Panay ang Ngisi ng Isang Taong Grasa sa Mayamang Ginang; Hindi Akalain ng Lahat ang Bahong Isisiwalat Nito

Panay ang Ngisi ng Isang Taong Grasa sa Mayamang Ginang; Hindi Akalain ng Lahat ang Bahong Isisiwalat Nito

HeartbreakingMysteryStories

Walang kasing saya si Agatha nang sa wakas ay makalipat na sila ng asawang si Robin sa bago nilang ipinatayong bahay. 

“Napakagandang bahay nito, Lance! Maraming salamat sa pagbibigay mo ng higit sa pangarap ko!” saad ng misis. 

“Lahat ay ibibigay ko sa iyo, alam mo ‘yan! Ngayon ay magsisimula na tayo ng panibagong buhay sa bagong mansyon natin!” saad naman ni Robin. 

Kahit na bago lamang sila sa subdivision ay malugod naman silang tinaggap ng mga kapitbahay. 

“Kayo pala ang may-ari ng bahay na iyan. Madalas naming pag-usapan dito kung sino ang may-ari. Ang laki kasi at ang ganda,” saad ng kapitbahay na si Cecil.

“Bagay na bagay kayo sa subdivision na ito kasi lahat ng nakatira rito ay may class! Sigurado akong mga negosyante kayo, ano? Kung hindi mo mamasamain, gusto ko lang malaman kung ano ang kinabubuhay ninyo ng asawa mo?” saad naman ng isa pang kapitbahay na si Rebecca.

“May-ari kami ng hardware ng asawa ko. Awa ng Diyos ay pinalad at nakapagpatayo ng iba pang mga branches. Kaya heto, nakapagpatayo na rin ng dream house namin!” tugon naman ni Agatha. 

“Maganda ang subdivision na ito at sigurado akong mababait din ang mga kapitbahay natin. Maraming salamat sa pagtanggap sa amin ng asawa ko. Tingin ko’y isang araw ay kailangan nating magkaroon ng maliit na salu-salo sa bahay para naman magkakilanlan pa tayo,” paanyaya pa nito.

Habang masayang nagkukwentuhan ang mga ginang ay tila may isang taong grasa na nakatanaw sa hindi kalayuan. 

“Sandali nga, hindi ako mapakali dahil kinikilabutan ako sa taong grasa na iyon! Paano naman nakapasok ang tulad niya rito sa subdivision natin? Baka mamaya ay may tama sa utak ‘yan at kung ano ang gawin sa atin. Uutusan ko nga ang kasambahay ko na itawag sa guard upang mapaalis,” sambit ni Cecil. 

Pilit na inaaninagan ni Agatha ang mukha ng taong grasa. Hanggang sa bigla itong ngumiti sa kaniya. 

“May tama ata sa utak ang lalaking iyan. Ang nakakatakot ay baka mamaya’y nagpapanggap lang na baliw at nagmamasid lang pala sa mga bahay. Baka kung anong sindikato na ang sumalakay rito!” saad naman ni Rebecca. 

Dahil sa takot ay isa-isa nang pumasok ang mga ginang sa kanilang mga kabahayan. 

Nai-report na nga sa mga guwardiya ang naturang taong grasa ngunit hindi naman nila ito makita kung saan nagsuot. 

Kinabukasan ay sama-samang nag-jogging ang mga ginang. Nagkukwentuhan sila habang pauwi nang makita nilang muli ang taong grasa na nagkakalkal ng basura. Nang madaanan nila ang mga ito ay muli siyang tumingin kay Agatha at napangisi. Umiiling-iling pa ito habang nakatitig sa ginang.

“Kung titigan ka ng ginoong iyan ay akala mo’y kilala ka. Siguro ay tipo ka niyan. Mag-ingat ka, Agatha, baka kung ano ang gawin niyan sa iyo!” saad ni Cecil.

“Ako na mismo ang tatawag sa mga guwardiya ngayon upang paalisin na ang taong grasang iyan! Paggagalitan ko rin at hindi nila ginagawa ang trabaho nila!” wika pa ni Rebecca. 

Samantala, si Agatha naman ay hindi nagpapahalata ng takot. 

Sa tuwing naroon ang taong grasa at nakikita si Agatha ay lagi itong umiiling sabay ang kakaibang ngisi. Agad na lang pumapasok sa bahay ang ginang. 

