Inday TrendingInday Trending
Naghirap ang Ginang nang Masawi sa Giyera ang Asawang Sundalo; Ang Pagiging Bayani Nito ang Gagawa ng Paraan para Sila ay Makaangat sa Buhay

Naghirap ang Ginang nang Masawi sa Giyera ang Asawang Sundalo; Ang Pagiging Bayani Nito ang Gagawa ng Paraan para Sila ay Makaangat sa Buhay

“Greg, kakauwi mo lang ah. Aalis ka na naman?” sambit ni Loyda sa nag-eempakeng asawa.

“Mahal, pasensiya na pero kailangan. Lumalakas daw ang puwersa ng mga rebelde kaya kailangan pa ng ilang tropa doon,” sambit naman ng mister.

“Greg, naman! Napakatagal kang hinintay ng mga bata para makasama ka. Sa isang araw ay unang kaarawan na ni bunso. Ngayon mo nga lang siya makakasama tapos ay aalis ka na naman. Hindi ka ba p’wedeng tumanggi? Paano naman kaming pamilya mo?” saad muli ng ginang.

“Loyda, heto na naman ba tayo? Simula noon, alam mo naman na isa akong sundalo at ito ang trabaho ko. Kaya ko nga ito ginagawa upang may mas magandang kinabukasan para sa mga anak natin. Isa pa, kailangan kong lumaban dahil gusto ko ring ipagmalaki ako ng mga anak natin,” paliwanag pa ni Greg.

“Aanhin namin ang dignidad na iyan kung hindi ka naman namin makakasama, Greg? Ayos lang naman sa amin kahit maghirap tayo sa bukid, basta huwag ka na lang sumabak sa gyera. Napakahirap na laging maiwan dito sa mga anak natin at iniisip ko kung ano na ba ang nangyari sa iyo. Kung buhay ka pa ba? Tatawag ka pa kaya? Greg, kung mahal mo talaga kami ay huwag ka nang umalis. Dito ka na lang!” pagtangis pa ni Loyda.

Ngunit ayaw nang magpapigil pa ng ginoo. Kailangan niyang sumunod sa utos sa kaniya at kailangan niyang gampanan ang kaniyang mga tungkulin sa bayan.

“Babalik ako, Loyda. Pangako ko ‘yan sa inyo. Huling laban ko na ito at mananatili na ako sa piling n’yo. Ihalik mo na lang ako kay bunso sa kaniyang kaarawan. Mahal na mahal ko kayo. Hintayin ninyo ang pagbabalik ko,” pamamaalam ni Greg.

Masakit man kay Loyda ay wala rin siyang magawa dahil batid niyang mahal ni Greg ang kaniyang trabaho. Pangarap kasi talaga nito ang maging isang sundalo.

Lumipas ang mga araw at hindi pa rin tumatawag itong si Greg. Dapat ay sanay na nga si Loyda dahil madalas naman itong ipadala sa gyera pero palagi pa rin ang pangangamba niyang baka hindi na makauwi ang asawa.

Lumipas na ang kaarawan ng kanilang bunso ngunit hindi pa rin mapakali ang ginang. Hintay siya nang hintay sa tawag o text ng kaniyang asawa. Halos isang linggo ang lumipas nang makatanggap ng tawag itong si Loyda.

“Greg, bakit ngayon ka lang tumawag?! Hindi ba sabi ko sa’yo na ipaalam mo kaagad sa akin kung nasaan ka na?! Kumusta ka na ba diyan? Ano na ba ang lagay diyan sa kinaroroonan mo?” patuloy sa pagsasalita si Loyda.

Ngunit hindi ang tinig ng kaniyang asawa ang narinig niya sa kabilang linya.

“Ikinalulungkot po naming ipaalam sa inyo, ginang, na wala na po ang asawa ninyo. Nasawi po siya sa engkwentro. Pasensiya na po. Nakikiramay kami,” saad ng lalaki.

Hindi na nakatugon pa si Loyda at patuloy na lang ang pagbagsak ng kaniyang mga luha. Napaluhod siya sa labis na kalungkutan. Isa-isa niyang nilapitan ang kaniyang mga anak at niyakap niya ang mga ito nang mahigpit.

“Mga anak ko!” hinagpis ng isang inang hindi alam kung paano ipapaalam sa kaniyang mga anak ang totoong nangyari sa kanilang ama.

Araw-araw na gumigising si Loyda at nananalangin na sana ay panaginip lamang ang lahat. Ngunit nang makita na niya ang asawa sa kabaong ay para rin siyang malalagutan ng hininga.

“Mahal, ang sabi mo sabi mo sa akin ay uuwi ka at magkakasama pa tayo? Bakit ganito? Bakit wala ka nang buhay?! Greg! Bakit mo kami iniwan kaagad?!” hagulgol ng ginang.

