Inday TrendingInday Trending
Tinanggap ng Ginang sa Kaniyang Tindahan ang Isang Gusgusing Aplikante; Ito pala ang Magiging Susi sa Pag-unlad ng Kaniyang Negosyo

Tinanggap ng Ginang sa Kaniyang Tindahan ang Isang Gusgusing Aplikante; Ito pala ang Magiging Susi sa Pag-unlad ng Kaniyang Negosyo

Wala na atang mas sasaya pa sa ginang na si Glenda. Ilang araw na lang kasi ay magbubukas na ang ipinatayo niyang Grocery Store. Bata pa lamang ay ito na ang kaniyang pangarap, ang magkaroon ng isang negosyo. Kaya parang nakalutang pa rin siya sa ulap habang pinagmamasdan niyang unti-unti nang nabubuo ang kaniyang mga pangarap.

“Love, sana ay magtagumpay itong negosyo natin. Magkahalong saya at kaba kasi ang nararamdaman ko. Kinakabahan ako baka hindi pumatok itong Grocery Store,” saad ni Glenda sa asawang si Mike.

“Normal lang na kabahan ka, love, pero huwag kang mawalan ng kumpyansa. Magtatagumpay itong negosyo mo dahil pinagsikapan mo talagang maitayo ito. Huwag kang mag-alala, malugi man ito ay narito pa rin ako sa tabi mo,” saad naman ng mister.

Habang inaayos nila ang grocery ay siya rin namang dating ng byenan ni Glenda.

“Aba’y hindi na talaga kayo nagpapigil sa plano ninyong ito, ano? Sinabi ko naman sa inyo na matagal bumalik ang puhunan kapag grocery. Mas maganda kung sa mga lupa na lang kayo ng-invest. Tumataas pa ang halaga sa paglipas ng panahon. Dito? Paunti-unti lang ang tubo ninyo. Marami pa kayong babayaran, mga tauhan, kuryente, buwis at kung anu-ano pa!” sambit ng nanay ni Mike na si Lourdes.

“Ma, pabayaan na po natin si Glenda dahil una sa lahat ay talagang nag-ipon siya para matupad ang pangarap niyang ito. Nagtitiwala ako sa asawa ko na magtatagumpay ito,” pagtatanggol naman ni Mike.

“Napakarami ninyong kalaban sa paligid. Saka isa pa, saan ba kinuha ni Glenda ang pera para makapagpatayo siya ng isang grocery? Hindi ba sa mga pinapadala mo rin? Ayoko lang na mawala ang pinagpaguran mo bilang isang seaman nang dahil lang sa mga pabigla-biglang desisyon!” saad muli ng biyenan.

Hndi na makaimik pa si Glenda sa mga sinasabi ng matanda. Noon pa man kasi ay kontra na ito sa lahat ng kaniyang gusto.

Habang nag-uusap ang mag-ina ay biglang may pumasok na isang gusgusing lalaki na may edad na.

“Magtatanong lang po kung may bakanteng posisyon. Nais ko po sanang mag-apply ng trabaho kahit tagalinis lang po ng estante,” saad ng lalaki.

“Pasensiya na po at wala na po kaming bakante. Pero maaari po ninyong iwan ang biodate ninyo para kung magkaroon man ay kokontakin namin kayo,” magalang na sagot ni Glenda.

“Huwag mong sabihin sa akin, Glenda, na may plano ka talagang bigyan ng trabaho ang lalaking iyan. Sa itsura pa lang ay hindi na kaaya-aya. Hindi siya mapagkakatiwalaan. Hindi pa man nabubuksan ang grocery na ito ay mamalasin na kaagad!” sabat naman ni Lourdes.

“Parang awa niyo na po. Kailangan ko talaga ng trabaho dahil nais kong makabalik sa pag-aaral ang aking anak. Kaya kahit anong trabaho po ay ayos lang sa akin,” saad pa ng lalaki.

“’Ma, huwag n’yo naman pong pagsalitaan ng masama ang tao. Nais lang naman po niyang maghanap ng trabaho. Baka mamaya ay mahigpit din ang kaniyang pangangailangan. Lahat naman ay may karapatan sa isang pagkakataon,” muling sambit ni Glenda.

“Mike, pakinggan mo nga ang sinasabi ng asawa mo! Hindi ako makapaniwala na ganiyan talaga siya magdesisyon. Hindi na ako magtataka na kung isang araw ay maisara agad itong grocery!” sambit pa ng biyenan.

Sa pagkakataong ito naman ay kinampihan ni Mike ang kaniyang ina.

“Love, mamili ka ng mga taong magsisilbi rito sa grocery. Kilatisin mo ang bawat isa. Hindi ‘yung tanggap ka lang ng tanggap,” payo ng mister.

“Hindi ko naman sinasabi, love, na tatanggapin ko siya. Ang sinasabi ko lang ay huwag namang pagsalitaan ng masama. Naghahanap ng disenteng trabaho ang lalaking ito kaya kailangan din natin siyang bigyan ng respeto,” sambit muli ni Glenda.

Sa inis ni Lourdes ay pinaalis niya sa grocery ang gusgusing lalaki. At mariin niyang ibinilin kay Mike na bantayan ang kaniyang asawa na huwag tanggapin ito.

Lumipas ang isang linggo at puspusan na ang pag-aayos sa grocery para sa nalalapit na pagbubukas ito. Ngunit dahil kulang sa tao ay mukhang mauudlot ang kanilang grand opening.

Bigla na lang sumagi sa isip ni Glenda ang gusgusing lalaki na nag-a-apply sa kaniya ng trabaho noong nakaraan.

