Minaliit ng Babae ang Kasambahay na Anak ng Pinsan Niya; Supalpal Siya Nang Malaman ang Totoong Katayuan ng Dalaga

Makalipas ang dalawang taon ay muling nakabisita si Tessie sa probinsya. Nakatanggap siya ng paanyaya galing sa pinsan niyang si Malen na nagsabing magkakaroon ng salo-salo ang pamilya nila sa ika-siyamnapu’t limang taong kaarawan ng kanilang lola.

Ang totoo’y inimbita lang siya nito para maliitin at matahin. Sa kanilang magpipinsan ay siya lang ang palaging nagigipit samantalang ang mga ito ay nakakaangat sa buhay lalo na ang pinsang si Malen.

Nang dumating siya roon ay agad siya nitong pinatutsadahan.

“Uy ‘insan, kumusta ka na? Namiss ko ang palaging mong pangungutang sa akin,” mayabang na bungad ng babae.

“Am eh, n-nahihiya na kasi ako sa iyo, eh. Dami mo nang naitulong sa aming mag-ina, tsaka may bago nang trabaho ang anak kong si Inah sa Maynila kaya hindi na kami nagigipit,” sagot niya.

Tinaasan siya ng kilay ng pinsan.

“Ows talaga? ‘Di ba kasambahay lang ang anak mo sa Maynila? Ibig mong sabihin, nakahanap pa siya ng ibang trabaho sa lagay niyang iyon? Hindi naman nakatapos sa pag-aaral si Inah ‘di ba? Hayskul lang ang natapos niya? Paanong nakahanap ng ibang trabaho?” usisa pa ni Malen.

“Hindi na siya namamasukan ngayon. Sa opisina siya ipinasok nung amo niyang babae,” tugon niya.

Advertisement

“Aba, kasuwerte naman ng anak mo, biruin mo, isang hamak lang ni tsimay, eh, nakapagtrabaho na sa opisina? Hay naku, pustahan tayo utusan lang ang trabaho niya roon. Ano bang alam ni Inah na hindi naman tapos ng hayskul? Mabuti kung kagaya siya ng anak ko na nakapagtapos sa kolehiyo at Cum Laude pa. Sa Maynila rin siya nagtatrabaho bilang supervisor sa isang malaking kumpanya. Malaki ang sahod niya roon kaya nga mas umasenso ang buhay namin, eh,” patuloy na pagyayabang ng kausap.

Hindi na kumibo si Tessie, sanay na siya sa pagiging mahangin ng pinsan niya.

Maya-maya ay dumating na ang anak ni Malen na si Clara. Sa pananamit pa lang ng dalaga ay halatang maganda ang trabaho nito. Todo make up ito at mukhang mamahalin ang suot na bestida at sapatos, mukhang branded din ang bitbit na bag at kumikinang ang mga suot na alahas.

“Hi, mama! Nakakapagod ang biyahe papunta rito. Mabuti na lang at pinayagan ako ng boss namin na mag-leave kundi ay hindi ako makakaluwas para sa birthday ni lola. Nga pala, isinama ko po ang officemate ko na si Debbie,” wika ng dalaga na ipinakilala ang kasama.

“Magandang tanghali po. Pasensya na po, pinilit po kasi ako ni Clara na sumama,” sagot ng babae.

“Naku, wala ‘yon, hija. Okay lang, welcome ka rito sa amin. Ako nga pala ang mama ni Clara at ito ang pinsan kong si Tessie,” tugon ni Malen na ipinakilala rin ang pinsan. “Alam mo ba, anak na hindi na raw namamasukan ang pinsan mong si Inah? Ang sabi nga nitong tita mo, eh, sa opisina na rin daw. Hindi nga ako makapaniwala na ang pinsang mong kasambahay ay nagtatrabaho na sa opisina,” natatawang sabi ni Malen.

“Talaga po? Saan naman po nagtatrabaho si Inah?” tanong ni Clara.

