
May Nirereto sa Kaniyang Lalaki ang Kaniyang Nanay Subalit Hindi Ito ang Isinisigaw ng Kaniyang Puso; Sino ang Susundin Niya, Sarili o Nanay Niya?
“Ditas, wala ka nang hahanapin pa kay Charles. Maganda ang trabaho niya bilang seaman. May sariling bahay at malaki pa. Mabibigyan ka niya ng magandang buhay, kahit na may anak na siya sa una niyang asawa. Matinong lalaki si Charles.”
Naririndi na si Ditas sa kaniyang inang si Aling Beth, na lagi na lamang siyang sinasabihan na sagutin na ang panliligaw ng inirereto nito sa kaniyang si Charles, anak ng kaniyang kalaro sa casino.
May anim na buwan na ring nanliligaw sa kaniya si Charles, na ngayon ay nasa barko bilang sea man. Hiwalay na ito sa nagtaksil na misis, at nasa poder nito ang isang anak.
Si Ditas naman ay single parent din. Anim na taong gulang na ang kaniyang anak na si Daisy.
“Hayaan po muna ninyo akong mag-isip, ‘Nay. Bakit ba atat na atat kayong sagutin ko si Charles eh isang beses pa lang naman kaming nagkita? Hindi ko nga matatawag na date iyon, kasi kasa-kasama pa kayo eh,” naiiritang sagot ni Ditas.
“Aba naman Ditas, huwag ka nang umarte. Sa estado ng buhay mo ngayon, hindi ka na dalaga para maging pihikan pa. Maging praktikal ka. Kapag pumayag kang magpakasal kay Charles, magiging maganda ang buhay mo pati na ni Daisy. Kayo lang ni Daisy ang iniisip ko, anak,” giit naman ni Aling Beth.
“Paano naman po ang gusto ko, ‘Nay? Hindi ba puwedeng pakasalan ko ang taong gusto at mahal ko?”
“Alin, yung naliligaw ba sa iyong tricycle driver na si Estong ang tinutukoy mo? Diyos ko naman anak! Oo may hitsura ‘yang Estong na iyan, pero ano naman ang ipapakain sa iyo niyan? Baka nga panggastos niya sa sarili niya, problema pa niya eh,” giit ni Aling Beth.
Si Estong ay masugid niyang manliligaw noon pa man. Drayber ito ng traysikel sa kanilang lugar, at nakikita naman niyang matino at masipag ito. Tuwing gabi, suma-sideline din ito bilang tindero sa palengke. Sa totoo lang, mas gusto niya si Estong subalit ayaw ito ng kaniyang nanay para sa kaniya.
“’Nay, masipag po si Estong. Huwag po ninyong maliitin ang trabaho niya bilang tricycle driver, marangal na trabaho po iyon,” saad naman ni Ditas.
“Ah basta, hindi ko gusto ‘yang si Estong para sa iyo. Sayang naman ang pinag-aralan mo sa kolehiyo kung mauuwi ka lang sa isang tricycle driver. Isipin mo rin ang kinabukasan ni Daisy,” sabi ni Aling Beth.
Subalit nanaig pa rin ang puso ni Ditas.
Pinili niya si Estong at binasted niya si Charles.
Galit na galit si Aling Beth sa kaniyang ginawa.
“Bakit hindi na lang ho kayo ang jumowa kay Charles, tutal naman ho, matagal nang wala si Tatay?” naiinis na biro ni Ditas kay Aling Beth.
“Aba kung bata-bata lang ako at ako ang niligawan ni Charles, talagang gagawin ko ‘yan. Bahala ka nga sa buhay mo!” galit na sabi ni Aling Beth sa anak.
Nagpasya sina Ditas at Estong na magsama na sa iisang bubong. Saka na umano ang kasalan kapag nakapaghanda na sila.
Naging maayos naman ang relasyon nila, at ang pinakamahalaga para kay Ditas, tanggap ni Estong na may anak na siya. Parang tunay na tatay ang turing ni Estong kay Daisy, at parang tatay na rin ang turing ni Daisy kay Estong.
Isang araw, nagulat si Daisy nang malamang may trabaho na si Estong. Titigil na ito sa pagta-tricycle driver.
“Nakatapos ka pala ng pag-aaral sa kolehiyo?” gulat na gulat si Ditas nang malaman ito.
“Oo nakatapos ako. Habang naghihintay ako sa tawag ng mga kompanyang pinag-aplayan ko, hindi ako nagsayang ng oras. Pinasada ko ang tricycle ko, na isinanla lamang sa akin, at para bang hindi na makukuha.”
Labis na humanga si Ditas kay Estong dahil sa panahon ng kanilang ligawan, hindi nito nabanggit ang tungkol sa bagay na iyon.
Naibigay ni Estong ang mga pangangailangan nina Ditas at Daisy dahil malaki ang kinikita nito sa kompanyang pinagtatrabahuhan.
Gulat na gulat naman si Aling Beth nang malaman niya ito.
“Kita mo na, ‘Nay. Hindi mo dapat husgahan ang isang tao batay sa kaniyang trabaho,” sabi ni Ditas kay Aling Beth.
Simula noon ay tinanggap na rin ni Aling Beth si Estong sa kanilang buhay.
Matapos ang isang taong pag-iipon, tuluyan na ngang lumagay sa tahimik sina Ditas at Estong kasama si Daisy, at ang isa pang anghel na paparating na sa kanilang buhay. Nakapagpatayo na rin sila ng sariling bahay at nakabili na rin ng sariling kotse. Ipinagpatuloy naman ni Estong ang negosyo ng pagta-tricycle, matapos niyang bumili ng tatlo pang karagdagang tricycle at ipinamaneho sa kaniyang mga kakilala, na alam niyang nangangailangan ng trabaho at mapagkakakitaan.
Masayang-masaya si Ditas dahil sinunod niya ang puso niya at hindi siya nagpatangay sa dikta ng kaniyang ina. At sa palagay niya, tama ang naging pasya niya.

Baligtad ang Sitwasyon ng Mag-asawa: ang Mister ang Nag-aasikaso sa mga Gawaing-Bahay Habang ang Misis Naman ang Nagtatrabaho; Maging Dahilan Kaya Ito ng Kanilang Pagtatalo?