Maging sina Cecil at Rebecca ay napapansin na ang nakakakilabot na ginagawa ng taong grasa. 

“Alam na ba ng asawa mo ang ginagawa sa iyo ng taong grasang iyon? Bakit hindi pa siya gumagawa ng paraan?” tanong ni Cecil kay Agatha. 

“Nasabi ko na sa kaniya pero maging ang asawa ko ay nakukunsumi na rin sapagkat hindi maaksyunan ng mga guwardiya. Hindi raw nila talaga ito makita. Baka nga kailangan na itong isumbong sa mga pulis,” tugon naman ni Agatha. 

Dahil sa tingin nilang lahat ay malaking banta sa seguridad ng lahat ang taong grasa ay nagtulong-tulong ang lahat upang mahuli ito. 

Maging si Robin ay nakiusap na sa mga pulis na damputin na ang taong grasa dahil nga sa ginagawa nito sa kaniyang asawa. 

Isang araw, habang pababa ng kotse si Agatha ay bigla namang papalapit ang taong grasa. Tamang-tama naman ang dating ng mga pulis dahil matagal na nilang minamanmanan ang taong grasa. 

“Huminto ka na riyan at huwag kang lalapit sa ginang!” saad ng isang pulis sa taong grasa. 

Ngunit patuloy pa rin ang paglalakad ng taong grasa patungo kay Agatha. 

Kitang-kita ang takot at pagkabahala sa mga mata ni Agatha habang papalapit sa kaniya ang nakangiting taong grasa. 

“Sinabi nang huminto ka na at huwag ka nang lumapit, kung hindi ay papuputukan ka namin!” saad muli ng pulis. 

Ngunit tila walang naririnig ang taong grasa. Sa mga mata nito ay tanging sila lamang dalawa ni Agatha ang naroon. 

Dumating na rin si Robin upang tulungan ang asawang si Agatha. 

Hindi na napigilan ng mga pulis ang taong grasa sa paglapit. May kinuha ito sa kaniyang sisidlan at dahil inaakala ng mga awtoridad na isa itong armas ay agad siyang pinaputukan ng mga ito.

Walang kalaban-laban ang taong grasa na humandusay sa kalsada.

Nilapitan ng mga pulis at nina Agatha at Robin ang taong grasa upang malaman ang kalagayan nito.

Tumingin ang taong grasa kina Agatha at Robin. Habang nag-aagaw buhay ito ay ngumisi pa rin ito at tumitig sa dalawa.

“Maging maligaya sana kayo sa buhay na inagaw ninyo sa akin,” sambit ng taong grasa.

At tuluyan na itong namaalam.

Nang tingnan ng mga pulis ang hawak nito ay isang larawan. Doon ay nakita nilang ikinakasal ang isang mayamang ginoo kay Agatha habang naroon din si Robin. Kinilala nila itong si Enrico, ang taong grasang kanilang nap*slang. 

Nang imbestigahan ng mga pulis ang pangyayari ay nalaman nilang dating asawa pala ng naturang taong grasa itong si Agatha. Pinaibig at pinakasalan hanggang sa maisalin nito ang lahat ng ari-arian sa kaniyang pangalan. Saka niya iniwan itong si Enrico na lubusang naghihirap at saka sumama kay Robin.

Dahil sa depresyon ay tila nawala na si Enrico sa kaniyang sarili.

Sina Agatha at Robin ang umagaw ng buhay ng mayamang si Enrico.

Malaking eskandalo ang nangyari. Nang pumutok ang balitang ito sa buong lugar ay wala nang nais pang makipagkaibigan sa magkalaguyo.

Nang malaman din ng mga kamag-anak ni Enrico ang nangyari ay nagsampa sila ng kaso sa dalawa upang mabawi rin ang lahat ng ari-arian na kanilang ninakaw. Pagdurusahan ng dalawa sa likod ng rehas ang mapait nilang ginawa.

Ang akala nila Agatha at Robin ay hindi na magwawakas ang masaya nilang pagsasama at makakatakas na sila sa kanilang mga kasalanan. Hindi nila akalain na mismong si Enrico ang gagawa ng paraan upang singilin sila sa lahat ng kanilang pagkakautang.

More Stories