
Sa Iba’t ibang Raket Binubuhay ng Binatang Ito ang Kaniyang Lola; Kumapit Kaya Siya sa Patalim Upang Mapagamot Ito?
“Hijo, mag-ingat-ingat ka sa mga raket na pinapasukan mo, ha? Ayos nang wala akong makain o kahit mainom na gamot, huwag ka lang malagay sa panganib. Hindi ko kakayaning mawala ka,” paglalambing ni Lola Pasing sa nag-iisang apo na kumupkop at nag-aalaga sa kaniya, isang umaga nang makita niya itong nagmamadaling magbihis.
“Ang lambing naman ng maganda kong lola! Hindi po ako gagawa ng bagay na ikalulungkot niyo. Pangako, lahat ng raket na ginagawa ko, legal!” masiglang sagot ni Pj habang inaayos ang sarili sa harap ng kanilang lumang salamin.
“Ipangako mo sa akin ‘yan, ha?” malumanay pa nitong tugon.
“Pangako po, lola! Hinihintay ko lang talagang maka-jackpot ako sa isang raket ko sa Maynila at kapag nagkataon ‘yon mapapagamot ko na kayo!” sabi niya pa rito na ikinangiti nito.
“Hindi naman ako nagmamadali, hijo, kaya maghinay-hinay ka lang, ha? Ayos nang kaunti ang kita basta marangal!” paalala pa nito dahilan para yakapin niya ito.
“Masusunod po, lola! O, paano po, alis na ako, ha? Magsabi lang kayo kay Aling Betty kapag may kailangan po kayo!” paalam niya rito saka agad nang binilin sa kapitbahay ang matanda.
Ang binatang si Pj na lang ang tanging nag-aalaga sa may sakit niyang lola. Siya man ang pinakabata at walang-wala sa lahat ng mga apo nito, siya lang ang naglakas loob na kumupkop, nag-alaga, at tumugon sa pangangailangang medikal nito.
Ito ang dahilan para ganoon na lang siya magkilos lagare upang matugunan lang ang lahat ng pangangailangan nito simula sa pagkain hanggang sa maintenance nitong gamot.
Ngunit dahil nga wala siyang pinag-aralan, hirap siyang makakuha nang maayos na trabaho pero hindi ito naging hadlang sa kaniya upang maibigay ang mga pangangailangan ng matanda.
Kung anu-anong raket ang kaniyang ginagawa. Minsa’y naglalako siya ng balut, samalamig, at kung anu-anong meryenda. Minsan pa, umeekstra siya sa paglalabada, pagkukumpuni, at marami pang raket na talaga nga namang nagbibigay sa kaniya ng kita. Maliit man, ayos na rin kaysa wala siyang maibili ng pagkain at gamot ng matanda.
Ngunit nitong mga nakaraang araw, napansin niyang namamaga na ang binti ng matanda, lumalaki na rin ang mga sugat nito, at nanlalabo nang paningin dahil sa diyabetes nito.
Kaya naman, nang araw na ‘yon, ginawa niya talaga ang lahat para kumita nang malaking pera upang mapatingin na niya ito sa doktor.
Sakto namang nakasalubong niya ang kaibigang pinakahihintay. Ito ang kaibigan niyang si Albert na malaki ang kinikita sa raket sa Maynila.
“Sigurado ka na ba talaga sa raket na ‘to, Pj?” tanong nito sa kaniya.
“Ano bang raket ‘yan? Basta, huwag lang ilegal, ha? Mag-aalala ang lola ko, eh,” sabi niya na ikinatawa nito.
“Naku, kaya pala hindi ka umaasenso sa mga raket mo, eh! Kapag ilegal ang raket, libo-libo ang maaari mong kitain! Katulad na lang ng raket na naghihintay sa’yo sa Maynila, magdadala ka lang ng pagkaing may nakaipit na pinagbabawal na gamot sa kulungan tapos may sampung libo ka na agad!” paliwanag nito saka ipinakita sa kaniya ang pagkaing dadalhin sa kulungan.
“Diyos ko! Baka mahuli ako ng mga pulis!” pag-aalinlangan niya.
“Bakit ka magpapahuli? Sige na, tanggapin mo na ‘to. Kapag ‘to nagawa mo, siguradong mapapagamot mo na ang lola mo!” pangungumbinsi pa nito dahilan para kaniya itong tanggapin.
Wala na nga siyang sinayang na oras, agad na siyang bumiyahe patungong Maynila.
Kaya lang, nang malapit na siya sa kulungang iyon, kaniyang naalala ang mga bilin ng matanda.
“Ayos lang na kaunti ang kita basta marangal!” umingay ang boses nito sa isip niya dahilan para siya’y makonsensya at magmadaling umuwi bitbit-bitbit ang pagkaing iyon.
Agad niyang hinanap ang kaibigan niyang iyon at saktong nakita niya itong nakikipag-inuman sa kanto. Dali-dali niyang isinauli ang pagkain saka sinabing, “Pasensya na, mas kailangan ako ng lola ko kaysa sa laki ng perang kikitain ko sa delikadong gawaing ‘yan.”
Sabihan man siya nito ng duwag at hindi aasenso, hindi niya na lang ito kinibo. Muli siyang nag-ikot-ikot sa kanilang lugar upang maghanap ng raket at saktong may nadaanan siyang matandang gustong magpalinis ng mamahaling kotse sa kaniya.
“Ayos na ba ang tatlong libo, hijo?” sabi ng matanda na talagang ikinatuwa niya.
Matapos niyang maglinis, agad na siyang umuwi ng bahay upang madala sa ospital ang lola at ilang oras pa ang lumipas, habang sila’y pauwi galing ospital at botika, umingay sa kanilang lugar na nahuli ang kaibigan niyang si Albert sa loob ng kulungan at hindi na muling pinalabas.
“Mabuti na lang talaga, pinakinggan ko si lola. Kung hindi, wala nang mag-aalaga sa kaniya,” buntong-hininga niya habang pinaghahandaan ng makakain ang matanda.