Agad niyang hinanap ang biodata nito at saka niya tinawagan.

“Sigurado po ba talaga kayo na tatanggapin ninyo ako? Narinig ko po ang sinabi ng biyenan n’yo tungkol sa akin,” saad ng lalaki.

“Ako po ang may-ari ng grocery store at sigurado po ako. Maaari na po kayong magsimula ngayon para po maituloy natin ang grand opening sa susunod na linggo,” nakangiting sambit ni Glenda.

Dumating na nga ang araw ng pagbubukas ng grocery. Lahat ng kamag-anak ni Glenda ay naroon kabilang ang biyenang si Lourdes. Habang naglilibot sa loob ng grocery ay napansin ng ginang ang isang pamilyar na mukha.

“Hindi ba ito ang pulubing lalaki na naghahanap ng trabaho noon? Talagang binigyan mo pala siya ng trabaho, Glenda. Nasisiraan ka na talaga ng ulo! Mabilis kang maawa at maniwala. Iyan ang magiging kahinaan mo. Iyan ang magpapabagsak sa iyo sa negosyo!” sambit ng biyenan.

“Ayos naman po si Mang Cesar dito sa grocery kaya wala pong dahilan para tanggalin siya. Saka kung ano man po ang mangyari ay pananagutan ko po iyon dahil ako ang tumanggap sa kaniya,” sagot ni Glenda.

“Bahala ka, Glenda. Huwag mong sabihin na hindi kita pinaalalahanan sa mga naging desisyon mo! Tiyak akong masasayang lang ang pinaghirapan ng anak ko dahil sa mga hindi maayos na desisyon mo,” umiiling na saad naman ni Lourdes.

Sa paglipas ng mga araw ay napapansin ng lahat ang pagtumal ng grocery. Kung magpapatuloy ito ay agad na malulugi ang tindahan.

“A-ano kaya ang p’wede pa nating gawin para mapalakas ang benta nitong grocery?” tanong ni Glenda sa kaniyang mga tauhan.

Hindi niya inaasahan na magbigay ng suwestiyon si Mang Cesar.

“Ma’am, sa tingin ko po ay ayusin natin ang mga estante minsan isang buwan. Pagpalitin natin ang lalagyanan ng ibang produkto nang sa gayon ay hindi nila makabisado. Habang umiikot sila at hinahanap ang kanilang kailangan ay nakikita rin nila ang ibang bilihin. Maglagay rin po tayo ng mga produkto sa bandang harap. Maganda rin po kung magkakaroon tayo ng mga promo,” patuloy na saad ni Mang Cesar.

Pinabilib ni Cesar ang among si Glenda. Dahil dito ay nais pa niyang marinig ang ibang suwestiyon ng ginoo.

Sa kanilang pag-uusap ay laking pagtataka ni Glenda kung bakit tila maalam itong si Mang Cesar sa mga ganitong gawain.“Dati po akong manager sa isang malaking department store. At isa po sa mga tungkulin ko ay siguraduhing malaki ang benta namin sa araw-araw. Nasira lang naman ang lahat ng ito nang namayapa ang asawa ko. Nalugmok ako sa kahirapan at nakalimutan ko na may anak pala ako. Matagal na panahon ring nagtiis ang anak ko. Tumigil siya sa pag-aaral para ako naman ang alagaan niya. Ngayong nagising na ako sa katotohanan at tanggap ko nang wala ang asawa ko ay nais kong bawiin ang lahat ng taong nasayang,” paliwanag ni Mang Cesar.

“Kaya malaki ang pasalamat ko sa iyo, Ma’am Glenda. Dahil kahit na ganito ako, napabayaan na ang sarili at hindi na kaaya-aya ang itsura saka may edad na rin ay hindi ka nagdalawang isip na pagka-tiwalaan ako. Kaya nangangako akong gagawin ko ang lahat para makabawi sa pagkakataong binigay mo sa akin,” dagdag pa ng ginoo.

Dahil sa mga ideya ni Mang Cesar ay tuluyang lumakas ang benta ng grocery. Lalong naging kilala ito at dumami ang mga parokyano.

Labis ang pasasalamat ni Glenda sa magagandang ideya ni Mang Cesar.

Hindi naman makapaniwala ang biyenan ni Glenda na si Lourdes na naging matagumpay ang grocery. Lalo niyang ikinagulat nang malaman niyang ideya pala ng inaalipusta niyang lalaki ang lahat ng kaniyang nakikita.

‘Kita n’yo na, ‘ma! Talagang tamang babae ang pinakasalan ko dahil magaling siya!” saad ni Mike sa ina.

“Ang lahat ng ito ay hindi magiging posible kung hindi dahil kay Mang Cesar. Kaya ngayon ay hindi nalang siya basta taga salansan ng mga produkto sa estante kung hindi siya na ang ilalagay kong manager dito sa grocery. Alam kong sa pamumuno niya ay lalo pang yayabong itong negosyo ko,” sambit pa ni Glenda.

Labis na nagpapasalamat si Cesar kay Glenda hindi lamang sa tiwalang binigay nito sa kaniya kung hindi pati na rin sa pagkakataong maiayos ng ginoo ang buhay kasama ang kaniyang anak.

Sa pamumuno ni Cesar sa grocery ay lalong naging maunlad ang grocery kaya nakapagpatayo pa ng isa pang branch ang mag-asawang Glenda at Mike na nagbigay rin ng pagkakataon sa mga gaya ni Mang Cesar na magkaroon ng disenteng trabaho.

Advertisement