Sumama ang Babae sa Matandang Mapera at Iniwan ang Asawa’t mga Anak; Laking Panghihinayang Niya Makalipas ang Apat na Taon

Humihikab pang bumangon sa higaan si Dante at nang makitang mag-a-alas singko na ng umaga ay nagmamadaling nag-init ng tubig para magkape. Naligo na rin siya para sa maaga niyang pagsabak sa trabaho bilang basurero sa kanilang lugar. Hindi lang pangunguha o pangangalkal ng maruruming basura ang kaya niyang gawin, umeekstra rin siya bilang karpintero, tubero, kargador at iba pa para may dagdag siyang kita.

Mayroon siyang dalawang anak na sina Macky at Peachy na parehong nasa elementarya na. Kahit mahirap ang buhay ay nagagawa niya pa ring pag-aralin ang mga ito sa kakarampot niyang kinikita sa araw-araw. Ang asawa naman niyang si Eva ay dating babaeng bayaran at nagtatrabaho sa club pero nang magsama sila ay pinahinto na niya ito sa dating hanapbuhay at pinapirmi na lamang sa bahay.

Isang gabi, pagod na pagod siyang umuwi galing sa maghapong pangungulekta ng basura. Gutom na gutom na rin siya dahil hindi siya masyadong nakakain ng tanghalian sa dami ng trinabaho niyang raket.

“Eva, nakapagluto ka na ba ng hapunan natin? Kumakalam na ang sikmura ko. Naka-ilang subo lang ako kanina, eh, kasi rumaket pa ako sa pagko-construction sa kabilang kanto para may pandagdag tayong panggastos dito sa bahay,” aniya.

Imbes na asikasuhin ang mister ay padabog na nagreklamo ang misis na nagsabing tinatamad ito.

“Hindi pa, eh, iutos mo na lang sa mga anak mo, tutal malalaki na naman ang mga ‘yan, para may alam din sa gawaing bahay. Natatamad akong bumangon at medyo masama ang pakiramdam ko,” sagot nito sa kanya.

Nilapitan niya at sinubukang sipatin ito kung may sinat pero umiwas lang ang babae at ayaw magpahawak.

“Hindi ka ba naniniwala sa akin, Dante? Mukhang lalagnatin nga ako kaya ayokong bumangon. Hayaan mong mga anak mo na magluto at maghain sa iyo,” inis nitong sabi.

Advertisement

“Sige na, huwag ka nang tumayo. Ako na ang bahala sa sarili ko. Ayoko ring istorbohin ang mga bata dahil baka nag-aaral sila. Ako na ang magsasaing at magluluto ng ulam natin.”

Kahit patang pata ay si Dante ang nag-asikaso ng hapunan nila. Hinayaan nito na magpahinga ang asawa. Kahit bugnutin at tamad ang misis niya ay mahal na mahal niya ito. Katwiran niya, naghirap na ito sa naging trabaho noon sa club kaya ngayon nasa piling na niya ito ay ipapalasap niya rito ang kaginhawahan, kaya nga hindi niya magawang magreklamo kapag hindi ito gumagawa ng kung ano kapag ayaw nito o sinusumpong ng katamaran. Kahit mahirap lang sila ay gusto niyang gawing reyna ang pinakatatangi niyang maybahay.

Ngunit ang hindi niya alam ay may kalokohang ginagawa si Eva. Patuloy pa rin pala ito sa dating trabaho, ang pagbebenta ng sarili. Lihim itong nakikipag-chat sa selpon sa kung kani-kaninong lalaki upang makipagtagpo. Ngayon nga ay may kausap ito na isang matandang lalaki sa selpon at nagkasundo na sa presyo. Kinaumagahan, habang abala si Dante sa pagbabasura ay nakipagkita ito sa katagpong kustomer sa motel.

“Ang husay mo talaga, sa uulitin ha? Sa susunod ay mas malaki ang ibabayad ko sa iyo,” masayang sabi ng matanda niyang parukyano.

“Ako pa ba? Ako yata ang reyna ng mga p*kp*k sa pinagtatrabahuhan kong club dati. Kaya kong paulit-ulit na patirikin ang mga mata mo sa sarap,” buong landi niyang sabi.

“Kung gusto mo ay sumama ka na sa akin. Ibabahay kita at bibigyan ng pera. Iwan mo na ang asawa mong basurero, tutal ang sabi mo’y hirap na hirap ka na sa piling niya,” alok ng matanda.

