Inday TrendingInday Trending
Imbes na Magpakaina ay Pinahirapan ng Madrasta ang Buhay ng Dalaga; Isang Aksidente ang Magmumulat sa Kaniya ng Kamalian

Imbes na Magpakaina ay Pinahirapan ng Madrasta ang Buhay ng Dalaga; Isang Aksidente ang Magmumulat sa Kaniya ng Kamalian

Hindi na nga alam ng dalagang si Carol ang kaniyang uunahin sa dami ng trabaho nang bigla siyang tawagin muli ng madrastang si Aneth.

“Ano ka ba naman, Carol, kanina pa ako sigaw ng sigaw! Hindi mo ba ako naririnig, ha?!” galit na sambit ng ginang.

“P-pasensiya na po, Tita Aneth. Nasa bakuran po kasi ako kaya hindi ko po kayo narinig agad. Aalis na po sana ako para sunduin si Drake sa eskwela. Ano po ba ang iuutos n’yo?” saad pa ng dalaga.

“Bilisan mong makauwi pagka sundo mo kay Drake. Tapos ay pasadahan mo ng linis ag buong bahay. Magluto ka na rin ng masarap at dito maghahapunan ang mga amiga ko. Siguraduhin mong malinis ang bahay at masarap ang ihahanda mo. Ayaw kong mapahiya ako! Kung hindi ay malilintikan ka talaga sa akin!” bilin muli ng madrasta.

‘S-sige po, tita, at ako na po ang bahala. Aalis na muna po ako at susunduin ko na po si Drake,” wika pa ni Carol.

Habang naglalakad papunta ng paaralan ng nakababatang kapatid ay hindi maiwasan ni Carol na isipin ang dati niyang buhay. Nang nabubuhay pa kasi ang kaniyang ina ay pinagsisilbihan siya nito. Lagi siya nitong inaalagaan at sinisigurado na nakahanda ang kaniyang mga gamit. Ngunit nagkaroon ito ng malubhang karamdaman at binawian ng buhay.

Hindi nagtagal ay pinakasalan ng kaniyang ama si Aneth. Ang buong akala ni Carol ay magkakaroon siya ng bagong mag-aaruga sa kaniya. Ngunit hindi naging maganda ang pakitungo sa kaniya ng madrasta. Lalo na nang isilang ang anak nitong si Drake. Lalo nang na etsapwera sa pamilya si Carol.

Ngunit hindi rin nagtagal ang pagsasama nina Aneth at kaniyang asawa. Namapayapa rin kasi ang tatay ni Carol nang dahil sa isang aksidente. Mula noon ay kinamkam na ni Aneth ang lahat ng pag-aaring naiwan para sana kay Carol, Ang malala pa rito ay ginawa siya nitong alipin.

Masayang sinalubong ni Carol ang kapatid sa gate ng eskwelahan.

“Hindi na tayo makakapaglakad ngayon pauwi dahil may inuutos sa akin ang mommy mo. Sasakay na tayo ng tricycle, a,” sambit ni Carol kay Drake.

Madalas kasing magkwentuhan ang dalawa habang sila ay naglalakad.

Pagdating sa bahay ay agad na sinimulan ni Carol ang mga gawain niya.

‘Siya nga pala, Carol, kapag narito na ang mga amiga ko ay ikaw muna ang tumingin rito kay Drake. Saka huwag mo akong matawag-tawag na Tita Aneth sa harap nila. Ayokong maiugnay sa iyo,” sambit muli ng ginang.

Sa katunayan ay nagtatanim na talaga ng sama ng loob itong si Carol sa kaniyang madrasta. Ngunit wala naman siyang magawa dahil wala siyang matutuluyan kung paalisin siya nito sa bahay. Hinihintay na lang ni Carol na makatuntong siya sa legal na edad nang makaalis na siya sa bahay na iyon at makapagtrabaho. Hindi na niya hahabulin pa ang kahit anong iniwan sa kaniya ng ama.

Malalim na ang gabi nang umalis ang mga kaibigan ni Aneth. Inaantok na itong si Carol dahil pagod ito sa dami ng kaniyang ginawa nang araw na iyon. Ngunit inutusan pa rin siya ng kaniyang madrasta.

“Huwag kang matutulog hangga’t hindi mo tinitiyak na malinis ang lahat. Ayokong makakita ng kalat pagkagising ko! Nasaan pala si Drake? Pinatulog mo na ba siya?” sambit ni Aneth.

“Opo, naroon po sa kaniyang silid at kanina pa po tulog. Sige po, tita, lilinisin ko na po ang bahay,” saad ng kaawa-awang dalaga.

Kinabukasan ay maaga pang gumising si Carol upang mamalengke at maipaghanda ng makakain ang mag-ina. Habang nag-aalmusal si Drake ay napansin ni Aneth na masyadong malapit sa isa’t isa sina Carol at ang kaniyang anak.

“Drake, ano ang sinabi ko sa’yo tungkol diyan sa Ate Carol mo? Huwag kang masyadong nakikipag-usap sa kaniya dahil marami pa siyang ginagawa!” sita ng ina.

“Kinukwentuhan ko lang naman po si Ate Carol tungkol sa nangyari sa eskwela ko kahapon,” saad ng bata.

“Bakit sa kaniya mo sinasabi at hindi sa akin? Ako ang nanay mo at sa akin mo sabihin! Tandaan mo na kapatid mo lang sa ama iyang si Carol at ngayong wala na ang daddy n’yo ay wala na rin kayong ugnayan. Narito na lang siya bilang isang kasambahay. Nakikitira siya rito sa atin dahil wala siyang mapupuntahan. Huwag kang masyadong nakikipaglapit sa kaniya dahil baka kung ano lang ang ituro niyan sa iyo! Ikaw naman, Carol, huwag mong bilugin ang ulo ng anak ko para lang mapalapit sa iyo. Kahit anong gawin mo ay hindi mo makukuha ang loob namin, lalo na ang loob ko!” saad pa ni Aneth.

