
Ginawan ng Kuwento ng Kasera ang Babaeng Nangungupahan sa Kaniya na Positibo Ito sa Sakit Dahil Kung Sino-Sinong Lalaki ang Kinatatagpo Nito; Napahiya Siya Nang Lumabas ang Resulta
Nilagnat at sumakit ang katawan ni Meryl kaya hindi siya nakapasok sa trabaho. Minabuti niyang manatili na lamang sa loob ng apartment na kaniyang tinutuluyan. Ipinagbigay-alam niya sa kanilang boss ang nangyayari sa kaniya. Napag-alaman naman ito ng kaniyang kaserang si Aling Lydia.
At dahil madaldal at chismosa, agad na ipinagkalat ni Aling Lydia sa kaniyang mga kapitbahay ang espekulasyon niyang baka virus ang tumama sa kaniyang tenant na si Meryl.
“Naku, ingat na ingat pa naman ako sa sarili ko tapos may ganyan dito sa bahay ko? Ano kayang mabuting gawin?” kuwento ni Aling Lydia kay Aling Carmen.
“Palayasin mo na kaya ‘yan? Baka mahawa pa tayo,” mungkahi naman ni Aling Carmen.
“Naku, kapag pinalayas ko siya at hinayaang lumabas ng apartment niya, baka lalo tayong ma-expose sa virus. Iyan na nga ba ang sinasabi ko eh,” nababahalang dagdag pa ni Aling Lydia.
“Dapat magpa-swab test siya kapag ganyan! Ipagbigay-alam kaagad sa barangay. Nakakahawa ang virus na iyan kaya kailangang maagapan,” saad naman ni Aling Carmen.
“Saan kaya niya nakuha ang virus na ‘yan? Alam mo ba Carmen, napapansin ko na gabing-gabi na kung umuwi ang babaeng ‘yan. Palagay ko, kung sino-sino ang mga lalaking kinatatagpo niya, kaya nakuha niya ang virus na ‘yan,” walang habas na paggawa ng kuwento ni Aling Lydia kahit wala naman siyang batayan sa kaniyang mga pinagsasasabi.
“Siya nga ba? Aba’y maharot naman pala ang babaeng ‘yan. Iyan tuloy ang napapala niya,” giit ni Aling Carmen.
“Oo, palagay ko eh maharot nga ang babaeng ‘yan. Tingnan mo naman kung paano manamit? Laging naka-blouse at minsan ay pagkaiksi-iksi ng shorts. Tama bang magsuot nang ganyan ang isang matinong babae?” sabi ni Aling Lydia.
Kung saan-saan na nakarating at kung ano-anong mga detalyeng walang batayan ang ginawa ni Aling Lydia laban sa walang kamalay-malay na si Meryl.
Nang sa wakas ay nagpa-swab test na si Meryl, lumabas sa resulta na ito ay negatibo sa virus, at ang dahilan ng kaniyang pagkakasakit ay over fatigue lamang sa trabaho bilang isang call center agent.
Makalipas ang isang linggo ay gumaling na rin si Meryl. Hindi nalingid sa kaniya ang mga gawa-gawang kuwento ng mismong kasera sa kaniya. Kaya naman kinompronta niya ito.
Parang maamong tupa si Aling Lydia nang harapin siya ni Meryl.
“Mawalang-galang na ho, Aling Lydia, pero nakarating po kasi sa kaalaman ko na noong nagkasakit ako, ikinakalat n’yo raw sa mga kapitbahay na virus ang naging dahilan nito, bagay na salungat naman sa resulta ng swab test ko. Bukod ho roon, hindi ko ho matatanggap na sinasabihan ninyo akong isang masamang babae,” galit na sabi ni Meryl.
“Naku, hindi totoo ‘yan. Wala naman akong sinasabing ganyan. Huwag mo akong pagbibintangan, iha,” tanggi naman ni Aling Lydia.
“Magkita na lang ho tayo sa barangay hall. May mga saksi po ako.”
At inireklamo na nga ni Meryl si Aling Lydia sa kanilang barangay. Kasama sa kaniyang inireklamo si Aling Carmen.
“Eh si Lydia naman talaga ang nagsabi ng mga iyon, Meryl. Patawarin mo na ako,” pagbaligtad ni Aling Carmen kay Aling Lydia.
Hindi na itinuloy ni Meryl ang kaniyang kaso kay Aling Lydia subalit may record na ang ginang ng paninirang-puri. Ipinasya na rin ni Meryl na umalis na sa apartment ni Aling Lydia upang nang sa gayon ay makaiwas na sa gulo. Nalamatan na rin kasi ang kanilang relasyon.
Makalipas ang isang linggo ay nakaranas ng lagnat, pananakit ng katawan, ubo at sipon si Aling Lydia.
Pagkatapos niyon ay nawalan siya ng panlasa at pang-amoy.
Nang siya ay dumaan sa swab test, positibo ang naging resulta. Kaya naman, dinala siya sa isang quarantine facility.
Habang nakaratay sa banig ng karamdaman, naalala ni Aling Lydia ang mga tagpi-tagping kuwentong ginawa niya laban kay Meryl, at tila ba bumalik sa kaniya ang lahat. Siya ngayon ang maysakit na dulot ng virus.
At alam niya kung bakit o kanino niya nakuha ito. Sa kaniyang kalaguyong si Mang Emil, na may sakit na rin dulot ng virus at nasa quarantine facility na rin.
Hiyang-hiya si Aling Lydia sa kaniyang sarili. Ang mga ibinibintang niya kay Meryl, siya naman pala ang gumagawa.
Kaya naman nang siya ay gumaling, tuluyan nang binago ni Aling Lydia ang kaniyang pag-uugali. Ipinangako niya sa kaniyang sarili na hinding-hindi na siya gagawa ng kuwento laban sa kaniyang kapwa. Mabilis ang balik ng karma.