
Palaging Binibigyan ng Pagkain ng Maglola ang Kawawang Bata; Paglipas ng Panahon ay Ibabalik Nito ang Kabutihang Itinanim Nila
Gutom na gutom na si Poldo ngunit hindi pa rin siya maaaring kumain. Hindi pa kasi sapat ang kaniyang pera para makabili ng kaniyang makakain. Kailangan kasi niyang makapag-uwi ng sitenta pesos kung hindi ay g*lpi na naman ang kaniyang aabutin sa kaniyang tiyo. Mahirap ito lalo na para sa isang sampung taong gulang na bata na sa pangangalakal lamang umaasa.
Habang nasa sulok at tinitiis ang pananakit ng tiyan ay nakita siya ng matandang si Aling Sita at ang apo nitong si Leny. Agad na nilapitan ng batang babae itong si Poldo at saka inabutan ng tinda nilang biko.
“Ito, o, kunin mo na. Pinabibigay ito sa iyo ng lola ko. Sa tingin kasi niya ay nagugutom ka na. Sige na at huwag ka nang mahiya. Kunin mo na ito!” sambit ni Leny habang iniaabot ang pagkain.
Hindi na nahiya pa si Poldo na kunin ang inaalok nitong biko. Sa gutom ay agad niya itong kinain.
“Maraming salamat sa inyo ng lola mo. Kahapon pa ako hindi kumakain. Ang sakit sakit na ng tiyan ko!” naluluhang sambit naman ni Poldo.
“Ayos lang. Sandali at kukuha lang ako ng maiinom mo,” saad naman ni Leny sabay takbo patungo sa kinauupuan ng kaniyang Lola Sita.
Pagbalik ay iniabot ni Leny kay Poldo ang isang mainit na kape.
“Ito, o, para mainitan ang sikmura mo. Tinimpla ‘yan ng lola ko. Masarap siyang magtimpla ng kape kaya kunin mo na!” pilit muli ni Leny.
Pinaunlakan ito muli ni Poldo.
Habang nagtitinda sa hindi kalayuan si Aling Sita ay nakipagkwentuhan muna itong si Leny kay Poldo. Nang maubos ang panindang biko ng matanda ay saka sila umuwi.
Habang naglalakad pauwi ay ikinuwento ni Leny sa kaniyang Lola Sita ang tungkol kay Poldo.
“Lola, kawawa naman po si Poldo, ‘yung batang tinulungan po natin kanina. Alam n’yo po, kapag hindi siya nakakapagbigay ng pera sa tiyuhin niya ay ginug*lpi siya at hindi siya pinapakain. Kaya po sabi ko sa kaniya ay puntahan niya tayo lagi sa bangketa para mabigyan natin siya ng paninda natin. Ayos lang naman po iyon, ‘no, lola?” saad pa ni Leny.
“Oo naman, apo. Sa katunayan ay napakabuti ng ginawa mo. Nakakaawa nga ang batang iyon. Hayaan mo at dadagdagan ko ang luto nang sa gayon ay may kainin din siya kapag nagutom siya sa gabi,” saad naman ng matanda.
Tuwang-tuwa si Leny sa sinabi ng kaniyang lola.
Simula noon ay palagi nang humihingi ng pagkain itong si Poldo sa maglola. Kaya ang tanging problema na lamang niya ay ang pananakit ng kaniyang tiyuhin kung hindi siya nakakapag-uwi ng pera.
Isang araw ay pinagbuhatan na naman ng kamay ng tiyuhin itong si Poldo. At sa pagkakataong iyon ay tuluyan na siyang umalis sa poder nito.
Kinabukasan ay hinihintay si Poldo ng maglola ngunit hindi na ito sumipot. Nag-aalala man ay nanalangin na lang sila na sana ay nasa mabuting kalagayan si Poldo.
Lumipas ang panahon at nagdalaga na rin itong si Leny. Hindi na ito nakapag-aral pa dahil kailangan na niyang magbanat ng buto para naman sa kanilang dalawa ng kaniyang lola. Ngunit sa kasamaang palad ay natanggal sa trabaho itong si Leny. Bukod pa roon ay giniba na rin ang kanilang bahay na nakatirik malapit sa estero.
