Inday TrendingInday Trending
Pinandidirihan ng Binatilyo ang Matandang Pulubing Nanghihingi ng Tulong; Hindi Niya Akalaing Malaki pala ang Ambag Nito sa Kanilang Buhay

Pinandidirihan ng Binatilyo ang Matandang Pulubing Nanghihingi ng Tulong; Hindi Niya Akalaing Malaki pala ang Ambag Nito sa Kanilang Buhay

Halos magtatatlong dekada na simula ng umalis sa Pilipinas itong si Leah. At ngayon ay hindi na siya makapaghintay na muling makabalik kasama naman ang kaniyang nag-iisang anak na si Rafael.

“Ano ba ang maganda sa Pilipinas, ‘ma? Bakit hindi na lang kasi tayo pumunta sa ibang bansa pa para magbakasyon?” tanong ni Rafael.

“Anak, gusto ko lang nman ipakita sa iyo kung saan ako lumaki at kung ano ang buhay ko dati. Kahit na wala akong natitirang kamag-anak dito sa Pilipinas ay iba pa rin ang pakiramdam kapag nakauwi ako sa sariling bayan,” saad naman ng ginang.

“Dapat kasi ay hinayaan n’yo na lang ako na sumama kay papa kina lola para nakapag-enjoy rin ako,” sambit pa ng binatliyo.

Nang makalapag na ang eroplano sa Pilipinas ay agad nagtungo ang mag-ina sa tutuluyan nilang hotel. Napapansin ni Rafael na may kakaibang kinikilos ang kaniyang ina. Madalas kasi itong lumingon-lingon na tila may hinahanap.

“Ayos lang po ba kayo, ‘ma? May nawawala po ba sa inyo?” tanong ni Rafael.

“W-wala naman, anak. Tara na at pumunta na tayo sa hotel para makagpahinga ka at alam kong napagod ka sa byahe,” tugon naman ni Leah.

Napapansin ni Rafael na madalas na magmasid ang kaniyang ina. Minsan pa nga nitong pinahinto ang taxi upang tingnan ang isang parke.

“‘Ma, sigurado ka bang ayos ka lang? Para kasing kanina ka pa balisa. Parang meron ka talagang hinahanap. May kinalaman ba ‘yan sa pagpunta natin dito sa Pilipinas?” muling pag-uusisa ng anak.

“P-pasensiya ka na, anak. Siguro ay maraming alaala lang ang bumabalik sa akin. Napakatagal na kasing panahon nang huli akong makatungtong sa lugar na ito,” wika naman ng ina.

Sa unang araw ng mag-ina sa Pilipinas ay nagpahinga muna sila. Kinabukasan ay ipinasyal ni Leah si Rafael sa mga lugar ng kaniyang kabataan upang balikan ang mga nakaraan.

“‘Ma, sa totoo lang ay malayo ang mga lugar na pinupuntahan natin sa mga nakikita ko sa internet. Bakit tayo nagpupunta sa mga ganitong klaseng lugar? Tingnan mo ang mga tao parang hindi sila gagawa ng mabuti. Ang dudumi nilang lahat at namamalimos! P’wede bang bumalik na lang tayo sa hotel kung ganito lang rin ang mga makikita ko?” sambit pa ni Rafael.

“Anak, mahalaga sa akin ang lugar na ito. Saka huwag mo namang pagsalitaan ng masama ang mga taong iyan. Baka marinig ka nila at masakatan ang kanilang damdamin,” paliwanag naman ni Leah.

“Kahit ano pang sabihin mo, ‘ma, ay nakakadiri pa rin sila! Tara na po, ‘ma, at umalis na tayo. Kung hindi ay tatawagan ko si daddy at sasabihin kong sa mga ganitong lugar mo ako dinadala,” dagdag pa ng binatliyo.

Habang naghahanap ng masasakyan itong si Leah pabalik ng kanilang tinutuluyang hotel ay nasa tabi lamang si Rafael at ayaw pansinin ang kaniyang ina.

Ilang sandali lang ay may isang matandang lumapit dito at nanghihingi ng limos.

“Baka naman may kaunti kang barya d’yan, totoy, o kaya ay tinapay. Para lang kahit paano ay may mailaman ako sa aking tiyan,” pakiusap ng matanda.

‘P’wede ba, umalis kayo sa harapan ko at ang dumi-dumi n’yo! Baka mamaya ay madungisan ang suot kong damit. Mamahalin pa naman ito!” pantataboy ni Rafael sa matanda.

