
Baligtad ang Sitwasyon ng Mag-asawa: ang Mister ang Nag-aasikaso sa mga Gawaing-Bahay Habang ang Misis Naman ang Nagtatrabaho; Maging Dahilan Kaya Ito ng Kanilang Pagtatalo?
Kung ‘dakilang mister’ ang pag-uusapan, ilalaban ni Amelie si Chris.
Bakit hindi? Paggising niya ng 5:00 ng madaling araw, gising na rin ito. Nagluluto na para sa agahan nila ng kanilang mga anak na papasok sa paaralan. Siya naman ay papasok sa opisina.
Nakaplantsa na rin ang kaniyang mga unipormeng susuutin, napakinis na rin ang sapatos niya. Nakapagpainit na rin ito ng tubig para sa kape at paligo niya. Asikasong-asikaso talaga.
Pagkauwi niya, nakaluto na rin ito ng hapunan. Napakain na ang mga isda sa aquarium gayundin ang mga alagang aso nila. Makikita niyang malinis at maayos ang bahay. Nakatupi na ang mga damit na nilabhan. Nadiligan ang mga halaman sa bakuran, gayundin sa mga pasong nasa loob ng bahay.
Mahusay na house husband si Chris. Wala ka nang hahanapin pa.
Subalit minsan, hindi maintindihan ni Amelie kung bakit parang nakakaramdam siya ng pagkairita kapag naiisip niyang baligtad ang sitwasyon nila ng mister.
Ang alam niya kasi, tipikal na ang ilaw ng tahanan ang nararapat na nag-aasikaso sa bahay. Ang haligi naman ng tahanan ang siyang nagbabanat ng buto para sa pamilya.
Pakiramdam niya, hindi patas para sa kaniya ang kanilang sitwasyon.
Minsan ay natanong niya si Chris sa bagay na ito.
“Mahal, wala ka na ba talagang balak magtrabaho? Huwag ka sana ma-offend sa tanong ko ha.”
“Mahal, hindi ba’t nabanggit ko na sa iyo na ayoko nang magtrabaho? Mas gusto ko rito sa bahay. Ayos lang naman sa akin na ako ang house husband. Masaya akong inaasikaso ko kayo ng mga anak natin,” tugon naman ni Chris sa kaniyang misis.
“Nanghihinayang lang naman kasi ako sa lakas mo, mahal. Kasi sa totoo lang, puwede naman tayong kumuha ng kasambahay nang sa gayon, dalawa na tayong nagtatrabaho, o kaya naman titigil na lang ako at ako rito sa bahay. Lumalaki na kasi ang mga anak natin, alam mo na… mas lumalaki ang pangangailangan.”
Hindi naman kumibo si Chris. Tila napaisip din ito.
“Mahal, huwag kang magtatampo o masasaktan sa sinasabi ko ah. Baka naman magalit ka sa akin,” pag-alo naman ni Amelie sa kaniyang mister.
“Hindi, okay lang. Tama ka naman sa sinasabi mo, mahal. Hayaan mo, pag-iisipan ko ang bagay na iyan.”
Pero sa palagay ni Amelie ay nasaktan niya ang damdamin ng kaniyang asawa. Nagsisi tuloy siya kung bakit sinabi pa niya ang bagay na iyon.
Kaya naman, nakipagkita siya sa kaibigang si Menchie upang ikonsulta rito kung tama ba ang ginawa at sinabi niya sa asawa. Isa kasi itong psychologist.
“Alam mo Amelie my friend, kung tutuusin, napakasuwerte mo kay Chris. Kahit na baligtad ang sitwasyon ninyo ngayon, ikaw ang nagtatrabaho, responsable naman siya pagdating sa mga gawaing-bahay at naaasikaso naman kayong pamilya. Wala ka nang mahihiling pa,” paliwanag ni Menchie.
“Oo nga eh, kaya nga nakokonsensya ako…” nasabi na lamang ni Amelie.
“Nakakatuwa nga kayo kasi wala kayo sa tipikal na gender roles na idinidikta ng ating lipunan. Hindi naman kasi porke’t ikaw ang ama, ikaw na ang kailangang magtrabaho. Hindi naman porke’t ikaw ang ina, ikaw na ang nasa bahay. Mag-asawa kayo kaya tulungan kayo.”
At naliwanagan si Amelie sa mga sinabi ng kaniyang kaibigan. Tama nga naman. Mag-asawa sila kaya tulungan sila sa pagbuo ng kanilang pamilya.
Pagdating niya sa bahay, agad niyang niyakap ang kaniyang mister.
“Gusto ko lang humingi ng dispensa sa mga nasabi ko sa iyo noong nakaraang gabi, Mahal. Gusto ko ring sabihin sa iyo na pinahahalagahan ko ang ginagawa mo sa ating pamilya. Mahal na mahal kita, Chris! Napakasuwerte ko na ikaw ang mister ko at ama ng mga anak ko!” taos-pusong pasasalamat ni Amelie kay Chris.
“Salamat Mahal at napapahalagahan mo ako. Ako rin, gusto kong magpasalamat sa iyo dahil ikaw ang nagbabanat ng buto para sa pamilya. Pero may sorpresa ako sa iyo, halika…” at hinila ni Chris ang kanang bisig ni Amelie. Iginiya niya ang misis sa kanilang kuwarto. Iniharap sa laptop.
“May trabaho na ako, online at work-from-home. SEO ang tawag dito. Magsusulat ako ng mga online articles para sa mga kompanya na outsourcing ang sistema. Kikita na ako, nasa bahay pa ako at maaasikaso ko pa kayo,” tuwang-tuwang balita ni Chris sa misis.
At nagsimula na nga sa kaniyang trabaho si Chris. Masayang-masaya naman si Amelie. Napakasuwerte niya talaga sa kaniyang mister.