Walang Hanggang Pang-Aalipusta ang Ginawa ng Dalaga sa Kaklaseng Anak ng Isang Guwardiya; Babaliktad ang Kanilang Kapalaran

Tipikal na araw na naman ito para kay Lilia, isang dalaga na nasa ikatlong taon ng hayskul. Sa araw-araw kasi ng pagpasok niya sa paaralan ay nasanay na siya na palagi siyang kinukutya ng kaklaseng si Almira. May kaya kasi ito at lubos na nakakaangat sa buhay kaysa sa kaniya na anak ng isang security guard. 

Pagpasok pa lang niya sa silid-aralan ay nakaabang na sa kaniya si Almira. 

“Ano na naman ang sasabihin mo sa akin, Almira? Luma ang bag ko? Maraming matsa ang uniporme ko? Nakanganga na ang sapatos ko at wala nang goma ang medyas ko? P’wede bang iba naman?! Nagsasawa na kasi ako sa mga sinasabi mo! Kahit na ganito ako ay wala ka pa rin namang laban sa akin kung patalinuhan lang ang labanan!” hindi na naiwasan ni Lilia ang pumalag.

Bahagyang napahiya si Almira sa sinabing ito ng kaklase.

“Oo nga, matalino ka nga pero hanggang saan kaya aabot ang talino mo, Lilia? Alam naman nating kapag nagkolehiyo na ay pera na ang labanan. Sigurado ka bang makakapagkolehiyo ka? Ang mabuti pa, ngayon pa lang ay magbanat ka na ng buto kasi hindi kailanman magagawa ng tatay mong sekyu ang mapaaral ka. Lamunin mo ang katotohanan na ‘yan!” pangangantiyaw naman ni Almira.

“Hindi ko alam kung bakit ang init init ng dugo mo sa akin! Wala naman akong ginagawa sa iyo. Saka marangal ang trabaho ng tatay ko. Hindi man niya ako mapaaral ay ayos lang sa akin dahil alam kong ginagawa niya ang lahat para mabuhay ako! Kaya huwag mo siyang dinadamay rito!” sambit naman ni Lilia. 

Kahit na ipinakita ni Lilia na hindi na siya kaya pang salagin nitong si Almira ay hindi pa rin niya maiwasan ang maiyak. Alam kasi niya ang katotohanan na maaaring hindi siya makapagkolehiyo dahil sa estado nila sa buhay. 

May edad na rin kasi ang ama ni Lilia na si Mang Ambo. Nabaon sila sa pagkakautang nang pilit na ipagamot ng ama ang ina ni Lilia na may malubhang karamdaman. Ngunit nauwi lang din ito sa wala dahil tuluyan nang kinuha ng Panginoon ang ilaw ng tahanan.

Advertisement

Hanggang ngayon ay nagbabayad pa rin ng pagkakautang itong si Mang Ambo. Kulang na kulang ang sinasahod nito para sa araw-araw nilang gastusin.

Pag-uwi sa bahay, nahihiya man ay kinausap ni Lilia ang amang si Mang Ambo.

“‘Tay, sa tingin n’yo po ba ay matutupad ko pa ang mga pangarap ko?” tanong ng dalaga sa ama.

“Oo naman, Lilia! Ano bang sinasabi mo riyan?” tugon naman ni Mang Ambo. 

“Sa tingin n’yo po ba ay makakapagkolehiyo pa ako? Kasi sa totoo lang nais ko na ring magtrabaho para matulungan ko kayo. Alam ko kasing hirap na hirap na rin kayo sa buhay natin, ‘tay!” naluluhang sambit muli ni Lilia.

“Anak, huwag kang mag-alala sa akin. Ako ang tatay mo at responsibilidad ko ang pagbibigay sa iyo ng magandang buhay. Kahit na ikasawi ko pa ay gagawin ko ang lahat mapagtapos ka lang ng pag-aaral,” saad pa ng ama.

Batid ni Lilia na tunay na hindi siya pababayaan ni Mang Ambo ngunit kailangan din niyang kumilos upang makatulong. Ipinangako niya sa kaniyang sarili na mag-aaral siya nang mas maigi.

Nang sumunod na taon ay lalong pinagbutihan ni Lilia ang pag-aaral. Kailangan niya ito upang makakuha siya ng iskolarsyip. Malaking tulong kasi ito para siguradong makapagkolehiyo siya. 

Advertisement

Isang araw ay nagsasagot si Lilia para sa pagpasok sa kolehiyo, Nakita siya ng kaklaseng si Almira.

“Talagang nangangarap ka pang makapagkolehiyo at mataas din ang pangarap mo, a, talagang sa isang prestihiyosong unibersidad pa! Kaya ka bang pag-aralin diyan ng tatay mo? Kung ako sa iyo, Lilia, sundan mo na lang ang yakap ng tatay mo nang sa gayon ay ipagmalaki ka rin niya! O siya, kita na lang tayo sa ibang pagkakataon. Baka mamaya ikaw na ang sekyu sa papasukan kong unibersidad!” natatawang wika ni Almira.

