Isang Milyong Piso ang Nawala sa Dalaga nang Dahil sa mga Manloloko; Susuko na lang ba Siya o Lalaban pa rin sa Buhay?

“Kahit kailan ka talaga, Maria! Napakapurol ng utak mo! Sinong matinong tao ang magkakatiwala ng inipon niyang pera nang basta-basta sa isang gambling company na hindi kilala, ha? Tapos ngayon, iiyak-iyak ka sa akin dahil nawalan ka ng isang milyon!” sermon ni Aling Aiza sa kaniyang anak, isang gabi nang malaman niya ang ginawa nitong kapalpakan.

“Mama, huwag mo na akong sermunan. Nanlalambot na nga ako sa kat*ngahang nagawa ko, eh,” sabi ni Maria sa gitna ng kaniyang mga paghikbi na lalong ikinagalit nito.

“Kung nag-iisip ka lang kasi sana bago ka pumasok sa isang investment, edi sana, nasa kamay mo pa ang perang pinag-ipunan mo ng tatlong taon!” sigaw pa nito sa kaniya habang panay ang sabunot sa kaniyang buhok.

“Gustong-gusto ko na kasing makaahon sa hirap, mama, at naisip kong palaguin ‘yon sa mapapagitan ng investment,” katwiran niya pa habang dinadama lang ang pagsabunot ng ina, wala na kasi siyang lakas upang awatin pa ito. 

“Kaya nga lang kasi, t*nga ka! Kaya hindi pwede sa’yo ang gan’yang uri ng negosyo! Napakadali mong maloko! Hindi ko malaman kung kanino ka ba nagmana!” bulyaw pa nito sa kaniya saka tuluyan siyang iniwan dahilan para lalo siyang mapahagulgol sa pagsisisi. 

Simula pa lang noong makakuha ng magandang trabaho ang dalagang si Maria sa Maynila, agad na siyang nangarap ng isang marangyang buhay. Nais na niyang tuldukan ang paghihirap na naranasan niya simula pagkabata at mabigyan ng maganda at maayos na buhay ang kaniyang mga magulang na parehas nang tumatanda. 

Ito ang dahilan para ganoon na lang niya tipirin ang sarili upang makaipon ng pera. Hindi siya gumagastos para sa hindi importanteng bagay, tinigilan niya ang kaniyang mga luho, at marami pang ibang paraan ang kaniyang ginawa para makaipon ng pera.

Nagbunga naman ang lahat ng pagtitipid niyang ito dahil halos tatlong taon lang ang nakalipas, tuluyan na siyang nakaipon ng isang milyong piso. Kaya lang, bigla niyang naisip na kailangan niya pa itong palakihin para makabili siya ng bahay at lupa, at pagkakakitaan.

Advertisement

Sa paghahanap niya sa internet ng paraan kung paano doblehin ang perang mayroon siya, natagpuan niya ang isang gambling company na agad na pumukaw sa atensyon niya.

Dahil sa mga mabubulaklak na salitang sinabi sa kaniya at sa kagustuhan niyang agad na magkaroon ng maayos na buhay, pumayag siyang ipagkatiwala ang pera niya rito. 

Kaya lang, wala pang ilang minuto simula nang maipadala niya ang pera, siya’y binlock na ng babaeng kausap niya!

Ilang araw din siyang nagkulong sa kaniyang silid dahil sa kat*ngahang ginawa niya. Sabi niya pa, “Sinayang ko lang ang tatlong taong paghihirap ko sa pagtitipid! Ano bang gusto Mong iturong aral sa akin, Panginoon ko?” 

Sa mga araw na ‘yon na siya’y mag-isa lang sa silid, social media ang kaniyang pinagkaabalahan. Sa pagkalulong niya rito, napansin niyang maraming babae ang gustong kuminis ang balat, mawala ang mga tigyawat, at magkutis Koreana. 

Ito ang dahilan para siya’y maghanap ng mga supplier ng mga pampaputi at halos mapatalon siya sa tuwa nang malamang ang dati niyang kaibigan noong hayskul ay isa na ngayong dermatologist at gumagawa pa ng mga pampaganda. 

Agad niya itong pinadalhan ng mensahe at kahit na wala siyang pera pampuhunan sa negosyong naiisip niya, tinuloy niya ang pakikipag-usap dito. 

Nang malaman niyang marami na itong nagawang pampaganda na talaga nga namang epektibo, hindi na siya nagdalawang-isip na umutang sa bangko para sa negosyong nabubuo niya sa kaniyang isipan. 

Advertisement

Kontrahin man siya ng ina dahil nga siya’y nakaranas nang ma-scam, hindi siya nagpatinag. Sabi niya pa, “Sa pagkakataong ito, ipagmamalaki niyo ako, mama!” na ikinailing na lang nito. 

Sa kabutihang palad, siya nga ay nagawang pautangin ng isang bangko. Wala na siyang sinayang na oras simula noon at patuloy nang nakipag-usap sa kaibigan para sa negosyong nais niyang itayo.

Nang makagawa ito ng mga pampaganda katulad ng mga sabon, lotion, at kung anu-ano pang pampakinis ng mukha, agad na niya itong pinakilala sa madla gamit ang social media. 

Naghanap din siya ng mga mapagkakatiwalaang resellers sa iba’t ibang panig ng bansa at dahil nga sa ganda ng produkto niya, isang buwan lang ang lumipas, nakabayad na siya sa bangkong pinagkautangan, nabawi niya pa ang isang milyong pisong nanakaw sa kaniya noon!

Halos mapaluhod sa pagkamangha ang kaniyang ina nang malaman ito.

“Sabi sa’yo, mama, eh,” iyak niya rito. “Ipagpatuloy mo ‘yan, anak!” payo nito sa kaniya.

Pinagpatuloy niya nga ang negosyong iyon hanggang sa nakapagpatayo na siya ng sariling opisina, bahay at lupa para sa kaniyang mga magulang, nakabili ng ilang sasakyan, at marami pang bagay.

Mas lalo pa siyang nakilala sa buong bansa nang malaman ang masakit niyang dinanas sa isang gambling company. Sabi niya sa isang interbyu, “Kung mabilisang pagyaman ang gugustuhin niyo, siguradong mabibigo kayo. Kaya, sipag at tiyaga ang ipuhunan niyo dahil iyon ang magbibigay sa inyo ng tagumpay.”

Advertisement

“Salamat, hindi Mo ako hinayaang sumuko!” sabi niya sa Panginoon nang makitang patuloy na lumalago ang perang mayroon siya sa bangko.