Inday TrendingInday Trending
Puro Panlalait at Pangmamaliit ang Naririnig ng Binatilyo Mula sa Taklesang Tiyahin; Paano Niya Gagamitin Ito Upang Maisaayos ang Kanilang Bahay at Buhay?

Puro Panlalait at Pangmamaliit ang Naririnig ng Binatilyo Mula sa Taklesang Tiyahin; Paano Niya Gagamitin Ito Upang Maisaayos ang Kanilang Bahay at Buhay?

“Ano ba naman ‘yan Antonio, tingnan mo naman ang bahay mo! Giray-giray na ang mga haligi mo. Butas-butas na ang bubong, at puro tapal ng trapal.”

Napakamot na lamang sa ulo si Antonio nang marinig na naman ang taklesang kapatid na si Ate Arminda. Nakikinig naman si Jonas sa kaniyang matapobreng tiyahin, na wala nang ginawa kung hindi laitin ang kanilang pamilya dahil sa kanilang mahirap na kalagayan.

“Eh ate, wala pa akong ekstrang oras para ayusin ang bahay namin eh,” narinig ni Jonas na pagdadahilan na lamang ng kaniyang tatay. “Hayaan mo, sa Sabado at Linggo eh pagpupursigihin ko na makumpuni iyan.”

“Wala ba talagang oras o wala kang perang pampagawa?”

Hindi na nakakibo pa si Antonio.

“Iyan ang sinasabi ko sa iyo, Antonio. Eh kung nagtapos ka ng pag-aaral noon, eh ‘di sana maganda ang trabaho mo ngayon at kumikita nang maayos, hindi iyang nagkukumpuni ka lamang ng sapatos. Tingnan mo ang buhay mo ngayon, mas masahol pa kayo sa daga!”

Gustong-gusto nang sagutin ni Jonas ang kaniyang tiyahin subalit pinigilan niya ang kaniyang sarili. Baka masabihan na naman siyang bastos at walang modo, kagaya nang mangatwiran siya rito noon, na huwag naman sigaw-sigawan ang kaniyang tatay sa harap ng kanilang mga kapitbahay. Isa pa, nasa pamamahay nila siya.

Hindi na lamang kumibo si Antonio sa sinabi ng kaniyang ate. Wala rin naman siyang magagawa kung ipagtatanggol pa niya ang kaniyang sarili. Hindi naman mababago ang pananaw sa kaniya ng kapatid, na noong kabataan niya ay nagbulakbol siya, kaya ang naging resulta ngayon, hindi maayos ang kanilang pamumuhay.

“Oh siya, aalis na ako. Mag-ingat kayo. Sabihan mo ang mga anak mo na ayusin nila ang pag-aaral nila at huwag tutulad sa ‘yo,” huling sabi ni Ate Arminda bago umalis.

“’Tay, bakit naman hinahayaan ninyo si Tita Arminda na pagsalitaan kayo nang ganyan? Porke ba’t may utang kayo sa kaniya, ganyan ang gagawin niya sa atin? Masyado na niya tayong minamaliit,” himutok ni Jonas nang makaalis na ang tiyahin.

“Hayaan mo na ang tiya mo, anak. Ganyan naman talaga siya kahit noon pa. Medyo taklesa talaga. Kasalanan ko rin naman anak kung anuman ang sitwasyon natin ngayon. Hindi kasi ako nagpakatino noong kabataan ko. Kaya sinasabi ko sa iyo, magtapos ka ng pag-aaral, para walang sinuman ang makakapag-aglahi sa iyo,” muling paalala ni Antonio sa kaniyang nag-iisang anak.

“Huwag po kayong mag-alala, ‘Tay. Darating din ang panahong magkakaroon tayo ng mas maayos na bahay, mas maginhawang buhay,” pangako ni Jonas sa kaniyang tatay at sa kaniyang sarili.

Ang bawat masasakit na salitang naririnig ni Jonas mula sa kaniyang Tiya Arminda ang naging inspirasyon niya upang pag-igihin ang kaniyang pag-aaral.

Natapos niya ang Senior High School na siya ay may karangalang ‘With high honors.’

Nakapag-aplay siya ng scholarship sa kolehiyo at kumuha ng kursong Business Administration sa isang state university.

Habang nag-aaral, nagtrabaho siya bilang student assistant sa isa sa mga propesor niya. Naging maayos naman ang pasahod nito sa kaniya, sapat upang may maipangtustos sa kaniyang pag-aaral, mga personal na pangangailangan, at ang ilan ay naitatabi niya. Ayaw tanggapin ni Antonio ang anumang ibinibigay niya, ipunin na lamang daw niya.

Makalipas ang apat na taong pag-aaral sa kolehiyo, nakatapos na rin sa wakas si Jonas.

Hindi siya nagsayang ng kaniyang panahon. Agad siyang nag-aplay ng trabaho. Naka-10 kompanya siya bago matanggap sa ika-11 kompanyang inaplayan niya.

Hindi naging madali ang kaniyang pinagdaanan. Katakot-takot na hirap ang kaniyang pinagdaanan, lalo na ang pamumulitika sa loob ng kompanya. Subalit tinatagan ni Jonas ang kaniyang loob.

Inipon niya ang kaniyang suweldo. Gumagastos lamang siya ng mga pangangailangan niya at nagbibigay sa kaniyang tatay. Maliban doon, inipon niya nang inipon ang kaniyang suweldo.

Makalipas ang tatlong taong pag-iipon magmula sa suweldo niya, bonus, 13th month pay, at sa iba pang mga natatanggap na incentives, ipinasya ni Jonas na ipaayos na ang kanilang bahay.

Umupa muna sila sa isang maliit na paupahan sa kanilang lugar upang mapaayos ang kanilang maliit na kubol. Makalipas lamang ang anim na buwan, ang dating maliit, sira-sira, at giray na kubol ay isa nang malaki, maganda, at maaliwalas na bahay! May dalawang palapag ito at may balkonahe pa.

Kaya naman gulat na gulat si Ate Arminda nang makita ang bagong tayong bahay. Nahigitan pa ang kaniyang malaking bahay, na noon ay nilalait-lait pa niya.

“Suwerte ka sa anak mo, Antonio. Tingnan mo naman ang buhay ninyo ngayon, mas maayos na kaysa dati,” sa kauna-unahang pagkakataon ay narinig ni Jonas na pinuri sila ng tiyahin.

“Tita, ako nga ang dapat magpasalamat sa iyo. Kung hindi dahil sa mga sinasabi ninyo noon, hindi siguro ako magsusumikap upang mapaganda ang bahay at buhay namin ni Tatay,” taos-pusong pasasalamat ni Jonas sa kaniyang tiyahin.

“Patawarin mo ako Jonas, at ikaw na rin Antonio, kung napagsasalitaan ko kayo noon. Naniniwala kasi akong kaya n’yo pang mapabuti ang mga buhay ninyo. Tingnan naman ninyo, tama ako hindi ba?”

Masayang pumasok sa malaking bahay ni Jonas sina Antonio at Arminda. Nakangiting pinagmasdan ni Jonas ang malaking bahay niya na bunga ng kaniyang paghihirap. Sa mga susunod na panahon, parang nakikita na niya ang sariling masayang-masaya habang kaakbay ang magiging misis, habang pinapanood ang paglalaro ng kanilang mga anak.

Advertisement