Saglit na nag-isip si Eva. Pagkakataon na niya iyon para makaahon sa hirap. Ang totoo’y sawa na talaga siya sa piling ni Dante. Pinakisamahan lang naman niya ang lalaki dahil akala niya ay maayos ang ibibigay nitong buhay sa kanya ngunit nagkamali siya. Ang liit pa ng kita nito sa maghapong pagbabasura at ginagawang paraket-raket kaya mabilis niyang tinanggap ang alok ng parukyano niyang si Maximo na isang negosyanteng mapera.

Kinagabihan ay agad niyang inilagay ang mga damit sa maleta at iiwan na niya ang mag-aama niya at sasama na sa matandang kustomer na nangako sa kanya ng mas magandang buhay ngunit napansin siya ng mister.

Advertisement

“Anong ginagawa mo? Saan ka pupunta?” tanong nito.

“Pagod na ako na kasama ka, Dante. Aalis na ako sa busiwit na pamamahay na ito. Puro na lang hirap ang nararanasan ko rito,” inis niyang sagot.

“Kailan ka nahirapan? Eh, hindi ka na nga gumagawa rito sa bahay at hindi na rin kita pinagtatrabaho kasi ayokong mahirapan ka pa, tapos sasabihin mo ‘yan sa akin? Ginagawa ko naman ang lahat ng makakaya ko para sa inyo ng mga anak natin, hindi ko naman kayo pinapabayaan ‘di ba? Pakiusap, huwag mo itong gawin, Eva,” pagsusumamo nito sa kanya.

Ngunit buo na ang loob ni Eva. Ayaw niyang pakawalan ang tiyansa na maging mas maginhawa sa piling ni Maximo.

“Sorry na lang, Dante pero nakapagdesisyon na ako. Ikaw na ang bahala sa mga bata ha? Huwag mo na rin akong hahanapin pa dahil simula ngayon ay hindi na tayo mag-asawa,” hayag pa niya.

Nagulat pa siya nang biglang lumuhod sa harap niya si Dante at patuloy na nagmamakaawa.

“Nakikiusap ako, Eva, huwag mo kaming iwan ng mga anak natin. Mahal kita, mahal ko kayo, kaya kong gawin ang lahat para sa inyo, please, Eva,” anito na hindi na napigilang maiyak.

Pero sadyang bato na ang puso niya. Wala na siyang pakialam kung umiyak pa ito o maglulupasay sa harap niya. Mas mahalaga ay ang makaalis na siya roon.

Advertisement

“Patawad, Dante. Wala nang magagawa ang mga luha mo. Hindi na niyan mapipigilan ang pag-alis ko. Muli, paalam,” sabi niya na taas noong bumaba ng hadan at naglakad na palayo.

Naiwan na durog na durog ang damdamin ni Dante. Hindi makapaniwala ang lalaki na basta na lang siya iniwan ng asawa na buong buhay niyang pinag-alayan ng kanyang pagmamahal at pag-aaruga. Inabandona rin nito ang kanilang mga anak na walang pakialam sa mararamdaman ng mga bata. Ngunit kahit ganoon ang kanilang naging kapalaran ay pagsusumikapan niyang itaguyod ang mga anak kahit mahirap. Kahit sinabi ni Eva na huwag na niya itong hanapin ay tinangka pa rin niyang alamin kung nasaan ang asawa ngunit laking gulat niya nang mabalitaan na ibinabahay na ito ng matandang lalaki na naging kustomer nito sa paglalako ng katawan.

“Diyos ko! Binalikan niya pala ang dati niyang trabaho,” napapailing na sambit ni Dante na muling napaluha sa piniling landas ng asawa.

Makalipas ang apat na taon

Pawis na pawis si Eva habang binabagtas ang kahabaan ng EDSA. Tulak-tulak niya ang kariton kasama ang dalawang taon gulang niyang anak na babae at nangangalakal na lamang siya ng mga bote at diyaryo sa kalye.

Ang inakala niyang langit sa piling ni Maximo ay isa palang impiyerno dahil isa palang sadista ang matanda. Ibinahay nga siya nito ngunit hindi lang pala ito ang nagpasasa sa katawan niya, ibinenta rin siya ng lalaki sa iba pa nitong kumpare para sa panandaliang aliw, sa madaling salita ay ginawa lang siyang parausan. Hindi lang iyon ang kamalasang dumating sa kanya, dahil nang matuklasan ng tunay na asawa ng matanda na kabit siya nito ay walang awa siyang sinabunutan at kinaladkad palabas ng condo unit ni Maximo at sapilitang pinalayas. Huli na nang malaman niya na nagdadalantao siya at si Maximo ang ama ngunit imbes na suportahan siya nito at ang anak niya ay itinakwil nito ang nasa sinapupunan niya. Sinubukan niyang maghabol ngunit maimpluwensiya ang matanda at ang asawa nito, tinakot siya na makikita na lang siyang walang buhay na palutang-lutang sa ilog ng Pasig kapag naghabol pa siya kaya mas pinili na lamang niyang manahimik at huwag na lumaban. Kaya ngayon, binubuhay niyang mag-isa ang anak sa pamamagitan ng pagbobote-diyaryo.

