Nakapulot ng Lumang Pitaka ang Batang Pulubi; Babaguhin Nito ang Buhay Niya

Nagising ang batang si Miong sa malakas na kalampag ng palanggana sa harap niya.

“Hoy, batugang bata, tumayo ka na riyan! Nasaan ang nalimos mo kahapon? Bakit hindi mo pa iniintrega sa akin?” bulyaw ng tiyahin niyang si Tanya.

Gusto man na bumangon, eh, hindi niya magawa dahil masama ang pakiramdam niya. Kagabi pa masakit ang ulo niya at para siyang lalagnatin. Nakalimutan niya tuloy ibigay sa tiyahin ang mga baryang naipon niya sa maghapong panlilimos.

“Pasensya na po, tiyang, nahihilo po kasi ako’t masama talaga ang aking pakiramdam kaya hindi ko naiabot sa inyo itong mga nalimos ko,” aniya.

Ngunit imbes na maawa ay hinila pa ng babae ang braso niya at pilit siyang pinabangon sa higaan. Mas lalo itong nagalit nang makitang hindi man lang umabot sa trenta pesos ang nalimos niya.

“Ito lang ang kinita mo? Aanhin ko ito? Kulang pa itong pambili ng alak, pwe! Dapat sa iyo ay tinuturuan ng leksyon.”

Kinuha ng babae ang latigo sa kabinet at walang awang hinagupit sa kanya.

“Tama na na po, tiyang! Maawa po kayo! Sige po, babawi ako ngayon,” hiyaw niya na halos mamaluktot sa bawat hampas ng latigo sa mura niyang katawan.

Advertisement

“Talagang kailangan mong makabawi ngayong araw. Dapat ay mapuno mo ng pera ang lalagyan mo kundi ay hindi lang ‘yan ang matitikman mo!” sigaw ni Tanya sa pamangkin na muling iginawad ang huling hampas ng latigo sa likod nito.

Mula nang pumanaw ang mga magulang ni Miong ay inalila na siya at ginawang pulubi ng tiyahin. Siya ang dumidiskarte ng perang panggastos nila sa araw-araw sa pamamagitan ng panlilimos. Wala naman siyang magawa dahil wala na siyang ibang mapupuntahan, tanging ang Tiya Tanya na lamang niya ang natitira niyang kamag-anak. Laking malas lang niya dahil malupit ito, lasengga, sugarol, at tamad ang babae na inaasa lang sa kakarampot niyang limos ang ilalaman nila sa kanilang sikmura. Kadalasan ay napupunta pa sa bisyo nito ang kinikita niya.

Kahit parang mabibiyak ang ulo niya sa sakit at nahihilo’y napilitan siyang gumayak para manlimos. Sumabay pa sa sama ng pakiramdam niya ang hapdi at kirot ng mga natamong latay sa iba’t ibang parte ng katawan niya.

“Saan kaya ako pupuwesto para marami akong makuhang limos?” tanong niya sa sarili habang gegewang-gewang sa paglalakad.

Wala pa ring laman ang tiyan niya at nakakaramdam na siya ng gutom ngunit kailangan niya munang manlimos para makabili man lang ng biskwit.

Habang naglalakad ay ‘di sinasadyang nakapulot siya ng isang lumang pitaka. Nang silipin niya ang laman nito ay bumungad sa kanya ang napakaraming perang papel.

“Wow, ang dami nito!” mangha niyang sabi.

Biglang gumuhit sa kanyang mukha ang malapad na ngiti.

Advertisement

“Hindi ko na kailangang manlimos, sa dami ng perang ito ay tiyak na matutuwa si tiyang. Hindi na siya magagalit sa akin at hindi na niya ako sasaktan!” sigaw niya.

Sa sobrang galak ay napapatingin sa kanya ang mga taong naglalakad sa kalye ngunit wala siyang pakialam, ang mahalaga ay marami na siyang pera. Dali-dali siyang umupo sa isang tabi at lumingon-lingon sa paligid bago muling itinuon ang mga mata sa napulot na pitaka. Binulatlat niya ang lahat ng bulsa niyon, bukod sa pera at ilang nakatiklop na papel ay may nakita siyang litrato ng isang pamilya na may nakasulat pang address sa likod. Dahil nakatuntong naman siya sa elementarya ay marunong siyang sumulat at bumasa kaya inalam niya kung saan ang address na nakasulat.

“S-sila siguro ang may-ari nitong pitaka at ang address na ito, alam ko kung saang lugar ito. Minsan na akong nakarating doon nang ako’y muntik na maligaw sa pamamalimos,” mahina niyang sabi.

Hanggang sa napansin niya na nasa harap na siya ng isang groto. Naroon ang imahen ng Mahal na Birhen. Nakaramdam ng pangongonsensiya ang bata kaya lumapit siya roon at nanalangin.

“Ano po ang gagawin ko sa napulot kong pitaka, Mahal na Birhen? Malaking halaga na po ang laman nito. Hindi ko na po kailangang mamalimos at may maibibigay na ako sa tiyang ko, pero parang mali po ang gagawin ko, eh. Tulungan Niyo po ako,” sambit niya.

Nang may marinig siyang boses ng isang babae.

“Gawin mo ang tama,” anito.

