Gigil ang Matandang Tindera sa Lalaki Dahil Wala Itong Ginawa Kundi ang Umutang; Isang Araw ay Kakailanganin Pala Niya ang Tulong Nito

“Ano? Lista na naman? Wala ka na bang ibang alam kundi ang umutang?” inis na sabi ni Aling Hilda na may-ari ng maliit na tindahan sa kanilang lugar.

“P-pasensiya na ho, natanggal ako sa trabaho at hindi pa sumusuweldo ang asawa kong si Jobel kaya nakikiusap ako sa inyo, kahit isang lata lang ng sardinas at instant noddles,” pakiusap ni Frank sa masungit na tindera.

“Ka-lalaki mong tao’y misis mo pa ang pinagtatrabaho mo? Mahiya ka naman!” patuloy na singhal ng matandang babae sa mukhang batugang kapitbahay. “Matuto kang dumiskarte sa buhay at nang umasenso kayo, para hindi na lang laging pangungutang ang ginagawa mo!” hirit pa nito.

Halos araw-araw ay ganoon ang patutsada ni Aling Hilda kay Frank. Kahit kakarampot na pagkain lang ang inuutang niya ay nakakarinig siya ng maaanghang na salita sa bibig ng matanda na parang dito rin niya inutang ang kanyang buhay.

“Hindi niyo ho ba ako maaaring pagbigyan? Pangako, babayaran ko rin kapag nagkapera kaming mag-asawa.”

“Haynaku, nadala na ako sa mga pangako mong laging napapako. Sa ibang tindahan ka na lang umutang, doon sa tindera na mauuto mo,” mariing sabi ni Aling Hilda.

Natigil ang pag-uusap nila nang may mga kustomer na dumating.

“Magkano ho ang tatlong sakong bigas?” magalang na tanong ng magandang babae na bihis na bihis at mukhang mapera.

Advertisement

Si Aling Hilda naman ay biglang hindi magkandaugaga na hinarap ang kustomer na may kasamang guwapong lalaki na parang may-ari ng kumpanya kung manamit. Sa tingin nga ng matanda ay may relasyon ang dalawa. Natuon ang atensyon niya sa mga ito at nakalimutan si Frank na naroon pa rin na nakatanghod sa kanila.

“T-talong sakong bigas ba kamo, miss? Tatlong sako ang bibilhin mo?” gulat niyang tanong.

“Opo, manang. Saka po sampung kilong asukal, limang kilong bihon at mga tinapay,” saad pa ng babae na namumula ang labi sa lipstick na nakapahid doon.

Bukod sa mga sinabi ay bumili rin ng kahon-kahong de lata, gatas, de boteng inumin, mga prutas, mga panangkap at iba pang pagkain ang dalawang kustomer.

“Wow, ang dami niyo namang binili. S-saan niyo ba gagamitin ang mga inorder ninyo?” natatarantang tanong ng matanda.

“Gagamitin ho namin ang mga ‘yan sa espesyal na okasyon sa bahay,” sagot ng lalaki na may maamo talagang mukha kaya nga ‘di niya mapigilang sumulyap dito.

“Kaya pala halos pakyawin niyo na ang mga paninda sa grocery ko, eh,” natatawa sabi ni Aling Hilda.

Nang magbabayaran na ay may napansin ang babae.

Advertisement

“Naku, kulang ho ang dala naming cash. Tumatanggap ba kayo ng tseke?” tanong nito.

“Sabado ho kasi ngayon, manang, walang bangko. Bukas na ang party sa bahay naming mag-asawa at sa Lunes pa namin mai-encash ang pera, kaya tseke po ang ibabayad namin sa inyo,” sabad naman ng kasamang lalaki.

Dahil mukhang mayaman naman ang mga kustomer niya ay pumayag naman si Aling Hilda at tinanggap ang ibinayad sa kanyang tseke.

“Sure! Good customer kayo, eh!” tugon niya na may malapad na ngiti. Tuwang-tuwa na nakahawak ng tseke.

“Aba, one hundred thousand ang tseke ninyo. Malaki pa ang sukli nito dahil mas mababa sa halaga ng tseke ang suma total ng lahat ng inorder ninyo. Balikan na lamang ninyo sa akin ang sukli kapag napapalitan ko na ito sa bangko,” aniya.

“Huwag na po, manang. Keep the change na po,” wika ng lalaki.

Mas lalong nanlaki ang mga bilugang mata ng tindera sa sinabi ng kustomer.

“Aba, maraming salamat sa inyo ha? Bumalik uli kayo rito at bibigyan ko kayo sa susunod ng malaking discount,” galak na galak na sabi niya sa mag-asawa.

