
Ipinamana ng Ama sa Ampon ang Bahay at Lupa Imbes na sa mga Tunay na Anak; Mapapahiya Sila sa Dahilan Nito
Walang humpay sa pagtunog ang telepono ni Teresa. Nang makita niya kung sino ang tumatawag ay napasimangot siya.
“Si Gilbert na naman! Hindi ba talaga ako tatantanan nitong ampon na ‘to? Ano na naman kaya ang kailangan nito?” inis niyang sambit.
Imbis na sagutin ang kaniyang selpon ay tumawag siya sa nakakatandang kapatid na si Nelson.
“Kuya, nagpadala ka na ba ng pera kina nanay at tatay? Kanina pa ako tinatadtad ng tawag ng ampon nila! Malamang ko ay kailangan na naman ng pera!” sambit ni Teresa sa kapatid.
“Kanina pa nga rin tumatawag sa akin. Hindi ko na lang sinasagot. Mangungulit na naman ‘yun na umuwi tayo doon dahil gusto tayong pauwiin. Hindi pa ba siya masaya na tayo na nga ang nagpapadala ng pera para sa panggastos nila? Talagang iniinis ako ng ampon na ‘yan! Bakit kasi dinala pa ‘yan nina nanay at tatay sa buhay natin?!” tugon naman ni Nelson.
Parehong mainit ang dugo ng magkapatid na Nelson at Teresa kay Gilbert. Kinupkop lamang kasi ito ng kanilang ama at ina nang matagapuan na kakalat-kalat sa kalsada. Itinuring na anak at mas madalas nga ay mukhang mas mahal pa ito ng kanilang ama.
Nang matapos ang pag-uusap ng magkapatid ay muling tumatawag itong si Gilbert kay Teresa, sa inis ay tuluyan na itong sinagot ng ginang.
“Ano na naman ba, Gilbert? Ano na naman ba ang kailangan mo? Sige, magpapadala ako ng pera kung kulang pa! Huwag mo lang akong istorbohin!” bulyaw ni Teresa.
“Ate, hindi naman pera ang kailangan ko. Pinatawag ako ni nanay para kausapin kayo ni Kuya Nelson. Malala na ang lagay ni tatay. Kung hindi pa kayo pupunta dito ay baka hindi ninyo siya abutan pa!” saad naman ng binata.
“Oo na! Sige na! Pupunta na kung iyon ang dapat! Masaya ka na? Tigilan mo na ang pagtawag dahil pupuntahan na namin si tatay!” naiiritang tugon pa ng ginang.
Nang magkausap si Nelson at Teresa ay wala palang balak ang mga ito na puntahan ang kanilang may sakit na ama.
“Nagdadrama na naman si tatay, malamang. Gusto lang tayo makita no’n! At tapos, ano? Ipagmamalaki na naman niya sa atin ang ampon niya? Hayaan mo silang maghintay sa wala!” wika ni Teresa.
Lumipas ang dalawang araw at hindi pa rin nagpunta sina Teresa at Nelson sa bahay ng kanilang mga magulang. Kahit na patuloy pa rin ang pagtawag ni Gilbert ay hindi nila ito iniintindi.
Hanggang sa nakatanggap ang dalawa ng isang mensahe. Isang masamang balita dahil yumao na raw ang kanilang ama.
Agad na nagtungo sina Nelson at Teresa pauwi sa kanilang ama.
“Nasaan ba kayo, mga anak? Bakit ba hindi n’yo man lang nagawang madalaw ang tatay n’yo? Alam n’yo naman na malubha na siya, ‘di ba? Simple lang naman ang kahilingan ng tatay ninyo, mga anak. Bakit hindi n’yo pa siya napagbigyan?” pagtangis ng inang si Remedios.
“’Ma, abala kami sa trabaho para makapagpadala kami ng pera sa inyo panggastos. Kailangan n’yo rin kaming unawain. Saka may sarili na rin kaming pamilya!” depensa ni Teresa.
Ang akala ng lahat ay matitigil na ang tensyon sa pagitan ng mag-iina. Ngunit lalo lamang itong nag-apoy nang malaman ng magkapatid na Nelson at Teresa na hindi sa kanila ipinamana ng ama ang bahay at lupa.
