
Pinabayaan ng mga Anak ang Inang Dating OFW; Isang Magandang Surpresa ang Bubuhay sa Pag-asa ng Matanda
“We will miss you, nannyI We hope someday we will meet again!” sambit ng mga banyagang alaga ni Salome habang inihahatid siya ng mga ito sa airport.
Sa kaniyang pagtalikod papuntang eroplano ay hindi maiwasan ni Salome na bumagsak ang kaniyang luha. Sa halos tatlumpung dekada kasing paninilbihan bilang isang yaya sa isang banyagang pamilya ay uuwi na siya ng Pilipinas upang magretiro.
Masakit man sa kaniyang dibdib dahil napamahal na rin sa kaniya ang mga alaga ay masaya naman siyang uuwi dahil sa wakas ay makakasama na rin niya ang kaniyang mga anak at apo.
Maagang nawala ang asawa ni Salome dahil sa isang karamdaman. Dahilan ito para mag-isa niyang itaguyod ang kaniyang mga anak. Napilitan siyang mangibang bansa dahil alam niyang mas mabilis siyang makakaipon.
Ngunit kahit na maganda naman ang kita at trato ng mga amo kay Salome ay tila naging mapait naman ang sinapit ng kaniyang pamilya.
Walang nakapagtapos sa kaniyang mga anak dahil maaga itong mga nagsipag-asawa. Ang isang anak pa nito ay nasa bilangguan. Kaya kahit matanda na ay marami pa ring umaasa sa kaniya. Kahit pagod na ay pilit pa ring kumakayod si Salome.
Ngunit may hangganan ang lahat. Dahil sa hindi na rin makakilos pa nang maayos tulad ng dati itong si Salome ay kailangan na niyang magretiro.
Nang makalapag sa Pilipinas ang eroplano ay hindi na makapaghintay ang matanda na makita naman ang kaniyang pamilya.
Buong galak siyang sinalubong ng mga ito sa airport.
“‘Nay, nabili n’yo ba ‘yung sinasabi kong sapatos saka damit? Nasa bagahe n’yo na ba?” saad ng panganay nitong anak na si Celso.
“Hindi pa man ako nakakauwi sa bahay natin ay pasalubong kaagad, Celso? Kumusta ang mga anak mo? Bakit hindi mo sila isinama dito?” tanong ng matanda.
“Nasa eskwela lahat. Ang asawa ko namang si Vivian ay abala sa pagtitinda. Kaya kami na lang nitong si Jessica ang sumundo sa inyo. Ano, ‘nay, nabili mo ba ‘yung sapatos?” saad ulit ng anak.
“Oo na! Nariyan lahat sa bagahe. Pati ang mga pasalubong ko sa inyong lahat. Masaya ako na ngayon ay makakasama ko na kayo,” saad ng matanda.
“Sa amin muna kayo tumuloy, ‘nay. Siyempre ay gusto rin kayong makasama ng mga apo ninyo. Saka na kayo pumunta kina Jessica,” sambit muli ni Celso.
“Naku, Kuya Celso, kaya mo lang gustong tumuloy sa inyo si nanay ay dahil sa mga pasalubong! Sa akin ka na, ‘nay, dahil alam mo naman kung gaano kita namiss!” sambit naman ni Jessica.
Patuloy ang pagtatalo nina Celso at Jessica kung saan uuwi ang kanilang ina. Kaya napagpasyahan ni Salome na magsalit-salit na lamang. Isang linggo kay Celso at isang linggo kay Jessica.
Hindi rin nakalimutan ni Salome na dalawin sa bilangguan ang anak. Sa katunayan ay pinyansahan niya na ito at kinausap na huwag nang uulit pa sa pagnanakaw.
Habang nasa piling ng mga anak ay walang habas pa rin ang mga ito kung hingan ang kanilang ina. Dahil pawang mga walang trabaho ay nakasandal pa rin silang lahat kay Salome. Hindi naman din kasi matiis ng matanda ang mga anak kaya panay rin ang bigay niya.
Hanggang sa tuluyan na ngang naubos ang ipon ni Salome.
Sa pagkawala ng kaniyang pera ay naramdaman din niya ang panlalamig sa kaniya ng mga anak.
“Doon na muna kayo kay Jessica, ‘nay. Apat ang anak namin at hindi na namin kaya ng dagdag na gastos,” sambit ni Celso sa ina.
Nang pumunta naman siya kay Jessica ay hindi rin siya nagtagal. Lagi itong nagdadabog at pinapamukha sa ina na malaki itong responsibilidad.
“Hanapin n’yo nga si Lito. Tutal naman ay sa kaniya naman naubos ang pera n’yo dahil pinyansahan n’yo siya! Ayaw na ng asawa kong narito kayo. Baka mamaya ay kami naman ang maghiwalay!” saad ni Jessica sa ina.
