Dahil sa Kakulitan ng Anak ay Nahiling Niyang Sana ay Mawala na lang Ito; Taranta Siya nang Bigla na lang Itong Magkatotoo

Dahil sa Kakulitan ng Anak ay Nahiling Niyang Sana ay Mawala na lang Ito; Taranta Siya nang Bigla na lang Itong Magkatotoo

MiracleMysteryStories

“Ano na naman ’yang ginawa mo, Ryan?!” galit na bulalas ni Hanilyn sa kaniyang apat na taong gulang na anak nang mamataan niyang nagkalat ang mga bago nitong laruan sa sahig gayong kalilinis lang niya ng bahay. Napasabunot pa siya sa sariling buhok dahil sa galit.

Pagod na pagod na siya ngayong araw dahil sa pag-aasikaso sa kaniyang anak, ngunit tila ba nananadya ito. Wala itong ginawa kundi maglaro at magkalat, samantalang siya ay halos hindi na magkandaugaga!

Disinueve anyos pa lamang si Hanilyn ngunit mayroon na siyang apat na taong gulang na anak dahil maaga siyang nabuntis. Sa edad na kinse anyos noon ay namulat na agad siya sa maagang pagkakaroon ng responsibilidad dahil na rin sa pagiging suwail niya sa kaniyang mga magulang. Tuloy, ngayon ay naghihirap siya sa pag-aalaga ng kaniyang anak na napakakulit. Hindi na nga niya alam kung papaano hahatiin ang oras niya sa pag-o-online selling dahil wala namang ibang tumutulong sa gastusin nila ng kaniyang anak. Hindi rin kasi siya pinanagutan ng ama ng bata, bagkus ay tinakasan pa siya nito at ngayon ay hindi na niya alam kung saang lupalop ng mundo ito hahagilapin. Ang kaniyang mga magulang naman ay hirap din sa buhay dahil mayroon pa siyang maliliit na kapatid na pinagtatapos nila sa pag-aaral.

“Mama, sorry po,” matatas namang sabi ng kaniyang anak nang makitang nagagalit na siya. Nangingilid na agad ang luha sa mga mata nito ngunit wala sa isip ni Hanilyn ngayon na maawa sa bata.

“Anong sorry? Kalat ka kasi nang kalat! Wala ka nang ginawa kundi pahirapan ang buhay ko! Pahirap ka sa buhay ko! Bwisit ka!” singhal niya rito bago siya yumukod at isa-isang iniligpit ang mga nakakalat na laruan. “Alam mo, sana hindi ka na lang nabuo, e. Sana, wala ka na lang sa buhay ko! Masaya siguro ako ngayon!”

Tumahimik ang bata. Sadya kasing matalino ito kaya naman kahit sa murang edad ay naiintindihan na nito ang sinasabi ng kaniyang ina. Tumulo ang luha nito ngunit mas minabuti ng bata na huwag gumawa ng ingay upang hindi na magalit ang kaniyang mama.

Simula noon, kataka-takang naging matamlay si Ryan. Naging tahimik ito at palaging tulala sa isang tabi. Nagtataka rin si Hanilyn sa ikinikilos ng anak ngunit dahil abala siya sa pagtatrabaho ay hindi niya agad iyon nabigyang pansin.

Lingid sa kaniyang kaalaman, may iniinda na palang sakit si Ryan. Hindi nga lang sinasabi ng bata sa kaniya ang tungkol doon dahil sa takot na baka muli niya itong pagalitan.

Ngunit isang araw, habang kumakain ng hapunan ang mag-ina, halos mapasigaw si Hanilyn sa pagkagulat nang bigla na lang natumba si Ryan sa kaniyang harapan! Nawalan ito ng malay kaya naman taranta siyang nagsisigaw upang humingi ng tulong!

Mabilis niyang nadala si Ryan sa ospital sa tulong ng kaniyang mga kapitbahay, ngunit matapos itong suriin ng doktor ay isang masamang balita ang inihatid nito sa kaniya.

“Misis, sa totoo lang po ay wala kaming makitang diperensya sa inyong anak. Hindi ho namin alam kung bakit, ngunit parang ang bata na mismo ang sumusuko sa kaniyang sarili. Parang kagustuhan mismo nito na hindi na siya magising,” misteryosong anang doktor kay Hanilyn.

Dahil doon ay bigla niyang naalala ang mga huling salitang binitiwan niya sa anak bago ito nag-umpisang maging matamlay. Nahiling niya nga palang sana ay mawala na ito, at ngayon ay tila tinutupad ito ng bata upang siya ay maging masaya!

Binalot ng takot ang puso ni Hanilyn. Hindi naman kasi talaga niya sinasadyang sabihin ang mga bagay na iyon dahil dala lamang iyon ng pagod! Napahagulhol siya sa sobrang pighati, lalo na at alam niyang kasalanan niya ang nangyayari ngayon sa kaniyang anak!

“Anak ko, patawarin mo si mama. Hindi ko sinasadya ang mga sinabi ko. Hindi iyon ang totoong nasa puso ko! Anak, bumalik ka na kay mama, please!”

Matapos niyang sabihin ang mga bagay na iyon ay himalang bigla na lang nagmulat ang mga mata ni Ryan! Nang makita siya nito ay ganoon na lang ang sabik nitong yakapin siya na mabilis naman niyang tinugon.

“Sorry, anak. Huwag mo na ulit akong iiwan, ha? Hindi kakayanin ni mama na mawala ka. Pangako, hindi na ulit kita pagsasalitaan nang masakit, sorry!”

Ngayon ay napagtanto ni Hanilyn kung gaano kabigat ang kapangyarihan ng mga salita. Kaya naman ipinangako niya sa sarili na simula ngayon ay mag-iisip muna siyang mabuti bago niya ibuka ang kaniyang bibig.

More Stories