Hindi na lang niya pinatulan ang hambog na kaklase. Sa katunayan ay lalo siyang nagpursige sa pag-aaral. 

Lumipas ang ilang taon at malaki na ang pagbabago sa buhay ng dalawa. Tuwang-tuwa itong si Almira dahil nakapagtapos siya sa isang pribadong unibersidad. Lagi niyang ipinagmamalaki kung saan siya nagtapos ng pag-aaral.

“Madali lang sa akin ang matanggap sa trabaho. Baka nga hindi ko na kailangan pang maghanap ng trabaho at ang mga kompanya na ang mag-alok sa akin,” pagmamayabang ng dalaga.

Habang nasa isang cafe ay hindi niya sinasadyang nakita si Almira. Nakita niyang papasok ito sa isang mataas na gusali kung saan din ang kaniyang nakatakdang interbyu.

“At talagang magku-krus ang landas namin. Gusto kong makapasok sa kompanyang iyan para utos-utusan ko lang siya. Ngayon ay makikita na niya kung sino ang talagang nakakaangat sa amin. Walang sinabi ang talino niya!” wika ni Almira sa sarili.

Agad na nagtungo si Almira sa gusali upang magpaunlak ng interbyu. Sa harap ng gusali ay naroon ang may edad nang ama ni Lilia. Bago pumasok ay hinarang ng ginoo ang dalaga upang inspeksyunin.

Advertisement

“Sandali lang po, ma’am, mayroon po ba kayong appointment? Maaari ko po bang makita pati po ang ID n’yo?” saad ni Mang Ambo.

“May interbyu ako sa gusaling ito kaya paraanin mo ako!” sagot naman ni Almira.

“Ngunit hindi po talaga kayo p’wedeng pumasok, miss, kung wala kayong maipakitang iskedyul at ID,” wika ni Mang Ambo.

Inis na inis itong si Almira lalo na at alam niyang tatay ito ng matagal na niyang karibal.

“Pero pinapasok mo ang anak mo?! Tandaan mo ito, Mang Ambo, kapag ako natanggap dito ay ikaw ang unang-una kong ipapatanggal! Hindi mo ginagawa nang maayos ang trabaho mo!” bulyaw ni Almira sa guwardiya.

Pilit na pinapahinahon ni Mang Ambo itong si Almira ngunit ayaw pa rin nitong tumigil.

Hanggang sa nagkagulo na ang lahat.

Ilang sandali pa ay nariyan na si Lilia.

Advertisement

“A-ano’ng nangyayari po rito, ‘tay?” tanong ni Lilia na humahangos pa.

Nagulat siya nang makita ang dating kaklaseng si Almira.

“Narito ako para sa isang interbyu at ayaw akong papasukin nitong tatay mo! Tandaan mo, kapag natanggap ako rito ay gagawin ko ang lahat para matanggal siya!” saad uli ni Almira. 

Tiningan ni Lilia ang mga naka-iskedyul para sa interbyu ng araw na iyon. 

“Ngayon pa lang ay sinasabi ko na, hindi ka matatanggap sa kompanyang ito. Kaya humingi ka ng tawad sa tatay ko dahil ikaw ang mali at ginagawa lang niya ang trabaho niya. Kung ayaw mo ay umuwi ka na dahil tinitiyak kong walang puwang ang masama mong ugali sa kompanyang ito!” saad ni Lilia. 

“At sino ka para palayasin ako? Ikaw ba ang may-ari ng gusaling ito?” wika ni Almira. 

“Hindi ako ang may-ari pero ako ang manager sa kompanyang ito, at ako ang dapat na makikipanayam sa iyo. Ngayon pa lang ay sinasabi ko nang wala kang pag-asang makapasok dito, Almira, dahil ayaw kong madungisan ng kahambugan mo ang pinamamahalaan ko!” dagdag pa ng dalaga.

Lubos na kahihiyan ang naramdaman ni Almira. Hindi niya akalaing napakataas na pala ng narating ng dating kaklaseng kaniyang inaalipusta.

Advertisement

“Iyan ang hirap sa mga kagaya mo, Almira, ang akala mo ay lagi kang nasa itaas. Iskolar ako noon pero dahil na rin sa tulong ng inaalipusta mong guwardiya ay napagtapos ako ng may karangalan sa isang prestihiyosong unibersidad. Pinagsabay ko ang pagtatrabaho at pag-aaral. Nagsumikap ako kaya ngayon ay narito na ako sa aking kinakalagyan. Kaya huwag na huwag mong mamatahin ang tatay ko nang dahil lang sa isa siyang guwardiya. Lahat ng pangarap ko ay natupad nang dahil sa kaniya!” wika pa ni Lilia.

Wala nang nagawa pa si Almira kung hindi lisanin ang lugar na iyon dahil sa labis na kahihiyan. Mabilis na kumalat ang balita sa ginawang ito ng dalaga kaya maraming kompanya rin ang nagdalawang-isip na tanggapin siya. 

Hindi lubos maisip ni Almira na ngayon ay mararanasan din niya ang pamamahiya na ginagawa niya noon kay Lilia.

Talagang bilog ang mundo at kung ano ang itinanim mo ay siya ring aanihin mo.