“May binanggit siya sa akin nung nakausap ko siya sa selpon, eh, ‘di bale, papunta na rin naman siya rito. Magkikita na uli kayong magpinsan,” sagot ni Tessie sa pamangkin.

Advertisement

“Miss ko na nga po siya, tita. Masaya po ako dahil may bago na siyang work. Ako’y bago rin sa pinagtatrabahuhan ko. Madali nga akong natanggap dun,” wika ni Clara.

“Paano naman hindi ka matatanggap, eh halatang gusto ka ni boss,” sabad naman ng kasamang si Debbie.

Napaismid si Malen sa sinabing iyon ng anak.

“Ehem, naku, Clara, ke bago-bago mo sa trabaho ha? Pero kung gusto ka talaga ng boss mo ay maganda ‘yon. Malaki ang tiyansa na tumaas pa ang sahod mo at ma-promote ka pa sa mas mataas pa na posisyon, mas mataas pa sa pagiging supervisor mo.”

“Gusto ko nga pong makilala si boss na may-ari ng kumpanya kaso palagi po siyang hindi pumupunta sa opisina. Ito pong si Debbie ay nakita na niya ang boss namin, ‘di ba, Debbie?” tanong ni Clara sa kasama.

“Opo tita, nakita ko na po ang boss namin. Babae po siya at bata pa rin po gaya namin,” sagot ng kaibigan.

“B-Babae at bata pa kamo? Aba, kasuwerte ano? Sa murang edad ay may-ari na ng kumpanya? Iba talaga ang nagagawa kapag may pinag-aralan ‘di tulad ng iba riyan na hayskul lang ang naabot,” pakutyang hirit ni Malen.

Hindi pa rin kumibo si Tessie sa patutsada sa kanya ng pinsan. Kung papatulan niya ito ay hindi rin naman siya mananalo. Totoo naman ang sinabi nito na hindi nakapagtapos ang anak niya ’di tulad ng anak nito na titulado.

Advertisement

Makalipas ang ilang oras ay malapit nang magsimula ang salo-salo sa bahay ng kanilang lola. Naiinip na nga ang matanda dahil hindi pa sila kumpleto. Hinihintay nito ang paboritong apo sa tuhod na si Inah na nagsabing parating na raw.

Dahil naiinip na sa hindi pa nagsisimulang party ay muling nagparinig si Malen.

“Sino pa ba ang hinihintay? Narito na ang lahat ng mga kamag-anak natin at ang mga apo ni lola, si Inah lang naman ang wala pa, puwede namang magsimula ang party kahit wala pa siya ‘di ba? Naiintindihan ko naman kung hindi makakarating dito ang anak ni Tessie, malamang ay mas mahalaga sa kanya ang kumita ng kakarampot na pera kaysa sa pumunta rito. Ikaw naman kasi, Tessie, sana ay hindi mo na pinapunta rito ang anak mo kung abala sa pagiging alila sa pinapasukang kumpanya. Huwag kang mag-alala, marami namang handa si lola kaya ibalot mo na lang ang anak mo mamaya bago umuwi para makatikim man lang ng masarap na pagkain,” mayabang na sabi ni Malen.

Napapailing na lang ang mga kasama niya sa mga pinagsasasabi niya. Kilala siyang prangka kaya tahimik na lang ang mga ito’t hindi na lang siya pinapansin.

‘Di nagtagal ay dumating na ang hinihintay ng lahat, si Inah. Agad itong nagbigay galang. Nagmano ito at bumeso pa sa kanila at sa lola nilang may kaarawan.

Lihim namang pinagtawanan ni Malen ang pananamit ng pamangkin. Isang lumang bestida lang ang suot nito at naka-tsinelas pa. Sa isip niya ay ito ba ang nagtatabaho sa opisina, mukhang dukha?

“Sorry po at ngayon lang ako nakarating. May mga inasikaso pa po kasi ako sa opisina,” sabi ng dalaga.

Halos mapahagikgik si Malen sa sinabi ni Inah. Hindi talaga siya naniniwala na sa opisina ito nagtatrabaho. Sa bihis pa lang kasi nito ay anyong tsimay pa rin.