Mabuti na lamang, kahit paano ay may nakita silang maliit at murang bahay na maaaring upahan.
“Magtiis na lang muna tayo rito, lola. Hahanap po ako agad ng trabaho para kahit paano ay maipagamot ko pa rin kayo,” saad ni Leny sa matanda.
Nahihirapan si Leny na makahanap ng trabaho. Bukod pa roon ay hindi niya na maiwan ang matanda dahil malubha na ang kalagayan nito. Hindi na alam ni Leny ang kaniyang gagawin sa pagkakataong ito.
Hanggang isang araw ay may nakita siyang mga prutas, gulay, grocery items at iba pang pagkain sa tapat ng kanilang inuupahang bahay. Hinahanap niya kung sino ang naglagay nito ngunit hindi niya makita.
“Nakalagay po ang pangalan nating dalawa, lola, kaya tiyak po ako na sa atin ito. Kaso, sino naman po ang magpapadala sa atin ng ganitong karaming pagkain?” tanong ni Leny.
“Ipagpasalamat na lang natin at malaking biyaya ito, apo,” sagot naman ng matanda.
Sa paglipas ng araw ay palaging may mga pagkain, gamit at kung anu-anong pangangailangan ang nakikita ni Leny sa tapat ng kanilang pinto. Minsan nga ay may pera pa itong kalakip.
Dahil sa lubusang pagtataka ay buong araw hinintay ni Leny ang taong naglalagay nito sa kanilang tapat. Hanggang sa isang binata ang kaniyang nakita.
“Ikaw! Ikaw ang naglalagay ng lahat ng iyan? Bakit mo ito ginagawa sa amin ng lola ko?” tanong ni Leny sa binata.
“H-hindi n’yo na ba ako nakikilala?” saad ng binata.
Pinakatitigan ni Leny nang lubos ang binatang nasa kaniyang harapan ngunit hindi niya talaga ito makilala.
“Ako ito, Ate Leny, ako si Poldo, ang batang tinulungan ninyo ni Lola Sita noon,” saad ng binata.
Gulat na gulat si Leny sa kaniyang natuklasan. Hindi niya akalaing ang kawawang batang dati nilang binibigyan ng biko ng kaniyang lola ay nagtagumpay na ngayon sa buhay!
“A-ano nang nangyari sa iyo, Poldo? Alalang alala kami sa iyo ni lola nang hindi ka magpakita sa amin. Nakakatuwa naman at umayos ang buhay mo. Natupad ang mga panalangin ni Lola Sita!” naluluhang sambit ni Leny.
“Lumayas ako sa amin. Kung saan-saan ako napadpad hanggang sa isang pari ang kumupkop sa akin. Pinatira niya ako sa kumbento at pinag-aral. Ngayong ayos na ang kalagayan ko ay nais ko namang makabawi sa inyo kaya pilit ko kayong hinanap. Alam ko kasing hindi ninyo tatanggapin ang tulong ko kaya iniiwan ko na lang,” pahayag naman ni Poldo.
“Masaya akong makita kang muli, Poldo. At tiyak kong magiging masaya rin si Lola Sita na makita ka!” wika pa ni Leny.
Mula nang araw na iyon ay hindi na tumigil ang pagtulong ni Poldo sa maglola. Ipinagamot din ng binata ang matanda. Upang hindi na magtrabaho pa itong si Leny at mabantayan na lang ang kaniyang Loal Sita ay binigyan na lang ito ni Poldo ng puhunan upang magtayo ng isang sari-sari store.
Higit pa sa paglamnan sa kumikirot na sikmura ang ginawa ng maglola kay Poldo. Binigyan siya ng mga ito ng pag-asa na lumaban sa buhay. Dahil na rin sa maglola ay naramdaman niyang magkaroon ng pamilya kaya gayon na lamang ang pagbabalik niya ng kabutihan sa mga ito.