“Pasensiya ka na kung natakot kita. Nais ko lang namang humingi ng kaunting tulong,” muling sambit ng matandang babae.“Wala! Wala akong ibibigay sa iyo kaya umalis ka na! Sa iba ka na lang manghingi! Napakabaho mo at napakarumi mo! Nasusuka ako!” muling pangungutiya ni Rafael.

Nang mapansin ni Leah na sinisigawan ni Rafael ang matandang pulubi ay agad niya itong pinagsabihan.

“Anak, huwag ka naman ganiyang magsalita sa matanda. Kahit ano pang estado niya sa buhay at kahit ano pang itsura niya ay kailangan mo pa rin siyang irespeto dahil mas nakakatanda siya sa iyo,” sambit ni Leah sa anak.

“Tingnan mo nga po ang itsura niya, ‘ma! Nakakadiri siya pero lapit pa rin siya ng lapit sa akin kahit sinabi ko naman nang wala! Bakit kasi dinadamay niya ako sa pagiging mahirap niya! Hindi ko kasalanan na ganiyan siyang kahirap kaya huwag niya akong kulitin!” depensa naman ng binatilyo.

“Anak, hindi tama ‘yan. Humingi ka ng despensa sa matanda. Humingi ka ng tawad,” dagdag pa ng ina.

Dahil ayaw ni Rafael na humingi ng tawad ay minabuti nalang ni Leah na siya ang humngi ng despensa sa matanda.

Ngunit pagtingin niya sa matanda ay hindi niya inaasahan na makita ang isang pamilyar namukha.

“Aling Cielo, kayo po ba talaga ‘yan?” sambit ni Leah habang nangingilid ang mga luha.

“A-ako nga si Cielo. Magkakilala ba tayo, hija?” tanong naman ng matanda.

“Hindi n’yo na po ba ako natatandaan? Ako po ito, si Leah! Matagal na panahon na po pero hinding hindi ko makakalimutan ang mga nagawa ninyo para sa akin!” sambit pa ng ginang.

“‘Ma, sino po ba talaga ang matandang ito sa buhay n’yo? Bakit n’yo po siya kilala?” tanong naman ni Rafael.

“Anak, isa sa mga dahilan kaya tayo nagpunta rito sa PIlipinas ay para hanapin ko itong si Aling Cielo. Noon kasi ay naulila ako at hindi ko na alam kung saan ako pupunta. Nagpakalat-kalat ako sa kalye. Giniginaw sa lamig tuwing gabi dahil wala akong masilungan. Madalas din ay kumakalam ang sikmura. Ngunit tinulungan ako nitong si Aling Cielo. Ilang araw din akong namalagi sa kaniyang barung-barong. Kahit na madalas ay kaunti lang rin ang kinakain namin at hindi maganda ang tinutuluyan naming bahay pero sa muling pagkakataon ay nakaramdam ako na mayroon akong pamilya. Hanggang sa tinulungan niya akong makapasok sa isang bahay ampunan. Doon ay inampon ako ng isang mayamang mag-asawa at dinala ako sa ibang bansa. Pero kahit kailan ay hindi ko nalimutan ang kabaitan sa akin ni Aling Cielo. Kaya ngayon ay nais ko namang ako ang makabawi,” pahayag ni Leah.

“Aling Cielo, akala ko ay hindi ko na po kayo makikita! Nang dahil sa inyo ay nagbago ang buhay ko. Kaya sana po ay bigyan n’yo rin ako ng pagkakataon para ako naman ang makapagpabago ng buhay ninyo. Iaalis ko na po kayo rito sa kalsada. Hindi na po kayo mamamalimos dahil ako na po ang bahala sa panggastos n’yo. Ipinapangako ko na gagawin ko ang lahat para ang buhay n’yo naman ang maging maayos,” saad pa ng ginang.

“Masaya ako na naging maganda ang buhay mo, Leah. Maraming salamat sa tulong na ibibigay mo sa akin. Sa tanda kong ito ay nasanay na ako sa hirap. Hindi ko inakala na isang araw ay magbabago rin ang buhay ko! Maraming maraming salamat!” umiiyak na sambit ng matandang pulubi.

Dahil sa nalaman niyang nakaraan ng ina ay humingi ng tawad itong si Rafael kay Aling Cielo. Simula nang araw na iyon ay nag-iba na ang tingin niya sa mga katulad nito.

Sinama na ni Leah itong si Aling Cielo sa tinutuluyang hotel upang makapaglinis ng katawan at makakain. Sa pagkakataong ito ay si Leah naman ang babawi sa kabutihang ginawa sa kaniya ng matanda noong araw.

Advertisement