw siya ni Lydia.
“Bella, anong ginagawa mo rito? Huwag mong sabihing pinapunta ka na naman ng nanay mo para mangutang?!” bungad ng tiyahin.
“Pasensiya na po kayo, Tiya Lydia. Hindi po alam ni nanay na nagpunta ako rito pero hindi ko na po kasi alam kung saan ako hihingi ng tulong. Ubos na po kasi ang gamot ni nanay. Hindi pa po kasi nakakauwi si tatay mula sa Maynila,” sagot naman ng dalaga.
“Hay, ibang klase talaga kayo ng nanay mo, ano?! Hanggang ngayon ay pinapasakitan ninyo ako! Alam mo, Bella, nasa edad ka naman na. Itigil mo na ang pag-aaral mo at magtrabaho ka na. Huwag ka nang dumagdag pa sa alalahanin ng magulang mo. Magkano lang ba ang kinikita ng tatay mong karpintero sa Maynila? Ito rin kasing nanay mo, maganda naman at matalino ay hindi ginagamit ang kaniyang utak!” sambit pa ni Lydia.
Kahit minsan ay hindi na masikmura ni Bella ang pang-aalipusta sa kanila ng tiyahin ay wala siyang magawa dahil ito lang ang tangi niyang malalapitan.
“O, heto ang isang libo. Huwag mo nang bayaran iyan. Abuloy ko na lang ‘yan sa nanay mo at mukhang wala na talagang pag-asang gumaling siya!” saad pa ng ginang.
Dahil sa sinabing ito ni Lydia ay nagpanting ang tenga ni Bella.
“Grabe naman po kayong magsalita, tiya. Hindi po ako lumalaban sa lahat ng sinasabi ninyo tungkol sa amin pero sobra naman na po ang sinasabi ninyong abuloy! Ito na po ang isang libo ninyo. Hindi ko na po ito matatanggap dahil mabubuhay pa ang nanay ko!” sambit ni Bella.
“Aba’y, nagmamataas ka pa. O, ‘di sige, akin na ang pera ko at lumayas ka na sa harap ko dahil naaalibadbaran ako sa iyo!” bulyaw pa ni Lydia.
Masamang masama ang loob ni Bella sa masamang ugali ng kaniyang tiyahin.
Pag-uwi niya ng bahay ay nalulungkot siya sapagkat tanging lugaw lang na inutang pa niya sa karinderya ang kaniyang uwi.
“Nay, kumain muna po kayo para malamnan ang tiyan ninyo. Wala pa po si tatay kaya wala pa pong gamot,” saad ng dalaga.
“Nagtungo ka na naman sa Tiya Lydia mo, ano? Ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na tigilan mo na ang pagpunta roon dahil alam mo naman ang ugali n’ya. Hayaan mo na ako, anak, ayos lang naman ang pakiramdam ko. Pasensiya ka na at pati ikaw ay namomroblema sa akin,” wika naman ng inang si Mabel.
Hindi maiwasan ni Bella na mag-alala sa ina dahil alam niyang maaaring lumubha pa ang kalagayan nito kapag hindi tuloy-tuloy ang pag-inom nito ng gamot.
Hindi na lang ikinuwento ni Bella sa ina ang mga sinabi sa kaniya ng kaniyang Tiya Lydia.
Noong gabi ring iyon ay nakauwi na ang ama ni Bella na si Pilo mula Maynila. Ngunit sa kasamaang palad ay nawalan na rin pala ito ng trabaho.
“Ang sabi kasi ay matanda na rin ako mabagal na raw akong kumilos. Pero hahanap pa rin ang ng paraan para magkapagtrabaho. Kahit magkalkal ako ng basura may maipakain lang sa inyo,” wika ng ama.
Naalala ni Bella ang nanay ng kaniyang kaklase. Nagtatrabaho ito sa pabrika sa ibang bansa. Agad siyang nagpunta sa bahay nito upang magpatulong.
