Inday TrendingInday Trending
Mayaman at Matagumpay na sa Buhay ang Binata Subalit Hindi Niya Maipaliwanag Kung Bakit Nilalamon pa Rin Siya ng Lungkot; Ano nga Kaya ang Ugat Nito?

Mayaman at Matagumpay na sa Buhay ang Binata Subalit Hindi Niya Maipaliwanag Kung Bakit Nilalamon pa Rin Siya ng Lungkot; Ano nga Kaya ang Ugat Nito?

Kung tutuusin, walang dahilan si Alexis para makaramdam ng matinding kalungkutan sa kaniyang buhay.

Siya ngayon ang itinalagang presidente ng pinaglilingkurang kompanya. Pinaghirapan niya ang kaniyang posisyon dahil sa kaniyang kasipagan. Iginagalang siya ng lahat ng mga empleyado. Mabait sa kaniya ang may-ari ng kompanya.

Dahil sa kaniyang kasipagan, lumaki ang pera sa kaniyang bangko. Nakapagpatayo na rin siya ng isang malaking bahay na may apat na palapag. Bukod dito, bumili na rin siya ng iba’t ibang property, kabilang ang apat na condominium unit sa magkakaibang lugar, at isang lupain na ipinapasaka niya.

Lima ang kaniyang mga kotse na nakahilera sa kaniyang malaking garahe. Lahat ay mamahalin.

Bukod sa kaniyang trabaho ay may dalawang negosyo si Alexis: isang restaurant at isang pagawaan ng sapatos. Kumikita naman ang dalawang kompanya.

Sa kabila nito, hindi maintindihan ni Alexis kung bakit tuwing gabi, ang lungkot-lungkot niya. Hindi niya maipaliwanag ang kakaibang lungkot na lumulukob sa kaniya. Kaya naman, lagi siyang sumasama sa kaniyang mga barkada, nagpupunta sila sa mga bar, nagpapakalango sa alak. Subalit paggising niya, ganoon pa rin ang nararamdaman niya.

“Baka naman kailangan mo ng babaeng magpapasaya sa iyo? Wala kang love life,” biro sa kaniya ng kaibigang si Elmer. “Hindi ka na bumabata. Dapat mag-girlfriend ka na o mag-asawa kaya. Para magkaroon ka na rin ng mga anak. Baka iyan ang kulang sa iyo.”

“Alam mo namang hindi ako mahilig manligaw. Torpe ako pagdating sa babae,” tugon naman ni Alexis.

“Sige, may irereto ako sa iyo.”

Inireto na nga ni Elmer ang kaniyang kaibigang babae kay Alexis, subalit hindi ito ang tipo ng binata.

“Baka naman lalaki ang hanap mo?” tanong ni Elmer kay Alexis.

“Hindi, sira. Straight ako,” pakli ni Alexis.

“Sige, hahanapan pa kita ng chicks.”

Sa kaniyang pagkakahiga sa kaniyang kama, malalim na nag-isip si Alexis. Naglakbay ang kaniyang diwa sa kanilang lalawigan. Naalala niya ang kanilang maliit na kubol noong bata pa siya. Naalala niya ang kalabaw ng kaniyang Tatay, ang mga bilao ng kaniyang Nanay.

Kumusta na kaya sila?

Saka niya naisipan, ang tagal na pala niyang hindi nakakauwi sa kanilang lalawigan. Matagal na niyang hindi nakikita ang kaniyang mga magulang matapos ang kaniyang paglalayas noon.

“Lumayas ka na rito kung ayaw mong matutong magsaka! Hindi mo makakamit ang matayog mong pangarap, tatandaan mo iyan! Masyadong mataas ang pangarap mo, tiyak na lalagapak ka,” natatandaan ni Alexis na sinabi sa kaniya noon ng kaniyang Tatay Isidro.

Bagay na ginawa nga niya. Nag-alsa balutan siya at nagtungo sa Maynila. Naging working student siya at ginawa niya ang lahat upang mapag-aral ang kaniyang sarili, at patunayan sa kaniyang mga magulang na kayang-kaya niyang tuparin ang kaniyang mga pangarap.