Advertisement

Nang makaalis ang mga ito ay muli niyang binalingan ang nakatanghod pa ring si Frank na hindi pa rin umaalis hangga’t hindi nakaka-utang sa kanya.

“O, kita mo’t tseke pa ang ibinayad nila sa akin. Samantalang ikaw ay listahan ng utang. Heto’ng sardinas at noodles na inuutang mo,” padabog na sabi ng matanda na halos ibato na sa mukha ng lalaki ang inuutang na pagkain.

Habang naglalakad palayo ay hindi naiwasan ni Frank na manliit sa sarili.

“Grabe naman ang matandang ‘yon. Nangungutang lang ako sa kanya’y may karapatan na siyang alipustahin ako,” bulong niya sa isip.

Ngunit nang sumunod na araw, pinuntahan niya si Aling Hilda para magbayad ng utang. Natanggap na kasi ng asawa niya ang suweldo nito sa pinapasukang call center. Naabutan niya na umaatungal sa iyak ang matanda.

“Ano hong nangyari at humahagulgol kayo ng iyak diyan?” tanong niya.

“Tulungan mo ako, Frank, tumestigo ka, ikaw ang saksi sa nangyari kahapon,” anito.

“Bakit ano pong problema?”

Advertisement

“Talbog ang tsekeng ibinayad sa akin nung mag-asawa,” hagulgol ng matanda.

Napag-alaman ni Aling Hilda na nabiktima siya ng modus na nagbabayad ng talbog na tseke. Sa dami ng panindang natangay ng mga kawatan ay malaking pera ang nalugi sa kanya.

“Inireport ko na sa mga pulis ang nangyari at ganoon daw talaga ang raket ng mga manlolokong iyon,” patuloy nitong iyak.

Sa sandaling iyon ay may naisip si Frank.

“Huwag kayong mag-alala, namukhaan ko sila at nakahanda akong tumestigo, pero may kilala ako na makakatulong pa sa inyo,” sabi ng lalaki.

Laking gulat ni Aling Hilda nang ipakilala siya ni Frank sa ama nito na isang retiradong heneral. Hindi na nakatiis ang lalaki na puntahan ang nilayasang ama upang humingi ng tulong. Ang totoo’y nagmula si Frank sa mayamang pamilya, ang ama nito ay dating heneral at ang ina naman ay may-ari ng malaking pagawaan ng sapatos sa Marikina. Umalis si Frank sa poder ng mga magulang dahil gusto nitong mamuhay na simple kasama ang asawa at ang limang taong gulang na anak. Ayaw kasi ng lalaki na palaging nakadepende sa mga magulang kaya umupa ito ng bahay at naghanap ng trabaho para mabuhay ang sariling mag-ina ngunit sa kasamaang palad ay nagtanggalan sa pinapasukang pabrika kaya nawalan ito ng hanapbuhay at ang asawang si Jobel ang naiwang may trabaho. Sa lawak ng koneksyon ng ama ni Frank sa mga kapulisan ay madali nilang natunton ang kinaroroonan ng mga manlolokong bumiktima kay Aling Hilda at agad na naparusahan ang mga ito. Naibalik namang lahat ang mga nakuhang paninda kaya sobra-sobra ang pasasalamat ng matanda. Mula noon ay nagbago na ang pakikitungo si Aling Hilda kay Frank.

“Baka kulang pa ‘yan sa misis mo at sa anak mo, kumuha ka pa sa akin ha?” nakangiting sabi ni Aling Hilda na hindi na nagdadamot at palagi nang pinapautang ang lalaki.

“Eh, baka ho mahaba na uli ang utang namin sa inyo, Aling Hilda?” tanong ni Frank na napakamot na sa ulo.

Advertisement

“Naku, huwag mong intindihin ‘yon, makakabayad din kayo,” tugon ng matanda sa maayos na pananalita.

Naging mabait na si Aling Hilda kay Frank mula nang tulungan siya nito. Ang terminong ‘utang’ na palagi niyang sinasambit ay napalitan ng katagang ‘kumuha’.

‘Di nagtagal ay nakahanap uli ng trabaho si Frank at sa isang kumpanya siya natanggap bilang office clerk. Kahit may pinag-aralan ay mas gusto niya na magsimula sa mababa. Pagsusumikapan niyang makarating sa taas na gamit ang sariling determinasyon at hindi umaasa sa tulong ng may kaya niyang pamilya. Nabayaran na rin niya ang mga utang kay Aling Hilda na sa kasalukuyan ay naging malapit na niyang kaibigan.