
Nagpakitang Gilas ang Binatang Ito sa Nililigawan; Mapalingas Niya nga ba ang Kalang de Uling Kagaya ng Sabi Niya?
“Ako na ang magluluto, Jessa! Magaling akong magpalingas ng kalan de uling! Alam mo bang ito ang nakatokang gawain sa akin dati noong bata pa ako?” pagyayabang ni Pedro sa dalagang nililigawan, isang araw nang dalawin niya ito sa inuuwiang bahay sa probinsya.
“Totoo ba ‘yan? Nakakahanga ka naman! Ako kasi, kahit ilang beses akong turuan ng inay na pagpalingas ng kalang iyan, palagi akong pumapalpak!” kwento nito na ikinatawa niya.
“Ganoon talaga, ang isang magandang dilag na katulad mo, dapat, magagaang gawaing bahay lang ang ginagawa. Masama sa kalusugan mo ang paglanghap sa usok nito, mag-aamoy siga ka pa!” pangbobola niya pa rito habang pinagmamasdan ang maganda at makinis na mukha nito.
“Naku, binola pa ako! Baka akala mo sasagutin kita dahil sa pangbobola mong ‘yan, ha?” taas kilay na sabi nito na labis niyang ikinatawa. “Ewan ko sa’yo!” tugon niya rito habang iniaayos ang kalang papalingasin.
“O, kaya mo na ‘yan, hindi ba? Maiwan muna kita rito, ha? Titingin lang ako ng lutong ulam d’yan sa kanto para sinaing na lang ang lulutuin mo,” paalam nito na agad niyang sinang-ayunan.
“Mag-ingat ka, aking prinsesa!” patawa-tawang sigaw niya rito na ikinakilig nito.
Palaging nagpapabida ang binatang si Pedro kahit saan siya magpunta. Gusto niya palaging nasa kaniya lahat ng atensyon ng mga kasama niya at siya ang tanging hinahangaan ng mga ito.
Kahit na hindi naman siya kagalingan sa isang partikular na bagay na pinag-uusapan, gagawa at gagawa siya ng kwento para lamang siya’y maging bida.
Higit pa roon, magpepresenta pa siyang gumawa ng isang bagay kahit wala naman siyang kaalam-alam doon. Lalong tumitindi ang gawain niyang ito kapag kasama niya ang dalagang nililigawan. Sa kagustuhan niyang mapasagot ito kaagad, palagi siyang nagbibida-bida para lamang mapahanga ito.
Nang araw na ‘yon, kahit hindi niya naman talaga alam kung paano magpalingas ng kalan de uling o kahit magluto ng sinaing dahil ni hindi siya makahawak ng kaldero sa bahay nila, naggaling-galingan siya sa harap ng dalaga.
Walang mapaglagyan ang saya niya nang makita kung gaano ito kamangha nang sabihin niyang magaling siyang magpalingas ng kalan de uling.
Kaya lang, nang umalis na ito upang bumili ng ulam, siya’y agad nang nataranta kung ano ang kailangan niyang gawin upang mapalingas lamang ito.
Naisipan niyang maghanap sa internet ng paraan upang mapaapoy ito at nakita niya roon na kailangan pala itong lagyan ng gaas dahilan para agad siyang maghanap sa kubong tinitirhan ng dalaga.
Sa kabutihang palad, siya nga ay nakahanap ng gaas sa kubo ng dalaga. Dahil doon, wala na siyang sinayang na minuto. Agad na niyang binuhos ang gas sa kalan na may mga panggatong at dali-daling naghagis ng posporong may sindi roon.
“Madali lang pala ‘to, eh,” pagyayabang niya habang pinagmamasdang umapoy ang kalan na nasa harapan.
Kaya lang, maya maya, napansin niyang tila gumagapang na sa paligid ng kalan ang apoy. Pagtingin niya roon, nakita niyang pati pala ang sahig na kahoy, natapunan niya rin ng gaas na labis niyang ikinataranta.
“Tubig! Tubig! Nasaan ang tubig?” sigaw niya sa sarili habang naghahanap ng tubig.
Ngunit isang timba lang ng tubig ang naroon at bago pa siya makaigib ng tubig sa balon sa likod bahay ng kubo, tuluyan na itong nalamon ng apoy.
“Diyos ko! Ang bahay namin! Ano’ng ginawa mo?!” sigaw ng dalaga nang makitang nasusunog na ang kubo.
Nagmadali itong humingi ng tulong ngunit tila huli na ang lahat dahil lahat ng gamit at ari-arian nito sa loob ng naturang kubo ay naging abo na sa loob lang ng ilang minuto.
“Ano ba kasing ginawa mo, Pedro, ha?” tanong nito.
“Nilagyan ko lang ng gas yung kalan tapos natapon pala, kaya ayon, nagtuloy-tuloy na,” nakatungo niyang sagot.
“Akala ko ba marunong ka magpalingas? Buong bahay namin ang nasunog mo!” sigaw nito sa kaniya saka malakas siyang sinampal, “Tigil-tigilan mo na ang panliligaw sa akin, ha? Ayokong magkaroon ng pabibong nobyo na wala namang alam!” sigaw pa nito habang iniimis ang mga pwede pang gamiting bagay at umiiyak.
Hinang-hina siyang umuwi sa kanilang bahay nang may pagsisisi sa puso at dahil ayaw na niyang muling makapwerwisyo dahil sa ugaling mayroon siya, nangako siya sa sariling aalisin na ang hindi tamang ugaling mayroon siya.
Simula noon, kasabay ng pagtulong niya sa dalaga na muling makaahon mula sa trahedyang gawa niya, unti-unti niya ring tinulungan ang sarili na huwag nang maging pabida.
Hindi man niya nagawang makarelasyon ang magandang probinsyanang iyon, masaya pa rin siya sa pagbabagong nangyari sa buhay niya.