At ngayon, nagawa niya. Nalagpasan pa niya.

Kaya lang, habang abala siya sa pagpapayaman, sa pag-abot ng kaniyang mga pangarap, sa pagpapatunay niya sa kaniyang sarili na kaya niya…

Nakalimutan niya ang kaniyang mga magulang.

Kumusta na kaya sila?

Nasa maayos kaya silang kalagayan?

Habang masarap ang inuulam niya, maginhawa ang pamumuhay niya, hindi niya alam kung maayos pa ba ang kalagayan, o kung buhay pa ba ang kaniyang Tatay Isidro at Nanay Mameng.

Kaya naman kinabukasan, hindi siya pumasok sa opisina. Nag-file siya ng isang linggong vacation leave.

Uuwi siya sa kanila.

Limang oras ang itinagal ng kaniyang biyahe, bago siya nakarating sa lugar na pamilyar na pamilyar sa kaniya; tila walang nagbago sa mga lugar na dinaanan niya.

Sumikdo nang mabilis ang kaniyang puso nang makita ang kanilang lumang kubol. Natuwa siya dahil tila nagkaroon naman ng kaunting pagbabago sa estruktura nito; hindi na kagaya ng dati na giray-giray na ang mga kisame at halos liliparin na ang atip.

Inihinto niya ang sasakyan sa tapat. Umibis siya. Lumabas ang isang matandang babae. Napatda ito nang makita siya.

“A-Alexis, anak? Ikaw na ba iyan?”

Hindi kumibo si Alexis subalit naramdaman niyang namasa ang kaniyang mga mata, naglandas ang mga luha…

Nilapitan siya ni Aling Mameng. Niyakap.

“Ang tagal na panahon naming hinintay ang pagkakataong ito na makaharap ka, anak. Akala namin kung napaano ka na. Panalangin namin ng Tatay Isidro mo na muli kang makita, at itong araw na ito ang idinulot ng Diyos…”

Maya-maya ay lumabas mula sa loob ng kubol ang isang matandang lalaki. Si Mang Isidro.

“A-Alexis, anak… ikaw na ba ‘yan?” Kay laki na ng pinagbago mo…”

“Tatay, Nanay… opo… malaki na po ang pinagbago ko. Patawarin po ninyo ako sa nagawa kong paglayas noon. Patawarin po ninyo ako kung ngayon lamang po ako nakarating dito sa inyo, at nakumusta kayo…” umiiyak na paghingi ng tawad ni Alexis sa kaniyang mga magulang.

“Tama na ‘yan, anak. Ang mahalaga ngayon, nakita namin na nagkamali kami sa mga nasabi namin sa iyo noon, na hindi mo kayang maabot ang mga pangarap mo. Sa hitsura mo ngayon, mukhang nagawa mo ang bagay na iyon. Nakakahiya ako, anak…” naiiyak na sabi ni Mang Isidro.

“Tatay, Nanay, sana po ay pumayag na kayo na iwanan na ang lugar na ito at sumama sa akin. Malaki na ang bahay ko sa Maynila, at palagay ko, kaya ako nilalamon ng lungkot ngayon, ay dahil malaki nga ang bahay ko, pero alam kong kayo naman ay nasa hirap pa. Sumama kayo sa akin. Hayaan ninyong bumawi ako sa inyo,” aya ni Alexis sa kaniyang mga magulang.

Pumayag naman ang kaniyang mga magulang. Simula noon ay nagkasama na sila sa bahay ni Alexis. Ginawa ni Alexis ang lahat upang makabawi sa kaniyang mga magulang. At nakaramdam ng kasiyahan si Alexis.

Ang ugat pala ng kaniyang kalungkutan, alam niyang matagumpay na siya sa buhay, subalit hindi naman niya ito maialay sa kaniyang mga magulang na pinagkakautangan niya ng buhay niya.

Simula noon ay nanumbalik na ang kasiyahan sa puso ni Alexis.

Advertisement