
Pansamantalang Iniwan ng Sikat na Aktres ang Showbiz at ang Paalam Niya sa Publiko ay Mag-aaral Lamang Siya sa Ibang Bansa; Paniwalaan Kaya Siya ng Lahat?
“Mag-aaral lang ako sa ibang bansa, pagkatapos, eventually babalik din ako rito sa Pilipinas. Maraming plano ang network sa akin. Gagawa ako ng teleserye at pelikula, at baka may talk show pa nga,” sagot ni Jessica sa mga reporter na nagtatanong sa kaniya kung bakit sa kasagsagan ng kaniyang pamamayagpag sa showbiz saka niya napagdesisyunang mangibang bansa.
“Pero gaano katotoo ang chismis na kaya ka raw pupunta sa ibang bansa ay dahil buntis ka raw at magpapalagl*g ka?” giit ng isang matabil na reporter.
“Naku, hindi po totoo ‘yan. Malalaman naman po ninyo ang mga pangyayari sa buhay ko sa pamamagitan ng social media accounts ko, at sa makabagong panahon ngayon, imposibleng makapaglihim sa inyo, kayo pa ba?” sabay-kindat na biro ni Jessica.
“Kailangan ko na pong umalis at may gagawin pa ako. Salamat po sa inyong lahat,” paalam ni Jessica at umalis na siya sa kulumpon ng mga reporter. Agad siyang dumiretso sa kaniyang sasakyan kahit na hinahabol-habol pa siya ng mga reporter.
Pagsakay niya sa loob ng kotse, agad siyang inusisa ng kaniyang talent manager na si Mariole, o tinatawag niyang Mommy Mariole.
“Nalusutan mo naman ang mga reporters na iyan? Hay naku, Jessica, sinasabi ko sa iyo, hinding-hindi ka tatantanan ng mga iyan.”
“Mukhang nailusot ko naman po, Mommy Mariole. Sana lang hindi na sila mag-usisa kasi nakaka-stress sila,” tugon naman ni Jessica.
“Anong balak mo ngayon? Itutuloy mo ang pangingibang-bansa para doon ka makapanganak? Malaking gulo ‘yan, Jessica, kapag nalaman ng mga tao na nagbubuntis ka. Alam mo naman sa panahon ngayon, wala ka nang maitatago. Mahirap itago ang paglobo ng tiyan,” nangangambang sabi ni Mommy Mariole.
“Mommy Mariole, bahala na po. Ayoko pong gawin ang pagpapalagl*g ng bata, gaya ho ng mungkahi ninyo. Paninindigan ko ho ang pagpapalaki nito. Bahala na kung masira ang career ko o kasuhan ako ng network,” walang takot na saad ni Jessica sa kaniyang talent manager.
“Ikaw ang bahala. Nakasuporta naman ako sa iyo, kaya lang binabalaan kita, Jessica. Nakataya ang kasikatan at hanapbuhay mo rito. Isa ka sa mga A-listers ng network, at isa ka na ngayon sa mga tinitingalang artista sa showbiz. Nanghihinayang lang ako kung mauuwi lang sa wala ang lahat ng pinaghirapan natin para mabuo ang pangalan mo,” sinserong paalala ni Mommy Mariole.
May non-showbiz boyfriend si Jessica na si Michael subalit nang malaman nito na nagdadalantao siya, hindi siya nito balak panagutan, lalo na’t natatakot umano ito na mabantad sa publiko ang kaniyang pagkatao.
Ayaw naman ni Jessica na ipalagl*g ang kaniyang pinagbubuntis dahil naniniwala siyang biyaya ito mula sa Diyos.
Kaya naman ang naisip na lamang nilang solusyon upang mapagtakpan ito, kunwari ay magtutungo siya sa ibang bansa upang mag-aral ng short course sa fashion. Subalit ang totoo niyan, balak niyang doon manganak. Bahala na kung anong gagawin niya sa kaniyang pagsilang.
Subalit inihanda na niya ang sarili sa mga posibleng mangyari. Maaaring mawala ang kasikatang tinatamasa niya ngayon. Pero sa loob ng puso niya, handa siyang harapin ang mga bagay na ito, alang-alang sa kaniyang magiging anak.
At agad na ngang umalis ng bansa si Jessica. Sa loob ng halos siyam na buwan ay hindi niya naitago ang kaniyang pagbubuntis, lalo na’t sikat na sikat siya. Halos tadtarin siya nang pinong-pino ng kaniyang mga bashers sa social media. Sirang-sira ang kaniyang pangalan. Unti-unti na ring nagsialisan ang mga kompanyang nagpapa-endorso sa kaniya.
“Anong gagawin natin ngayon, Jessica? Sirang-sira na ang pangalan mo,” sabi ng kaniyang talent manager.
“Huwag kayong mag-alala, Mommy Mariole. Pagkapanganak na pagkapanganak ko, ang mungkahi ko ay magkaroon ako ng press conference. Magpapaliwanag ako. Kung talagang tagasuporta ko ang mga tao, kahit na anong mangyari sa akin ay susuportahan pa rin nila ako. Kung gusto nila akong talikuran, fine, wala naman akong magagawa,” paliwanag ni Jessica.
At pagkapanganak ni Jessica, gayon na nga ang nangyari. Ipinaliwanag niya sa kaniyang mga tagahanga ang kaniyang sitwasyon. Sinabi niya na nakahanda siya sa anumang mga mangyayari, pero ang mahalaga, pinaninindigan niya ang pagiging ina sa kaniyang anak.
Dahil sa kaniyang ginawa, marami sa kaniyang mga tagasuporta ang lalong humanga sa kaniya, dahil isa umano siyang matatag at may paninindigang babae.
Para kay Jessica, wala siyang dapat pagsisihan sa kaniyang mga naging desisyon dahil mas mahalaga ang kaniyang anak. Naging positibo naman ang pagtanggap ng mga tao sa kaniya. Humanga pa nga ang mga tao dahil hindi raw niya naisipang ipalagl*g ang kaniyang anak alang-alang lamang sa kasikatang tinatamasa niya.
Napanatili ni Jessica ang kaniyang kasikatan at nabigyan pa ng maraming proyekto sa TV network na kaniyang kinabibilangan. Napagtanto ni Jessica na kung ang desisyon mo ay nasa tama, wala kang dapat ikatakot.