Inday TrendingInday Trending
Bigla Na Lamang Bumulaga sa Bahay ng Babaeng Ito ang Matalik na Kaibigan Na Tunay na Ina ng Kaniyang Anak-Anakan; Ipakilala Kaya Niya Ito sa Bata?

Bigla Na Lamang Bumulaga sa Bahay ng Babaeng Ito ang Matalik na Kaibigan Na Tunay na Ina ng Kaniyang Anak-Anakan; Ipakilala Kaya Niya Ito sa Bata?

“Liza, Liza… sandali lang… huwag mo naman akong talikuran…”

Gulat na gulat si Liza sa hindi inaasahang pagbisita ni Dolores, ang kaniyang matalik na kaibigan, na siyang tunay na ina ni Mimi, na iniwan at pinagkatiwala sa kaniya.

“Ano pa bang ginagawa mo rito, Dolores? Tantanan mo na ako. Tantanan mo na ang anak ko!” mahina ngunit may diin sa pagsasalita ni Liza. Ayaw niyang may makarinig sa kaniya, lalo na si Mimi.

“Liza, wala naman akong balak manggulo. Gusto ko lang makita… gusto ko lang makita ang anak kong si Mimi. Parang awa mo na… kahit hindi mo ako ipakilala sa kaniya bilang tunay na nanay niya,” pagmamakaawa ni Dolores kay Liza.

“Teka muna, akala ko ba ayaw mo sa anak mo dahil hindi ka pinanagutan ng boyfriend mo noon? Kaya mo nga siya ipinagkatiwala sa akin ‘di ba dahil ayaw mo siyang makita? Sabi mo pa sa akin noon, ako na ang kikilalanin niyang ina at hinding-hindi ka na magpapakita sa kaniya kahit kailan. Bakit ngayon, gustong-gusto mo siyang makita?”

“Liza, wala namang nagbabago sa napagkasunduan natin eh. Ikaw pa rin ang kikilalaning ina ni Mimi batay sa kasunduan natin. Pero… pero gusto ko siyang makita, Liza. Gusto kong makita ang anak ko. Alam mo bang para akong nilalamon ng konsensya ko gabi-gabi dahil sa ginawa ko?” lumuluhang pagmamakaawa ni Dolores kay Liza.

“Sana inisip mo ‘yan noon pa, Dolores. Napamahal na sa akin ang bata, at alam kong mahal na mahal din niya ako. Paano kapag nalaman ng bata ang katotohanan sa kaniyang pagkatao? Hindi mo iniisip ang mararamdaman ng anak mo…”

“Kahit ipakilala mo na lang ako sa kaniya bilang ninang niya, nagmamakaawa ako sa iyo, Liza, hayaan mo naman akong makilala si Mimi…”

Nahinto ang pag-uusap nila nang may magsalitang batang babae sa likuran ni Liza.

“Mommy, anong nangyayari po? Okay lang po ba kayo?”

Napatda si Liza.

“W-Wala anak, ayos lang naman ako, huwag kang mag-aala,” nasabi na lamang ni Liza.

“I-Ikaw ba si… Mimi?” tanong ni Dolores kay Mimi.

Pinandilatan ni Liza si Dolores, subalit wala nang pakialam si Dolores. Gustong-gusto niyang makilala ang kaniyang anak.

“Opo, ako nga po. Sino po kayo?” inosenteng tanong ni Mimi kay Dolores.

“A-Ako nga pala ang Ninang Dolores mo, Mimi. Matagal akong nanirahan sa ibang bansa kaya ngayon mo lang ako nakilala. Puwede ba kitang mayakap, inaanak?” naluluhang pagpapakilala ni Dolores kay Mimi.

“Ay talaga po, ninang ko po kayo? Oo naman po. Hello po, Ninang Dolores!” masayang sabi ni Mimi. At nagyakap na nga sina Dolores at Mimi. Mahigpit na niyakap ni Dolores ang anak. Hindi niya napigilan ang pagbalisbis ng kaniyang mga luha sa kaniyang mga mata.

“Mimi, aking inaanak, sana hayaan mo si Ninang Dolores na makabawi sa iyo ha? Matagal kasi akong nawala eh. Ipinagpapaalam na kita ngayon din sa Mommy mo na payagan tayong mamasyal bukas,” saad kaagad ni Dolores sa haraan ni Liza.

“Mommy… payagan mo po sana kami ni Ninang Dolores na makapag-bonding,” pakiusap ni Mimi kay Liza.

“Anak… sige… payag naman ako. Pero puwede bang pumasok ka muna sa loob ng bahay at mag-uusap lang kami ng… Ninang Dolores mo,” utos ni Liza kay Mimi. Tumalima naman ang bata at pumasok sa loob ng bahay.