Simula nang araw na iyon ay hindi na kinakausap ni Carol ang kapatid sa ama kapag nakaharap ang kaniyang madrasta. Ayaw rin kasi niyang kagalitan ng ina ang bata.

Araw-araw ay lalong nagiging malupit si Aneth kay Carol. At kahit ano pang gawin ng dalaga ay parang lagi siyang namamalimos ng pag-ibig sa kaniyang madrasta.

Tuwing gabi bago matulog ay laging iniisip ni Carol ang kaniyang mga magulang. Iniisip niya na buhay ang mga ito ay masaya silang namumuhay. Kahit man lamang sa gunita ay makasama niya ang mga ito.

Nang gabing iyon ay masaya siyang nakatulog.

Ngunit habang nasa kalagitnaan siya ng mahimbing na tulog ay bigla siyang nagising dahil may narinig siyang tila pagsabog. Ang akala niya ay panaginip lamang ito. Hanggang sa may naamoy siyang usok.

Paglabas niya ng silid, pababa ng sala ay nakita niyang nag-aapoy na ang kisame ng kanilang bahay. Agad niyang kinatok ang kaniyang Tita Aneth upang magising ito.

“Tita! Tita! Gumising po kayo at nasusunog ang bahay!” natatarantang sambit ni Carol habang kinakatok ng malakas ang pintuan ng silid.

“Tita! Tita! Gumising na po kayo!” muling sigaw ng dalaga.

Nang magising si Aneth ay nagalit pa ito sa dalaga dahil naistorbo ang kaniyang tulog. Hanggang sa nakita niya ang malaking apoy. Labis na nataranta na si Aneth.

“Ano pang ginagawa mo riyan at lumabas na tayo ng bahay! Hindi na tayo makakalabas kapag tuluyang gumapang na ang apoy!” sigaw ni Aneth.

Mabilis na lumabas ng bahay itong si Aneth upang iligtas niya ang sarili. Ngunit hindi pa rin lumalabas itong si Carol. Pilit niyang kinakatok ang pinto ng silid ni Drake.

Dahil mabilis na ang pagkalat ng apoy ay pinilit na ni Carol na buksan ang pinto ng bata. Nakita niya ito na mahimbing pa ring natutulog.

“Drake, tara na at bubuhatin ka ni ate. Huwag kang mag-alala at ako ang bahala sa iyo,” saad ng dalaga.

Dahil patuloy na ang pagkalat ng apoy ay hindi na alam ni Carol kung saan sila lalabas. Nakatingin siya sa umiiyak na kapatid hanggang sa magdesisyon na siyang sugurin na ang apoy.

Niyakap niya ng mahigpit si Drake at mabilis siyang kumilos upang makalabas sila ng bahay.

Nagtamo si Carol ng sunog sa katawan dahil sa kaniyang ginawa.

“Mabuti na lang at ligtas ka, anak! Patawarin mo ako! Sa sobrang taranta ko ay nakalimutan na kita!” umiiyak na sambit ni Aneth nang makita si Drake.

Labis namang nahabag ang ginang nang makita niya ang kalagayan ni Carol. Agad namang dinala ng ospital ang dalaga.

“Bakit kahit na ayaw kong ituring ka ni Drake bilang isang kapatid ay niligtas mo pa rin siya? Maging ako ay ginising mo para iligtas din,” tanong ni Aneth.

“Tita Aneth, sa kabila po ng mga nagawa ninyo sa akin ay naisip ko pong kayo na lang po ang pamilya ko. Saka ang mga sugat na ito ay gagaling pero hindi ko po matatanggap kung mawawalan po ang buhay ng isa sa inyo ni Drake. Kayo po ang pamilya ko,” tugon naman ni Carol.

Sobrang nagsisi itong si Aneth dahil sa kabila ng mali niyang pagtrato sa dalaga ay pamilya pa rin pala ang turing nito sa kaniya.

“Carol, salamat sa pagliligtas mo sa amin. Lalo na kay Drake. Hindi ko alam ang gagawin ko kung nawala siya sa akin. Patawarin mo ako sa lahat ng nagawa ko, Carol. Noon pa man ay hindi na kita pinakitaan ng maganda. Nangangailangan ka ng isang ina ngunit imbes na gampanan ko ang tungkulin ko ay pinahirapan ko pa ang buhay mo. Sana ay magkaroon pa tayo muli ng pagkakataon para maitama ko ang lahat. Magbabago na ako,” pahayag pa ng madrasta.

Mabilis na pinatawad ni Carol si Aneth. Mula noon ay nagbago na nga ang trato ng ginang sa dalaga.

“Alam ko dapat dati pa ako nagpakananay sa iyo pero hindi pa naman huli ang lahat hindi ba? Simula ngayon ay ako na ang tatayong magulang mo, Carol. Mamahalin kita na parang tunay kong anak,” saad pa ng madrasta.

Hindi na inalipin pa ni Aneth si Carol at binalik niya ito sa pag-aaral. Binigyan niya rin ng bahagi ang dalaga sa mga ari-arian at kayamanang naiwan ng ama nito. Tinupad ni Aneth ang kaniyang pangako kay Carol.

Bakas man sa katawan ng dalaga ang mga peklat na nagawa ng sunog ay walang kasing saya ang puso ni Carol dahil wala man ang kaniyang mga magulang ay sa wakas, may matatawag siyang pamilyang tunay na nagmamahal sa kaniya.

Advertisement