Inday TrendingInday Trending
Sa Pagnanais na Magustuhan ng Binata ay Pilit Siyang Nagpapayat; Isang Pangyayari ang Magpapamulat sa Kaniya sa Katotohanan

Sa Pagnanais na Magustuhan ng Binata ay Pilit Siyang Nagpapayat; Isang Pangyayari ang Magpapamulat sa Kaniya sa Katotohanan

“Please, Jonathan, tanggapin mo na,” pakiusap ni Lanie sa kaniyang hinahangaang binata habang iniaabot dito ang regalong pinag-ipunan niya talaga para sa kaarawan nito.

Napuno naman ng tawanan mula sa mga kabarkada nito ang paligid. Sangkatutak din ang inabot nitong kantiyaw.

“Uy, pare! Tanggapin mo na raw ang regalo ni Tabatina!” humagalakhak pang pang-aalaska ng isa sa kanila kay Jonathan.

Dahil doon ay binalingan siya ng binata. Masama ang tinging ipinukol nito sa kaniya. Naiinis ito sapagkat dahil sa kaniya ay naging tampulan ito ng tukso ngayon.

“P’wede ba, Lanie? Una pa lang, sinabi ko na sa ’yo na ayaw ko sa ’yo! Hindi kita magugustuhan, dahil ang tipo ko sa babae, ’yong magaganda, ’yong sexy! Hindi katulad mo na bukod sa napakataba na ay napakapangit pa!” singhal nito sa kaniya na agad namang nakapaghatid ng kirot sa puso ni Lanie. Umiiyak siyang umalis sa harapan ng mga ito nang nakayuko.

Ganoon pa man, sa isip ni Lanie ay walang kasalanan sa kaniya si Jonathan. Bagkus ay sinisisi niya ang kaniyang sarili kung bakit ba ipinanganak siyang mataba at pangit ang hitsura! Napakaguwapo nga naman kasi talaga ni Jonathan kaya naman hindi talaga magandang tingnan kung ang babaeng magugustuhan nito ay isang kagaya niya lang.

Malungkot na tiningnan ni Lanie ang sariling repleksyon sa kaharap na salamin at muli siyang nalungkot dahil kahit siya mismo ay hindi nagustuhan ang kaniyang nakita. Dahil doon ay isang ideya ang biglang pumasok sa kaniyang isip…

“Simula ngayon, magpapapayat na ako!” determinadong ani Lanie sa kaniyang sarili.

Nang gabi ring iyon ay napagpasiyahan niyang huwag nang kumain ng hapunan. Bagkus ay itinapon din niya ang lahat ng sitsiryang nakatago sa kaniyang cabinet na madalas ay kinakain niya sa gabi, bago matulog. Talagang pinanindigan ni Lanie ang kaniyang pagpapayat nang sa ganoon ay makamit niya ang ‘requirements’ ni Jonathan pagdating sa babae.

Makalipas lang ang dalawang linggo ay agad niyang nakita ang resulta. Bahagyang nabawasan ang kaniyang timbang, ngunit sa palagay ni Lanie ay kulang pa ng ginagawa niya. Dahil doon ay nagpasya siyang bawasan pang lalo ang kaniyang pagkain. Bukod doon ay nagpa-member din siya sa isang gym.

Halos araw-araw ay dumadalaw si Lanie sa nasabing gym na walang laman ang tiyan kundi tubig. Talagang ayaw na niyang kumain upang mabilis na mabawasan ang kaniyang timbang. Ipinagpatuloy ni Lanie ang ganoon niyang buhay nang hindi iniiisip kung ano ang masamang epektong maaari niyang makuha sa ginagawa niyang ito. Ang alam niya lang ay kailangan niyang pumayat upang magustuhan siya ng binatang hinahangaan.

Ngunit hindi pa man niya tuluyang nakakamit ang kaniyang gusto ay tila bumawi na agad sa kaniya ang kapalaran, dahil sa ginagawa niyang pang-aabuso sa kaniyang katawan…

Isang araw, habang nasa gym si Lanie para sa kaniyang daily training ay bigla na lang siyang nakaramdam ng hilo. Agad namang napansin ng kaniyang instructor na namumutla siya.

“Ayos ka lang ba, Lanie?” tanong nito, ngunit hindi na niya iyon nagawang sagutin pa dahil unti-unti nang nandilim ang kaniyang paningin. Bigla siyang nawalan ng malay at bumagsak sa sahig!

Nagising na lamang si Lanie sa ospital. Namulatan niya ang kaniyang inang halata ang pag-aalala sa mukha.

“Ayos ka lang ba, anak? Ano ang nararamdaman mo? May masakit ba sa ’yo?” tanong nito na nangingilid ang luha sa mata. Nagtaka naman si Lanie dahil doon.

“Mama, ang OA n’yo naman po. Nahilo lang naman ako, hindi ba?” tanong naman niya rito.

Ilang segundong hindi sumagot ang kaniyang ina. Bumuntong-hininga muna ito bago muling nagsalita. “Anak, tatlong araw ka na rito sa ospital. Ang sabi ng doktor, nagkaroon ka raw ng malalang sakit sa bituka dahil sa halos araw-araw mong pagtitiis ng gutom… anak, muntik ka nang mapahamak dahil sa ginagawa mong pagpapapayat!” bulalas pa nito na agad namang ikinagulat ni Lanie.

Nanlaki ang kaniyang mga mata. Hindi niya akalaing ganito ang kahihinatnan ng labis niyang pagpaparusa sa sarili dahil lang hindi siya nagustuhan ng lalaking hinahangaan niya!

Bigla siyang natakot na baka may mas malala pang mangyari sa kaniya, kaya naman noon din mismo ay ipinangako niyang ibabalik niya ang respeto at pagmamahal niya sa kaniyang sarili. Napagtanto niyang hindi pala nararapat sa kaniya ang lalaking katulad ni Jonathan na sa panlabas na anyo lamang tumitingin.

Ipinagpatuloy ni Lanie ang kaniyang pagpapapayat, ngunit sa pagkakataong ito ay ginawa na niya iyon nang tama. Ngayon, isa na siya sa pinakamagandang dilag sa kanilang eskuwelahan. Ganoon pa man ay minabuti na lamang ni Lanie na pagtuunan ng pansin ang kaniyang pag-aaral sa ngayon at mahalin ang kaniyang sarili.

Advertisement