“Sigurado ka ba na hindi mo na tatapusin ang hayskul, Bella, at magtatrabaho ka na? Sayang naman!” saad ng kaibigan.
“Sigurado na ako. Mas kailangan kasi ako ng mga magulang ko ngayon,” saad ng dalaga.
Agad na nakapagdesisyon si Bella na umalis ng bansa upang magtrabaho sa isang pabrika ng sinulid sa China.
Dahil wala namang pera na magagamit si Bella sa pag-aayos ng papeles ay kinapalan na niya ang mukha niya na mangutang sa nanay ng kaniyang kaklase. Pinaunlakan naman siya nito kapalit ng pagbabayad buwan-buwan.
Nang mabalitaan ni Lydia ang pag-alis na ito ng pamangkin ay binalot ito ng inggit at pangambang baka maungusan siya ng pamilya nito.
Kaya pinagkalat niya sa marami na umalis itong si Bella at naging isang bayarang babae sa ibang bansa.
“Talagang kahit sino ay kakapit sa patalim para makaangat sa buhay. ‘Yung mga magulang naman niya ay hindi na siya pinigilan dahil nga makikinabang sila,” saad ng ginang.
Kahit na naririnig ng mag-asawang Pilo at Mabel ang masasamang ipinagkakalat ni Lydia ay hindi na sila nagsalita pa sa bilin na rin ni Bella.
“Ipapakita ko sa kaniya, nanay at tatay na hindi niya dapat hinahamak ang katulad natin. Ako na po ang bahala sa inyong dalawa. Gagawin ko po ang lahat para kahit kailan ay hindi na kayo matahin pa,” saad ni Bella sa mga magulang.
Labis na ginalingan ni Bella ang kaniyang trabaho. Lagi siyang nagpapadala ng pera panggastos ng kaniyang mga magulang at lalo na pambili ng gamot ng kaniyang ina.
Makalipas ang ilang taon ay umuwi ito ng bansa at ibang-iba na ang itsura nito. Mula sa dating kawawang dalaga ay balot na ito ng mamahaling gamit at alahas.
“Aba, Bella, nakauwi ka na pala. Kani-kaninong lalaking banyaga ka kumapit para mapunta ka sa kinalalagyan mo ngayon? Ang yaman-yaman mo na pero hindi mo man lang maipagawa ang bahay ng magulang mo?” saad ni Lydia sa pamangkin.
“Lalaki? Hindi ko kailangan ng lalaki para makarating ako sa kinaroroonan ko. Saka hindi ko na kailangan pang ipagawa ang bahay ng mga magulang ko dahil iaalis ko na sila rito. Habang patuloy kang nagkakalat ng mali sa akin ay lalo kong pinagbubuti ang buhay ko. Nag-aral ako sa ibang bansa at nagsikap. Ngayon ay may sarili na akong kompanya. Umuwi lang ako rito upang kunin ko na ang mga magulang ko at sa ibang bansa na kami titira!” pagmamalaki ni Bella.
“Kung marami ka na pala talagang pera ay bakit hindi mo bayaran ang lahat ng inutang ninyo sa akin noon?” sambit pa ng tiyahin.
Agad na bumunot ng pera itong si Bella mula sa kaniyang pitaka.
“Ito na ang perang nakuha namin sa iyo kasama ang interes. Alam kong sobra-sobra pa ‘yan. Sa’yo na at abuloy ko na ‘yan sa’yo,” sambit pa ng dalaga.
Ipinamukha ni Bella ang lahat ng pang-aaping ginawa sa kaniya ng tiyahin.
Nang araw ring iyon ay inialis na ng dalaga ang kaniyang mga magulang sa lugar na iyon upang isama sa ibang bansa. Nais niyang iparanas sa kaniyang ama at ina ang masaganang buhay na noon ay ipinagkait sa kanila.