“Papayag akong lumabas kayo ni Mimi pero utang na loob Dolores, huwag kang magbabanggit ng kahit na ano sa kaniya. At iuwi mo kaagad siya rito bago mag-alas sais ng gabi. Sana nagkakaintindihan tayo,” bilin ni Liza kay Dolores.

“Huwag kang mag-alala, Liza. Susunod ako sa napagkasunduan natin,” pagbibigay-garantiya ni Dolores.

At natuloy na nga ang paglabas nina Dolores at Mimi. Hindi naman mapakali si Liza. Paano kung ipagtapat ni Dolores kay Mimi na siya ang tunay nitong ina? Paano kung maisipan bigla ni Dolores na kunin na si Mimi? Alam naman niyang wala siyang laban sa legal na proseso dahil si Dolores naman talaga ang biyolohikal nitong ina. Napamahal na sa kaniya ang bata, itinuring na niyang tunay na anak, at hindi niya kakayanin kung mawawala ito sa kaniya.

Alas siyete na ng gabi subalit hindi pa iniuuwi ni Dolores si Mimi. Kabadong-kabado na si Liza.

Maya-maya, dumating na rin ang dalawa.

“Anong nangyari? Sabi ko hanggang alas sais lang ah,” inis na sabi ni Liza.

“Pasensya ka na, Liza. Natrapik kami. Sobra pala ang trapik dito sa Pilipinas,” paghingi naman ng paumanhin ni Dolores kay Liza.

“Salamat po sa bonding, Ninang Dolores! Nag-enjoy po ako! Sana po may next time pa!” saad naman ni Mimi kay Dolores.

“Oo naman, Mimi. Basta ba magpapaalam tayo kay Liza at sana, payagan tayo,” makahulugan ang naging tingin ni Dolores kay Liza.

At doon na nagsimula ang palagiang paglabas-labas nina Dolores at Mimi. Selos na selos naman si Liza. Hanggang isang araw, kinausap na niya si Dolores.

“Tigilan mo na si Mimi, Dolores. Anong ginagawa mo? Kinukuha mo ang loob ng bata?”

“Liza, hindi ganoon iyon. Bumabawi lang ako sa anak ko. At kung kunin ko man siya, wala ba akong karapatan? Ako ang tunay niyang ina, baka nakakalimutan mo,” iba na ang tono ni Dolores.

“Subukin mo lang dahil kahit saang korte, lalabanan kita!” pagbabanta ni Liza kay Dolores.

Isang araw, nagkaroon ng mataas na lagnat si Mimi. Sa pangatlong araw ay nabalinguyngoy na ito kaya itinakbo na ni Liza sa ospital ang bata.

“May dengue po ang anak ninyo at kailangan siyang salinan ng dugo sa lalong madaling panahon,” saad ng doktor.

Subalit hindi nagtugma ang tipo ng dugo nina Liza at Mimi. Kaya naman, si Dolores ang nagpatingin ng dugo, at nagtugma sila.

“Ako ang tunay na ina ng bata kaya tugma ang mga dugo namin,” sabi ni Dolores.

Hindi nag-aksaya ng panahon si Dolores. Agad siyang nagpakuha ng kaniyang dugo upang maisalin na sa anak.

Malaking sampal iyon kay Liza. Para siyang sinampal ng realidad—na hindi siya ang tunay na ina ni Mimi. Si Dolores ang tunay na may karapatan sa bata.

Isang desisyon ang ginawa niya—masakit man, kailangan niya itong gawin. Palagay niya ay magiging unfair siya kay Mimi kapag hindi niya ipinagtapat dito ang katotohanan sa tunay niyang pagkatao.

Kaya nang gumaling na ito, naupo silang tatlo nina Dolores. Ipinagtapat niya rito ang katotohanan. Naunawaan naman ng bata ang lahat.

“Mimi anak… ngayong alam mo na ang katotohanan, maaari ka nang mamili sa amin ni Dolores kung sino ang sasamahan mo. Kung siya ang pipiliin mo, tatanggapin ko,” naiiyak na saad ni Liza.

“Mommy Liza, mahal na mahal po kita. Mahal ko rin po si Mama Dolores. Puwede naman pong dalawa ang nanay ko ‘di ba?” sabi ni Mimi.

Masakit man, tinanggap ni Liza ang pagsama ni Mimi sa kaniyang tunay na inang si Dolores. Tuwing Sabado at Linggo naman ay lagi siyang dinadalaw ng bata.

“Maraming salamat Liza sa maayos na pag-aalaga kay Mimi. Malaki ang utang na loob ko sa iyo,” pasasalamat ni Dolores kay Liza.

“Wala iyon, Dolores. Deserve ninyong mag-ina na magkasama kayo,” bukal sa loob na tugon ni Liza kay Dolores.

Masayang-masaya si Liza dahil nakikita niyang masaya si Mimi at Dolores sa isa’t isa. Alam niya, darating din ang panahong magkakaroon siya ng sariling anak, ng sariling pamilya.

Advertisement