“Paanong kay Gilbert mapupunta ang bahay at lupa na ito? Hindi n’yo naman siya tunay na anak ni tatay, ‘nay! Saka hindi patas ito dahil kami ang nagpapadala sa inyo ng pera. Kami ni Teresa ang gumagastos para sa pagpapagamot ni tatay. Tapos ay kami pa ang mawawalan ng mana? Anong pambibilog ng ulo ang ginawa sa inyo nitong ampon n’yo?” sigaw naman ni Nelson.
“‘Nay, huwag kayong pumayag na ang lahat ng ito ay mapupunta lang kay Gilbert. Hindi naman natin siya kamag-anak!” dagdag naman ni Teresa sa ina.
“Tigilan n’yo na ito, mga anak. H-hindi ko na mababali ang nasa testamento ng tatay ninyo. Mariing niyang binilin na kay Gilbert ipamana ang bahay at lupang ito. Maging ang ilang ari-arian ay sa kaniya na rin nakapangalan,” sambit naman ng ina.
Sa sobrang galit ni Nelson kay Gilbert ay sinugod niya ang binata.
“Ano ang pinakain mo sa mga magulang namin para ikaw ang panigan nila? May sa d*monyo ka, ano? Ang kapal ng mukha mo at talagang kinamkam mo ang lahat ng ari-arian ng pamilya namin! Gayong kami ni Teresa ang nagpapagod para makapagpadala ng pera rito!” bulyaw ng nakakatandang kapatid.
“Kuya, tama na! H-hindi ko naman kagustuhan ang lahat. At saka kahit ako ay nabigla dahil hindi ko alam na ganito pala ang desisyon ni tatay. Ayos lang naman sa akin kahit wala akong manahin dahil ang ituring na anak nila ay sapat na sa akin,” pagtangis naman ni Gilbert.
Nang saktan ni Nelson itong si Gilbert ay hindi na nakapagpigil si Remedios.
“Tigilan mo na ‘yan, Nelson! Huwag mong sasaktan si Gilbert!” sigaw ng ina.
“At talagang kay Gilbert pa kayo kumakampi, ‘nay? Si Kuya Nelson ang anak n’yo!” sambit naman ni Teresa.
“Tigilan n’yo na ‘yan dahil kahit kayo ang kadugo ko at sa akin kayo nanggaling ay kay Gilbert pa rin ako kakampi. Ngayong wala na ang tatay ninyo ay pinipilit ninyong anak niya kayo! Nasaan ba kayo nang mga panahon na kailangan kayo ng tatay ninyo? Ni silip ay hindi n’yo man lang nagawa. Tapos ay mas iniintindi ninyo pa ang mana kaysa sa pagkawala niya! Anong klase kayong mga anak?!” umiiyak na wika ni Remedios.
“Ito na ang pera ninyo! Hindi ko kailangan niyan!” sambit pa ng ina sabay balibag ng pera.
“Iyan ang lahat ng padala ninyo, walang labis, walang kulang! Habang wala kayo rito ay si Gilbert ang nag-alaga sa amin. Nagtrabaho siya nang sa gayon ay hindi niya magalaw ang perang pinapadala ninyo! Siya ang gumanap ng mga responsibilidad na dapat kayo ang gumagawa! Siya ang pumuno ng pagmamahal na hinahangad namin sa inyo ng tatay ninyo. Kaya hindi ninyo kami masisisi kung mas tinuturing namin siyang anak dahil mas tinuring niya kaming mga magulang!” hindi na napigil pa sa pagluha si Remedios.
Puno ng kahihiyan sina Nelson at Teresa. Napagtanto nila ang lahat ng kanilang pagkukulang sa kanilang mga magulang. Tama nga na hindi matutumbasan ng kahit anong halaga ang pagkalinga na nais ng kanilang ama.
“Hindi pa naman huli ang lahat, Kuya Nelson at Ate Teresa. Narito pa naman si nanay sa atin. P’wede nating ibuhos sa kaniya ang lahat ng pagmamahal habang kapiling natin siya. Huwag n’yong hayaan na dumating ang araw na magsisi kayong muli,” saad ni Gilbert sa mga kapatid.
Humingi ng kapatawaran ang dalawa sa kanilang ina at maging kay Gilbert. Unti-unting nagbago ang kanilang pagtingin sa ampon ng kanilang mga magulang. Hinayaan na rin ng dalawa na ipamana ng ama kay Gilbert ang lahat ng ari-arian sunod sa tagubilin ng nasira nilang tatay.
Hindi nabibili ng salapi ang oras. Kaya habang nariyan pa ang ating mga magulang ay ipadama natin sa kanila ang pagmamahal na kanilang inaasam.