Advertisement

Tuwang-tuwa naman si Clara nang muling makita ang pinsan. Ipinakilala rin nito kay Inah ang ka-opisina nito. Sa tagpong iyon ay nakahanap ng pagkakataon si Malen na harap-harapang maliitin ang anak ng pinsan niya.

“O, mabuti naman at dumating ka na, Inah. Masyado kang paimportante. Nakakahiya sa mga tito’t tita mo pati sa lola mo. ‘Di ka gumaya rito sa pinsan mong si Clara na maaga pa lang ay narito na. Kahit kailan talaga ay talo ka nitong si Clara ko sa anumang bagay, kaya naman supervisor na sa pinapasukang kumpanya kahit bago pa lang doon. Nakakahiya rin tuloy dito sa kasama niyang kaibigan na naghintay rin,” nakangiti niyang nilingon ang ka-opisina ng anak pero medyo nagtaka siya dahil tila namutla ito.

“B-bakit, hija?” tanong niya.

“T-tita,” sabi nito, titig na titig kay Inah.

“Siya ang pinsan ni Clara na dating kasambahay na nagtatrabaho na raw sa opisina sa Maynila,” saad pa ni Malen.

Pero nalaglag ang panga ng babae nang marinig ang kasunod na sinabi ng ka-opisina ng anak.

“T-tita, siya po ang sinasabi kong may-ari ng kumpanya na pinagtatrabahuhan namin ni Clara,” tugon ni Debbie.

Nanlaki ang mga mata ni Malen na hindi makapaniwala.

Advertisement

“H-ha… Paanong…”

Napag-alaman niya na ang anak ng pinsan niya ay talagang sinuwerte sa buhay dahil nang sumakabilang buhay ang among pinaglilingkuran nito bilang isang kasambahay ay sa dalaga ipinamana ang mga ari-arian ng among ‘Kano na balo na’t wala nang ibang pamilya. Dahil sa sobrang maalaga at mapagkakatiwalaan si Inah ay dito iniwan ang lahat ng yaman ng amo kasama ang kumpanya kung saan kasalukuyang nagtatrabaho ang anak niyang si Clara. Pinag-aralan nito ang mga pasikut-sikot sa negosyo ng amo hanggang sa natutunan ang lahat ng tungkol sa pamamalakad doon. Ngunit kahit nakakaangat na ay nanatili pa ring mapagkumbaba ang dalaga, kahit sa pananamit ay mas gusto pa rin nitong gumamit ng mga simpleng kasuotan.

Nang malaman ni Inah na nag-apply ng trabaho ang anak niya sa kumpanya ay hindi ito nagdalawang-isip na tanggapin ang pinsan at binigyan ng magandang posisyon dahil matalino at may maganda itong records. Tinulungan ng dalaga ang pinsan dahil malaki ang utang na loob nito sa kanya noong mga panahon na nangangailangan ito at ang inang si Tessie ay palagi niyang pinapautang ng pera.

Labis na napahiya si Malen sa harap ng mga kamag-anak niya lalo na kay Tessie at sa anak nito. Sa lahat ng pinagsasabi niya ay wala na siyang mukhang maiharap kaya nagawa na lamang niyang umalis palayo. Ang dalagang hinamak niya at minaliit ay ang dahilan kung bakit may mataas na posisyon sa trabaho ang kanyang anak. Iba talaga kung maglaro ang kapalaran, kung sino pa ang hindi nakatapos sa pag-aaral ay ito pa ang mas umasenso dahil hindi lang naman talino at galing ang kailangan para magkaroon ng magandang buhay, kabutihang loob ang naging puhunan ni Inah kaya ito naging matagumpay.

Mula noon ay natuto na si Malen, sumumpa siyang hindi na muling magmamaliit at mamamahiya ng kapwa upang hindi na maulit na tumalbog sa sarili niyang mukha ang kahihiyang siya mismo ang may gawa.