Dahil sa wala na ang haligi ng tahanan ay kailangan ni Loyda na magbanat ng buto para maitaguyod niya ang mga anak. Namasukan bilang magsasaka si Loyda. Kinakaya ang bigat ng trabaho para lang may maipakain sa kanilang tatlong anak.

Dahil hindi man lang nagkakasya ang kaniyang sahod ay kailangan ding tumigil ng kaniyang mga anak sa pag-aaral. Minsan ay naaalala pa rin niya si Greg.

“Ano kaya ang lagay ng buhay ng mga anak natin kung narito ka pa, Greg? Kakayanin ko ang hirap basta kasama ka, mahal. Tulungan mo ako na mailagay sa ayos ang mga anak natin,” umiiyak na sambit ni Loyda habang nananalangin.

Masakit para kay Loyda na hindi maibigay ang lahat ng pangangailangan ng mga anak. Naging dahilan ang sunud-sunod na pagsubok para pasukin niya ang kung anu-anong trabaho. Kapag wala siya sa taniman ay umeekstra siya bilang labandera o manikurista. Minsan ay tagabantay ng tindahan. Lahat ay gagawin niya upang may malamnan lang sa tiyan ng mga bata.

Hanggang sa isang araw ay natuklasan ni Loyda na may karamdaman pala ang kaniyang bunsong anak. Halos mabaliw na ang ginang dahil hindi niya alam kung ano ang kaniyang gagawin. Nawalan na nga siya ng asawa, baka mawalan pa siya ng anak.

“Saang kamay ng Diyos ako kukuha ng pera para maipagamot ko ang anak ko? Greg! Nasaan ka ba? Tulungan mo ako! Tulungan mo ang anak natin na lumaban! Diyos ko! Kinuha Mo na ang ang asawa ko tapos ay kukunin Mo pa rin ang anak ko?! Kailangan ba matatapos ang paghihirap na ito?” hindi na napigilan pa ni Loyda na magwala.

Kinabukasan ay kinausap si Loyda ng mga doktor.

“Dok, gusto kong mabuhay ang anak ko pero wala akong kakayahan na magkaroon ng malaking pera,” wika ni Loyda.

“Ginang, hindi mo na kailangan pang mamroblema. May isang ginoo ang lumapit sa amin at nais ka raw tulungan. Siya na raw ang sasagot ng lahat ng gagastusin sa operasyon ng anak mo hanggang sa gumaling siya. Kailangan na lang naming malaman kung nais mo nang ituloy ang operasyon,” saad ng doktor.

Hindi makapaniwala si Loyda. Tila dininig ng langit ang kaniyang mga dalangin.

“S-sino ang lalaking nais na tumulong sa amin? Maaari ba namin siyang makilala upang makapagpasalamat man lang?” wika pa ng ginang.

Isang lalaki ang lumapit sa kanila.

“Ako si General Lapid. Ako ang namumuno sa grupo ng iyong asawa. Ikinalulungkot ko ang nangyari sa kaniya, ngunit nais ko lang ring malaman mo nasawi siyang isang bayani. Ibinigay niya ang kaniyang buhay upang iligtas ako. Para sa kaniya ay kailangan ng isang mamumuno upang mapagtagumpayan namin ang laban. At iyon nga ang nangyari. Maraming salamat kay Greg at marami kaming nailigtas niya. Bilang ganti ay nakapangako ako sa asawa mo na hinding hindi ko kayo pababayaan ng mga anak ninyo. Ako na ang bahala sa pagpapagamot ng bunso mo. Babalik sa pag-aaral ang dalawa mong anak at bibigyan ko kayo ng maayos na tirahan at kabuhayan. Sa maliit na paraan man lang na ito ay maramdaman ni Greg na hindi nasayang ang kaniyang sakripisyo,” saad pa ng heneral.

Napaluhod sa iyak si Loyda sa lahat ng sinabi ng heneral. Wala man ang asawa ay tila nagbigay liwanag ang heneral sa madilim nilang sinasapit.

“Habang buhay kong ikakalungkot ang pagkawala ng asawa ko. Pero hanggang sa huli ay natupad pa rin ang kaniyang pangarap. Mas masaya nga lamang sana kung nangyari ito at narito rin niya. Ngunit maraming salamat na rin sa Panginoon dahil ipinahiram siya sa akin at nabigyan niya ako ng mga anak na makakasama ko nang matagal,” pagtangis ni Loyda.

Mula nang araw na iyon ay nagbago na ang takbo ng buhay ng mag-iina. Wala man ang kanilang haligi ay habambuhay naman itong mananatili sa kanilang mga puso.

Advertisement