Napalingon siya sa kanyang likuran ngunit wala namang tao sa paligid at tanging siya lang ang naroon. Nanindig ang mga balahibo niya ngunit saglit lang iyon. Muli siyang napatingin sa imahen ng birhen, ‘di niya namalayan na tumutulo na pala ang luha sa mga mata niya. Sa isip niya ay ang Mahal na Birhen ang nagsalita, pinaalalahanan siya Nito na kailangan niyang gawin kung ano ang tama kaya kahit nakakaramdam pa rin ng sakit ng ulo ay nagdesisyon siya na puntahan ang address na nakasulat sa likod ng litrato at isasauli niya ang napulot na pitaka ngunit walang anu-ano’y bigla siyang nahilo at nawalan ng malay.

Advertisement

Nang muling bumalik ang ulirat niya ay nakita ni Miong na nakahiga siya sa kama ng isang ospital.

“B-bakit po ako narito? Anong nangyari sa akin?” tanong niya sa doktor na tumitingin sa kanya.

“Nakita ka ng isang lalaki na walang malay sa kalye, bata. Dinala ka niya rito sa ospital. Wala ka nang dapat ipag-alala, maayos na ang lagay mo. Masyado ka lang napagod sa kung anuman ang ginawa mo kaya ka nagkasakit. Kailangan mo lang na magpahinga, pero napansin ko rin ang mga pasa at latay sa katawan mo. Napaaano ang mga ‘yan?” tanong ng doktor.

Hindi na siya nakasagot dahil napalingon siya sa pintuan nang pumasok sa kuwarto ang may edad na lalaking nagmagandang loob sa kanya. Nanlaki ang mga mata niya nang makilala ito.

“K-kayo po ‘yung nasa litrato, hindi po ako maaaring magkamali,” gulat niyang sabi.

“Kilala mo siya, bata? Siya ang tumulong sa iyo. Narito rin siya sa ospital dahil nakatakdang operahan ang anak niyang babae na may sakit sa puso,” sabad ng doktor.

“T-teka, bakit mo ako kilala, hijo? Nagkita na ba tayo?” tanong ng lalaki.

Kinapa ni Miong ang bulsa sa short niya at inilabas mula roon ang lumang pitaka na napulot kanina.

Advertisement

“Kayo po ba ang may-ari nito?” aniya.

Hindi makapaniwala ang lalaki nang makita na hawak niya ang pitaka.

“Oo, akin ang pitakang ‘yan. P-paanong napunta ‘yan sa iyo?”

“Napulot ko po habang naglalakad ako. Patawarin niyo po ako, natukso akong kunin ang pera sa loob ngunit nang makita ko ang litrato ng inyong pamilya at nang paalalahanan ako ng Mahal na Birhen ay nakunsensiya po ako. Balak ko pong isauli ‘yan sa address na nakasulat sa likod ng litrato kaso po’y nawalan na raw ako ng malay,” paliwanag niya.

Hindi man maunawaan ng lalaking nagpakilalang si Domeng ang mga sinabi niya ay laking tuwa nito nang maibalik ang pitaka.

“Diyos ko! Hulog ka ng langit sa amin!” wika ng lalaki na ‘di napigilang yumakap sa kanya.

“A-ano pong ibig niyong sabihin?” naguguluhang tanong ni Miong.

“Bukod sa pera na pambili ng mga gamot ng anak ko ay may nakalagay pa sa loob ng pitakang ‘yan na malaking biyaya,” tugon ng may edad na lalaki.

Advertisement

Binulatlat nito ang pitaka at kinuha ang nasa loob ng pinakahuling bulsa niyon. Tumambad sa kanila ang nakatiklop na tseke na may malaking halaga ng pera na hindi niya napansin nang hawak niya ang pitaka.

“Ang tsekeng ito ay donasyon ng isang institusyong tumulong sa aking anak. Ang halagang ito ay para sa operasyon ni Mimi. ‘Di sinasadyang nahulog ang aking pitaka sa pagbaba ko sa dyip. Nasa malayo na ako nang malaman kong wala na ito sa bulsa ko kaya binalikan ko kung saan ito nawala. Akala ko’y hindi na maibabalik ito sa akin, mabuti na lang at ikaw ang nakakuha. Maraming salamat, hijo. Binigyan mo ng pag-asang mabuhay ang anak ko. Matutuloy na ang operasyon niya,” mangiyak-ngiyak na sambit ng lalaki.

Naiyak na rin si Miong sa tinuran ng kausap.

“Huwag po kayong magpasalamat sa akin, sa Mahal na Birhen po kayo magpasalamat,” sagot niya.

Naisagawa at naging matagumpay ang operasyon sa anak ni Domeng. Bilang ganti kay Miong ay napagkasunduan ng lalaki at ng asawa nitong si Lina na kupkupin siya at ituring na tunay na anak. Napag-alaman din kasi ng mga ito na minamaltr*to siya at hinahayaang manlimos sa kalye ng kanyang tiyahin kaya gumawa ng paraan ang mag-asawa na legal siyang ampunin. Tuwang-tuwa rin ang batang si Mimi dahil may kapatid na ito sa katauhan ni Miong.

Masayang-masaya si Miong dahil hindi na siya malulungkot, mayroon na siya uli na matatawag na tatay, nanay, at kapatid. May matatawag na siya uli na pamilya. Muli niyang binalikan ang groto ng Mahal na Birhen. Inalayan niya ito ng mga bulaklak, taimtim na nanalangin at nagpasalamat sa malaking biyayang ipinagkaloob sa kanya.