
Nawala ang Pirmadong Tseke ng Isang Mayamang Ginang; Maaantig ang Kaniyang Puso sa Nakapulot Nito
“Ma’am Celeste, bakit narito pa po kayo sa opisina? Hindi po ba, mayroon po kayong meeting sa mga contractor ngayong araw? Hindi na po ba ito natuloy?” tanong ng sekretaryang si Dolly sa kaniyang amo.
Napatingin si Celeste sa kaniyang relo at agad siyang nagmadali nang makita niyang mahuhuli na siya sa kaniyang meeting.
“Oo nga pala! Nakalimutan ko na ang oras sa dami ng mga tseke na sinusulatan ko. Ikaw na ang magtuloy nito, Dolly. Kukunin ko na itong ilang kailangan ko ngayon. Sa meeting ko na lang susulatan dahil hindi ako sigurado sa pangalan ng kompanya,” dagdag pa ni Celeste.
“Ma’am, hindi ba delikado na nakapirma na ang tseke na iyan kahit wala pang pangalan? Malaking halaga po ang nariyan. Dalhin ninyo na kaya ang buong booklet para sigurado?” saad muli ng sekretarya.
“Naku, ayos lang at ilalagay ko naman dito sa loob ng envelope. O siya, aalis na ako at baka mahuli pa ako. Hindi ko pa makuha ang deal,” wika pa ng amo.
Isang magaling na business woman itong si Celeste. Kilalang kilala siya dahil sa magagandang bahay na kaniyang binebenta.
Paglabas ng opisina ni Celeste ay nakita niya ang isang pulubing matanda. Nagmamakaawa ito sa kaniya na bigyan niya ito ng kaunting tulong.
“Parang awa mo na kahit magkano lang para makabili ako ng pagkain para sa akin at sa apo ko,” pakiusap ng matanda.
“Pagbalik ko, tatang, at wala akong barya, e! Hintayin mo ako rito,” saad pa ng ginang.
Ngunit mapilit ang matanda at kinukulit niya itong si Celeste.
“Parang awa mo na, kahit magkano lang ay ayos na. Kahit hindi na para sa akin at para na lang dito sa aking apo,” muling pagmamakaawa ng matanda.
Dahil nga nagmamadali na itong si Celeste at hindi na rin magkandaugaga sa kaniyang mga dala ay nasungitan niya ang matanda.
“Sabi ko ay mamaya na pagbalik ko at wala nga akong barya! Maghintay lang kayo. Aba’y parang ako pa ang may kasalanan kung bakit kayo nasa kalsada ng apo mo! Ikaw na nga lang ang nanghihingi, ikaw pa ang may ganang mangulit. Maghintay kayo riyan at pagbalik ko ay bibigyan ko nga kayo!” sambit ni Celeste.
Dahil napagtaasan na ng boses ay bahagyang lumayo na ang matanda. Humingi ito ng pasensiya at bumalik sa kaniyang pwesto kasama ang apo.
“Pasensiya na po. Sige po at maghihintay na lang kami,” sambit ng kawawang matanda.
Pagpasok ni Celeste sa kaniyang sasakyan ay hindi sinasadyang nalaglag ang kaniyang envelope. Nagmamadali siyang kunin ito at saka umalis patungong meeting.
Ilang saglit pa ay nakita ng matanda na may nalaglag na papel sa ginang.
“Isa itong tseke at napakalaking pera ang nakasulat rito. At may pirma pa! Naku, kailangan ko itong ibalik sa ginang. Baka mamaya ay makuha ng masasamang loob!” sambit ng matandang pulubi.
Pilit niyang hinabol ang sasakyan ni Celeste ngunit hindi na niya ito naabutan. Kaya itinago niya ng maigi ang tseke.
Sa kalagitnaan naman ng meeting ni Celeste ay napansin niyang nawawala ang mga teske. Labis na siyang kinabahan Hindi niya kasi alam kung nasaan ito. Sigurado siya na sa dala niyang envelope lamang niya inilagay ito.
Dahil dito ay nagkaroon ng kaunting aberya sa meeting ngunit nakuha pa rin naman niya ang deal sa mga contractors.
Sa pag-aalala ay agad na bumalik si Celeste sa opisina.
Dali-dali siyang nagmaneho. Nang makarating sa opisina ay nagmamadali siyang bumaba ng sasakyan.
Agad naman siyang sinalubong ng matandang pulubi nang siya ay makita.
“Ginang, kanina pakita hinihintay,” saad ng matanda.
“Oo na! Hindi ko nakakalimutan ang pinangako ko. Pero mamaya na! May mas importante akong kailangang gawin. Manghingi ka na lang muna sa iba!” inis na sambit ni Celeste.
“Hindi po n’yo naiintindihan, ginang. Kanina pa po kasi kami rito ng apo ko,” pinipilit ng matanda na magpaliwanag.
“Alam ko po ang sinabi ko. Pero wala pa po akong barya ngayon! May nawawala po sa akin at kailangan ko itong hanapin kaya umalis na po kayo sa daraanan ko at huwag ninyo akong abalahin!” sita pa ng ginang.
“Iyon na nga po ang nais kong sabihin sa inyo, ginang. Talagang hindi po kami umalis ng apo ko rito hanggang hindi kayo nakakabalik dahil may nais kaming ibigay sa inyo. May nakita kasi akong tseke pag-alis n’yo. Alam kong nalaglag ninyo ito. Malaking halaga ang nakasulat po rito kaya itinago kong maigi at baka makuha ng ibang tao,” pahayag pa ng pulubi.
Nang makita ni Celeste ang kaniyang hinahanap ay nagulat siya. Labis siyang nahiya dahil sa inasal niya sa matandang pulubi.
“Sa akin nga ang tsekeng ito. Naku, maraming salamat. Hindi ko akalain kasi na ito pala ang sinasabi mo sa akin. Pasensiya ka na,” saad ni Celeste.
“Walang anuman, ginang. Tanggap ko naman po na maliit ang tingin sa aming mga pulubi,” sambit naman ng matanda.
Pinahanga ng pulubi si Celeste dahil sa ginawa nito. Batid kasi niyang matindi ang pangangailangan ng matanda ngunit hindi man lang siya nag interes sa tsekeng may malaking halaga.
“Tatang, marami po akong kilala sa industriya sa tingin ko po ay matutulungan ko kayo na magkabahay ng apo n’yo. Kahit isang lugar lang na matatawag ninyong tahanan. Saka tutulungan ko rin po kayong magkaroon ng kabuhayan. Pangako po ‘yan! Maraming salamat sa kabutihang ginawa ninyo sa akin. Patawarin n’yo ang mga maling nasabi ko sa inyo kanina,” pahayag muli ng ginang.
Tinupad ni Celeste ang kaniyang pangako sa maglolo. Sa tulong ng ilang kaibigan ay nabigyan nila ng maayos na titirahan ang matanda. Dahil malakas pa naman ang matanda at nagpumilit rin itong magkaroon ng trabaho ay naging tagapangalaga siya ng taniman sa kanilang komunidad.
Pinahanga ng matandang pulubi ang lahat dahil sa kaniyang katapatan kaya naman marami ang nais na siya ay tulungan.