Inday TrendingInday Trending
Nagmahal ng Isang Ginang na May Tatlong Anak ang Binatang Ito, Pananindigan Niya Nga Kaya ang Desisyong Ito?

Nagmahal ng Isang Ginang na May Tatlong Anak ang Binatang Ito, Pananindigan Niya Nga Kaya ang Desisyong Ito?

“Jobel, ito ‘yong babaeng ikinuwento mo sa akin, hindi ba? May anak na pala ‘to?” tanong ni Erik sa kaibigan habang pinapakita rito ang isang larawan ng babaeng nakita niya sa social media.

“Oo, pare, tatlo na anak niyan. Bakit? May problema ka ba?” sigang tanong ni Jobel habang sinisindihan ang kaniyang sigarilyo.

“Medyo nag-aalinlangan lang ako sa daang tatahakin mo kasama ang babaeng ito kung sakaling magkatuluyan nga kayo,” sagot ng kaibigan na ikinakunot ng noo niya.

“Bakit ka naman mag-aalinlangan? May permanente naman akong trabaho, at malaki-laki na rin ang ipon ko. Tiyak, makakayanan ko silang buhayin kahit na magdagdag pa kami ng anak,” pagyayabang niya habang tumatawa-tawa pa.

“Diyos ko! Nahihibang ka na talaga! Gagastusan mo ang mga batang hindi mo naman anak? Kung ako sa’yo, humanap ka na lang ng babaeng walang sabit! Mas masarap magmahal kapag gano’n!” payo nito sa kaniya na talaga nga namang ikinainis na niya.

“Mahal ko ang nanay nila, pare, kaya tumahik ka riyan bago pa mag-init ang ulo ko sa’yo!” babala niya rito sabay hithit ng kaniyang sigarilyo.

“Sige, pare, basta kung magkaaberya, tawagan mo lang ako,” malumanay na sabi nito saka agad na siyang iniwan sa kanilang tambayan.

Sabik na sabik nang magkapamilya o kahit man lang magkanobya ang binatang si Jobel. Matagal-tagalan na rin kasi ang nakalipas simula noong huli siyang magkaroon ng nobya dahil sa labis niyang pagkaabala sa kaniyang trabaho at pagtulong sa kaniyang mga magulang.

Kaya naman ngayong malaki na ang naitulong niya sa kaniyang pamilya, may malaki nang ipon, at siya’y tumatanda na, tingin niya’y dapat na rin siyang bumuo ng sariling pamilya.

Sa paghahanap niya ng babaeng mamahalin sa social media, napukaw ng isang babae ang kaniyang atensyon dahilan para agad niya itong padalhan ng mensahe. Halos mapatalon siya sa tuwa nang magreply ito at malamang wala itong nobyo.

Kaya lang, sabi nito, “Kaso may tatlo akong anak. Kung matatanggap mo sila at mapapanindigan, sa’yo na ako agad,” na talaga nga namang nagpakabog ng puso niya.

Dahil nga gusto na niyang magkaroon ng dalagang mamahalin, at agad siyang nabihag ng magandang babaeng iyon, hindi naging problema sa kaniya ang pagkakaroon nito ng mga anak na labis na ikinabahala ng kaniyang kaibigan.

Simula nang araw na ‘yon, sa bahay na niya pinatuloy ang dalagang iyon at ang mga anak nito na talaga nga namang labis niyang ikinatuwa. Sabi niya pa nga habang pinagmamasdang maglaro ang mga bata habang yakap-yakap ang babae, “Dininig Mo naman kaagad ang panalangin ko na magkapamilya, Panginoon!”

Kaya lang, hindi nagtagal ang masayang tagpong iyon sa kaniyang bahay dahil halos isang buwan lang ang lumipas, agad nang lumabas ang tunay na kulay ng babae at ng mga anak nito.

Palaging nagyayayang kumain sa mamahaling restawran ang babae habang panay naman ang pabili sa kaniya ng mga laruan, damit, at marami pang gamit ng mga anak nito dahilan para siya’y bahagya nang mabahala dahil unti-unti nang nauubos ang ipon niya.

Minsan niyang pinaghindian ang babae, at pinagsabihan ang mga anak nitong hindi niya pinupulot ang pera kaya kailangan na nilang magtipid, ngunit imbis na intindihin siya ng babae at pagsabihan ang mga anak nito, sagot pa nito sa kaniya, “Akala ko ba kaya mo kaming panindigan? Kaunting ungot lang ng mga anak ko, nagdadamot ka na agad!”

At dahil nga sobra nang napamahal sa kaniya ang babae, hindi na niya inisip ang pera niya. Binigay niya ang lahat ng gusto nito at ng mga bata upang sumaya ang mga ito sa puder niya.

Kaya lang, nang wala na siyang maibigay sa mga ito dahil nga ubos na ang ipon niya at wala pa siyang sweldo, katakot-takot na pangmamaliit ang agad niyang natanggap sa babae. Nagawa pa siya nitong pagbuhatan ng kamay at layasan kasama ang mga anak na talaga nga namang ikinaguho ng mundo niya.

Mabuti na lang talaga, agad siyang pinuntahan ng kaibigan nang oras na iyon at siya’y binigyan ng pagkain at kaunting pera. “Sabi sa’yo, pare, delikado ‘yang pinasok mo, eh,” sermon nito sa kaniya.

“Sana nga nakinig na lang ako sa’yo, eh. Iba ‘yong sakit na mawalan ng malaking ipon at mapamahal sa mga taong iiwan ka kapag wala ka nang mailabas na pera,” pagsisisi niya habang umiiyak.

Tinulungan siya ng kaibigan niyang si Erik upang muling makabangon at makapag-ipon. Doon niya napag-isip-isip na hindi talaga dapat minamadali ang pag-ibig dahil ang tunay na pag-ibig, mananatili kahit walang laman ang bulsa ng kapareha.

Wala man siyang muling mamahaling babae, minabuti niya munang mahalin ang sarili habang muling nag-iipon para sa pagdating ng isang tunay na pag-ibig.

Advertisement