
Kung Sinu-sino ang Tinanggap ng Lalaking Ito sa Kanilang Bahay, Malagay nga ba Sila sa Alanganin dahil Dito?
“Juju, napapansin kong hindi na umuuwi sa kanila ang kumpare mo, ha? May usapan ba kayong hindi ko alam? Dito mo na ba siya pinatira?” tanong ni Algina sa kaniyang asawa, isang gabi nang mapansin niya ang mga gamit ng kumpare nito sa kanilang bahay.
“Pansamantala lang naman, mahal, nakakaawa kasi, eh, walang matutuluyan,” malumanay na sagot ni Juju habang nagkakamot ng ulo.
“Bakit ba hindi niya magawang umuwi sa pamilya niya? Hindi ba’t may sarili naman silang bahay d’yan sa kabilang bayan?” pang-uusisa pa ng asawa niya dahilan para mapaupo siya sa tabi at pakalmahin ito habang hinihimas-himas ang likuran.
“Pinagbibintangan daw kasi siya ng asawa niya na may kinuha siyang malaking halaga ng pera sa ipon nila kahit wala naman daw siyang kinukuha. Kaya, napag-isip-isip niyang lumayo muna at ako ang una niyang naisip na hingan ng tulong,” paliwanag niya rito na ikinailing nito.
“Teka, ha, medyo kinakabahan ako riyan sa kumpare mong ‘yan,” sabi pa nito na ikinabuntong-hininga niya.
“Huwag kang mag-alala, mabait ‘to, sadyang baliw lang ang asawa niya. Sige na, matulog ka na, mag-iinom lang kami saglit sa sala tapos tatabihan na kita,” katwiran niya, tumango-tango lang ito saka agad na itong humiga sa kanilang kama.
Isa na yata sa pinakamabubuting tao sa mundo ang padre de pamilyang si Juju. Palaging bukas ang bahay niya sa mga nangangailangan ng tulong. Mapa-kaibigang walang matulugan, kaanak na walang makain dahil sa hirap ng buhay, o kahit mga taga-ibang lugar na motoristang nasiraan sa daan, lahat ng ito ay buong puso niyang pinapatuloy sa kaniyang bahay upang tugunan ang mga pangangailangan.
Ikagalit man ito ng kaniyang asawa minsan, dahil nga may kumakalat na sakit ngayong panahon at kung sino-sino ang tinatanggap niya sa kanilang bahay, pilit niya itong pinaliliwanagan. Palagi niyang sabi rito, “Mas maiging tumulong tayo, mahal. Saka, maingat naman tayo, eh, tiyak, hindi tayo magkakasakit. Kakampi natin ang Panginoon, maniwala ka,” dahilan para wala itong magawa kung hindi ang siya’y suportahan.
Lalo pa ngayong linggo, kung kailan mag-iisang linggo na sa kanilang bahay ang kaniyang kumpare. Madalas man siyang kuwestiyunin ng asawa, mahinahon niya itong palaging kinakausap dahil ayaw niyang matulog sa lansangan ang kumpare niyang napagbibintangan ng asawa.
Nang gabing iyon, matapos niyang pakalmahin ang asawa, agad na siyang nagpunta sa kanilang sala upang balikan ang kumpareng iniwan niya roon.
Ngunit siya’y nagtaka dahil wala ito roon. Tanging bote ng alak at ilang pulutang binigay niya rito kanina ang naroon.
“Pare? Ano? Taob ka na ba? Ayaw mo nang mag-inom?” malakas niyang sabi habang hinahanap ito sa kanilang bahay.
Pero muli na siyang nakaayat sa pangalawang palapag ng kanilang bahay, hindi niya pa rin ito makita. Hanggang sa walang anu-ano, naisipan niyang silipin ang kwarto ng anak niyang nagtatrabaho sa Maynila at laking gulat niya nang makitang nandoon ang kumpare niya.
Kinakalkal nito ang gamit ng kaniyang anak habang panay ang lagay sa bulsa ng mga mamahalin nitong alahas.
“Pinagkatiwalaan kitang walang-h*ya ka!” sigaw niya rito saka agad niya itong dinambahan at pinagsususuntok.
Narinig ito ng kaniyang asawa at nang makitang nakikipagsuntukan na siya, agad itong humingi ng tulong sa kanilang mga kapitbahay dahilan para mabilis nilang maitali ang naturang lalaki na puno na ng mga alahas at pera ang bulsa.
“Ang kapal din pala ng mukha mo, ‘no? Pinatira na kita, pinakain, binihisan, at kung ano pang tulong na kailangan mo! Tapos nanakawan mo lang ang anak ko? Mabuti, wala roon ang anak ko dahil kung hindi, hindi lang ‘yan ang aabutin mo!” sigaw niya rito bago niya ito tuluyang ipadala sa presinto.
Hihinga-hinga siyang umupo sa kanilang sala. Siya’y agad na nilapitan ng kaniyang asawa at niyakap.
“Maging aral sa’yo ‘to, mahal, ha? Sa kada taong basta-basta mo pinapatuloy rito sa bahay natin, tumataas ang tiyansa na malagay tayo sa kapahamakan. Hindi masamang tumulong, mahal, ang masama, ‘yong sobra ka agad na nagtitiwala sa tao. Mabuti na lang, walang nangyaring masama sa’yo at walang nakuha sa gamit na pinaghirapan ng anak natin,” sabi nito kaya siya’y labis na napaisip na mali talaga ang sobrang kabaitang pinapakita niya sa mga tao.
Tuluyang nakulong ang kumpare niyang iyon dahil sa tibay ng ebidensyang mayroon siya gamit ang kanilang CCTV at simula noon, nilimitahan na niya ang pagtanggap ng mga tao sa kanilang bahay.
“Ngayon, mapapanatag na ang loob ko at ng asawa ko na kami ay ligtas sa sarili naming pamamahay,” wika niya pa sa sarili.