Dahil ayaw na ngang maging pabigat ni Salome ay umalis ito ng bahay ni Jessica at hinanap si Lito. Ngunit nasa bilangguan na naman pala ito dahil nahuli naman na nagtutulak ng bawal na gamot.
Naiiyak na lang si Salome sa sinapit ng kaniyang buhay. Ngayong wala na siyang matutuluyan ay napilitan siyang matulog sa kalye. Ni hindi man lamang nga siya hinahanap ng kaniyang mga anak.
Mabuti na lang ay kinupkop siya ng ibang taga-lansangan din. Binigyan siya ng tolda na maaari niyang maging tirahan. Doon ay nanirahan si Salome. Nagsisisi siya sapagkat inubos niya ang lahat ng pera niya sa kaniyang mga anak.
Ilang buwan ding nagtiis si Salome sa pagtira sa lansangan. Maging siya ay naaawa na sa kaniyang sarili. Nakakakain na lamang siya sa pamamalimos.
Ipinagpasa-Diyos na lamang niya ang lahat. Dahil unti-unti na siyang nawawalan ng pag-asa.
“Dito na nga ata ako sa lansangan aabutan ng dapit-hapon ng aking buhay. Naging mabuti naman akong ina sa mga anak ko, Diyos ko, bakit ganito ang sinapit ko? Kasalanan ko ba na maghangad lang ako ng magandang buhay para sa kanila? Wala na rin bang silang pagmamahal sa akin ngayong wala na akong pakinabang?” pagtangis ni Salome sa Maykapal.
Tanging ang Diyos na lang ang naging sandingan nitong si Salome. Sa tuwing nagtatangka kasi siyang kausapin ang mga anak ay ipinagtatabuyan lamang siya ng mga ito.
Tanggap na ni Salome na mag-isa na lamang siya sa buhay at baka doon na rin siya sa lansangan malagutan ng hininga. Ngunit kahit paano ay hindi pa rin niya maiwasan na isipin ang buhay niya noong nasa ibang bansa pa siya.
“Mas pinahalagahan pa ako ng mga alaga ko sa ibang bansa kaysa sa mga sarili kong anak. Kung maibabalik ko lang ang panahon ay mag-iipon din ako para sa aking sarili,” saad pa ng matanda.
Hanggang sa isang araw ay may isang lalaking banyagang kumatok sa kaniyang barung-barong. Nagulat si Salome nang sabihin ng lalaki na pinadala raw siya ng mga dating amo upang tulungan siya.
Tila dininig ng Panginoon ang kaniyang mga dalangin. Hindi raw kasi makayanan ng mga alaga na mawala itong si Salome kaya pinahanap nila ito. At nang mabalitaan na nasa kalunos-lunos itong kalagayan ay agad silang gumawa ng paraan upang tulungan ang kanilang Yaya Salome.
Inialis ng lalaki itong si Salome sa lansangan. Pansamantalang iniupa niya ito ng maayos na matitirahan habang inaayos ang mga papeles nito.
Hindi makapaniwala si Salome na muli siyang kukunin ng dating amo. Ayaw man siyang pagtrababuhin ng mga ito ay nagpumilit si Salome na kahit manilbihan siya bilang tagapangasiwa ng mga kasambahay. Kapalit ito sa pagpapatira sa kaniya.
Nang malaman ng mga anak ni Salome na pupunta ulit ito sa ibang bansa upang maging isang mayordoma ay isa-isa na naman itong nagsilapitan sa ina. Ngunit sa pagkakataong ito ay naging mas matibay na ang loob ni Salome.
“Panahon na para tumayo naman kayo sa sarili ninyong mga paa. Ina ninyo ako at hindi ko kayo kayang titiisin. Ngunit napakasakit ng ginawa ninyo sa akin. Gayunpaman ay mahal na mahal ko pa rin kayo. Ngunit sa pagkakataong ito ay kailangan ko ring isipin ang sarili ko, dahil natutunan ko sa mapait na paraan na wala akong aasahan sa inyo,” lumuluhang sambit ni Salome.
Umalis si Salome ng bansa upang magsimula ng bagong buhay.
Madalas pa rin siyang kulitin ng kaniyang mga anak sa paghingi ng pera ngunit natuto na si Salome. Nagbibigay man ito ngunit hindi na lahat upang maturuan din ang mga anak na maging responsable sa buhay nila at makaipon para naman sa kaniyang sarili. At upang kahit sandali ay malasap din niya ang katas ng kaniyang pinaghirapan.
Tanging hangad lang ni Salome ay huwag gawin ng mga apo niya sa kaniyang mga anak ang pagpapabayang ginawa ng mga ito sa kaniya.