
Nagalit ang Binata sa Kaniyang Ama dahil Hindi Nito Nagawang Kalimutan ang Dating Nobya; Magugulat Siya sa Totoong Dahilan Nito
Hatinggabi na nang maalimpungatan si Keneth mula sa kaniyang pagkakahimbing, nang makarinig siya ng impit na mga pag-iyak sa labas ng kaniyang kwarto. Dahil doon ay nagpasiya siyang lumabas upang silipin kung ano iyon at ganoon na lang ang gulat niya nang makita niya ang kaniyang ina.
Hawak nito ang isang litrato ng babae habang umiiyak. Dinig na dinig niya ang paghihinagpis sa tinig nito, kaya naman minabuti niyang lapitan ang ina.
“Mama, sino ba siya at taon-taon ko na lang nakikitang iniiyakan n’yo ang litrato niya?” takang tanong ni Keneth sa ina habang bakas pa rin ang pag-aalala sa kaniyang mukha. Nagtataka na kasi siya kung bakit sa tuwing sasapit ang alas-onse y media ng Agosto abente-sais, taon-taon ay nagigising na lang siya sa iyak ng kaniyang ina habang hawak nito ang litratong iyon. Ang kaniya namang ama ay palaging lasing tuwing sasapit ang araw na ito at hindi nagtatabi sa kwarto ang kaniyang mga magulang tuwing sasapit ang araw na iyon.
“Anak, siya si Minerva. Siya ang unang babaeng minahal ng iyong ama,” sabi nito bago muling humagulhol nang iyak.
Naikuyom tuloy ni Keneth ang sariling kamao dahil doon. Kaya pala laging umiiyak ang kaniyang ina ay dahil hindi pa rin nakakalimutan ng kaniyang ama ang dati nitong nobya! Mayroong namuong galit sa puso ni Keneth laban sa ama, dahil doon, pati na rin sa babaeng nasa litrato.
Kinabukasan, nang magpunta sa palengke ang kaniyang ina ay minabuti niyang komprontahin ang kaniyang ama…
“Bakit lagi mo na lang pinaiiyak ang mama?” galit na tanong niya rito na agad naman nitong ipinagtaka. “Huwag ka nang magmaang-maangan pa dahil kilala ko na kung sino ang babaeng nasa litrato na laging iniiyakan ni mama!”
Nang marinig iyon ay parang naliwanagan ang kaniyang ama. “Anak, magpapaliwanag ako,” sabi nito ngunit tanging galit na singhal lamang ang isinagot niya.
“Bakit pa? Alam mo, papa, simula bata ako lagi ko na lang nakikitang iniiyakan ni mama ang babaeng ’yon, at ni minsan ay hindi mo siya nagawang damayan dahil palagi ka ring lasing sa tuwing sasapit ang araw na iyon! Bakit? Hanggang ngayon ba, mahal mo pa rin siya?! Nasasaktan mo si mama!” aniya pa na nagpupuyos sa galit.
“Anak, pasensiya ka na. Tama ka. Kahit kailan ay hindi ko nakalimutan ang babaeng ’yon,” napapayukong anang kaniyang ama. “Ngunit nagkakamali ka kung inaakala mong iyon ang dahilan kung bakit iniiyakan siya ng mama mo,” sagot pa nito na ipinagtaka ni Keneth ngunit minabuti niyang hayaan na lang na magpatuloy ang kaniyang ama.
“Agosto abente-sais, alas onse y media ng gabi—iyon ang eksaktong sandali na iniwan ako ng babaeng pinakamamahal ko, dahil sa isang aksidente. Siya si Minerva, ang nasira kong asawa, na siyang best friend naman ng mama mo. Isang taong gulang ka pa lang noon, anak. Walang kamuwang-muwang. Wala kang kaalam-alam sa totoong nangyayari, ngunit pinuno mo ng pag-iyak ang paligid na para bang alam mong iniwan na tayo… ng tunay mong ina.”
Nanlaki ang mga mata ni Keneth sa narinig at halos manginig ang kaniyang tuhod. Ang kaniyang ama naman ay umiiyak na ngayon habang nagkukuwento.
“Bago mawala ang tunay mong ina ay ibinilin niya sa amin na alagaan ka. Ibinilin niya sa akin na sana raw ay wala akong ibang mahaling babae kundi ang kaniyang best friend na si Shauna—na siyang kinalakhan mong ina. Gusto niya kasing ito ang mag-alaga sa ’yo dahil halos magkapatid na ang turingan nila lalo na at pareho silang nag-iisang anak. Ayaw kasi ng tunay mong ina na lumaki kang walang kagigisnang ilaw ng tahanan kaya naman nagpasiya kaming magsama kahit walang pagmamahal na namamagitan sa aming dalawa,” paliwanag pa nito na siya namang nagpamaang kay Keneth.
Halos hindi siya makapagsalita. Hindi niya alam ang kaniyang sasabihin, hanggang sa mapansin niyang naroon na pala ang kaniyang Mama Shauna at kanina pa nakikinig sa kanila. Umiiyak na rin ito nang lapitan siya.
“Anak, ikaw ang naging sentro ng buhay namin ng papa mo at ikaw din ang dahilan kung bakit napamahal kami sa isa’t isa kalaunan. Iyon nga lang, napagpasiyahan naming dalawa na palagi pa ring alalahanin si Minerva, kahit kasama na sa bilin nito ang kalimutan siya upang hindi ka makaramdam ng pagkukulang sa sarili mo. Mahal na mahal ka niya, anak, na kahit hanggang sa huling hininga niya ay kapakanan mo pa rin ang iniisip niya,” paliwanag pa ng kaniyang mama na siyang nagpaliwanag sa isip ni Keneth.
Pakiramdam niya ay damang-dama niya ang pagmamahal ng kaniyang mama. Ngayon ay pinagsisisihan niyang nagalit siya nang basta-basta rito at sa kaniyang ama.
Simula noon, palagi nang nagdadasal si Keneth upang sa paraang iyon ay maiparating niya ang pasasalamat sa tunay na ina. Lalo rin siyang naging malapit sa kaniyang mga magulang dahil doon at ngayon ay masaya silang patuloy na namumuhay nang sama-sama at puno ng pagmamahal.