Sinubukan niyang balikan si Dante, ang mabait niyang asawa na kahit mahirap ay nagawa siyang mahalin at pagsilbihan ngunit sinayang niya lang ito. Handa siyang humingi ng tawad at ikalawang pagkakataon para muli siya nitong tanggapin at ng kanyang dalawa pang anak. Nang balikan niya ang bahay nito sa tabi ng riles ay sinabi ng mga kapitbahay nila na matagal na raw itong wala roon nang masuwerteng umangat sa buhay.

“A-ano ho? Mayaman na si Dante?!” gulat niyang sambit.

Advertisement

“Oo, ubod na siya ng yaman ngayon, Eva. Nang mawala ka ay sinuwerte naman si Dante na nakapulot ng limpak-limpak na salapi sa tambakan ng basura at nang isauli niya sa totoong may-ari ay binigyan siya ng malaking pabuya. ‘Di lang iyon, dahil ginawa pa siya nitong trabahador sa pagmamay-aring malaking pagawaan ng alak na na’di nagtagal ay madali siyang na-promote at may mataas na posisyon na doon. Ang malaking perang pabuya na ibinigay sa kanya ay inilagak niya sa negosyo na isa na sa matatagumpay na negosyo ngayon sa bansa. Kung gusto mo siyang makita at ang mga anak mo’y puntahan mo siya sa address na ito,” sabi ng isa sa mga malalapit niyang kapitbahay.

Nang puntahan niya ang address ay muntik nang lumuwa ang mga mata niya dahil bumungad sa kanya ang napakalaki at napakagandang bahay na sa telebisyon at pelikula lang niya nakikita. Pupuntahan niya sana ngunit may humintong magarang kotse sa labas at mas lalo siyang nagulat nang lumabas roon si Dante at ang dalawa niyang anak na may kasamang magandang babae. Bago pumasok sa loob ay narinig pa niya ang usapan ng mga ito.

“Nag-enjoy ba kayo mga anak?” tanong ng lalaki na napansin niyang mas lalong gumuwapo sa suot nitong polo shirt na may neck tie at itim na pantalon.

“Opo, ‘tay! Siyempre, mas nag-enjoy kami kasi kumpleto tayong namasyal ngayon, kasama ka namin at si ‘Nay Lena,” masayang tugon ng anak na si Macky na binatilyo na.

“Napakasuwerte mo ‘tay kay ‘Nay Lena dahil bukod sa mabait na ay maalaga pa. ‘Di ka nagkamali sa kanya na siya ang gawin mong pangalawa naming nanay dahil mahal na mahal din niya kami,” sabad naman ni Peachy na dalagita na.

“Oo naman, mga anak, ibang klaseng babae ang ‘Nay Lena ninyo dahil siya ang nagbalik ng ngiti sa ating mga labi at naghilom sa sugatan nating mga puso,” malamang tugon ni Dante na nilingon ang kasamang babae.

“Naku, nambola pa kayong mag-aama. Pumasok na nga tayo sa loob at ipaghahanda ko kayo ng masarap na meryenda,” nakangiti namang sagot ng babae at niyaya na ang tatlo sa loob ng bahay.

Naiwang lumuluha si Eva. Wala na pala siyang babalikan. Nakapag-asawa na pala ng ibang babae ang lalaki at kasal ang mga ito. Naisip niya na kung pumayag siyang magpakasal noon kay Dante ay may habol sana siya kaso tinanggihan niya ito noon at mas piniling mag-live in lang sila. Lulugo-lugo siyang naglakad palayo na labis na nanghihinayang sa ginawa niyang pag-iwan sa mag-aama niya. Kung masaya na ang mga ito sa buhay, siya naman ay miserable at ‘di alam kung saan patutungo kaya nasa huli talaga ang pagsisisi. Kung tuluyan siyang nagbago at tinanggap ang kayang ibigay noon ng mister, sana’y siya ang buhay reyna ngayon at maligayang kasama ang kanyang pamilya.