Inday TrendingInday Trending
Naglayas ang Binata Dahil Ayaw Niyang Inuutusan Siya ng Kaniyang Nanay; Gumapang Siya Pabalik Nang Malaman Niya ang Totoong Hirap ng Buhay

Naglayas ang Binata Dahil Ayaw Niyang Inuutusan Siya ng Kaniyang Nanay; Gumapang Siya Pabalik Nang Malaman Niya ang Totoong Hirap ng Buhay

“Ayoko na rito!” dabog ni Andrew. “Pagod na ako sa inyo, ma! Ako na lang palagi ang nakikita niyo! Ako na lang palagi ang inuutusan niyo! Nakakapagod kayo, ma! Kaya aalis na ako at magsasarili sa buhay. Iyong walang nanay na panay ang bunganga at panay ang utos sa’kin!” galit na galit na singhal ni Andrew sa inang si Maureen, saka nagmartsa papasok sa sariling silid at kinuha ang iilang damit papasok sa kaniyang bag at nang matapos ay desididong nagmartsa palabas ng kanilang pintuan.

“Siguraduhin mo, Andrew, na sa pagtapak mo palabas ng pamamahay ko’y wala ka nang balak pang bumalik!” banta naman ng ina.

“Oo! Hinding-hindi na talaga!” balik singhal niya sa ina.

“Sige! Bahala ka na sa buhay mo. Sana sa pag-alis mong ito sa poder ko, maisip mo kung anong hirap ang dinadanas ko para sa inyo,” punong-puno ng emosyong sambit ni Maureen. Pero hindi kailanman binalak na lumabas sa mga mata ang kanina pang pinipigilang luha.

“Sana sa pag-alis mo, makita mo ang kaginhawaan na hindi ko kailanman naibigay sa’yo at sa tatlo mo pang kapatid. Sana sa pagkikita nating muli… gusto kong mas nakakaangat ka na sa buhay, at hindi iyong ganito… ayoko nang makita ka pang nahihirapan, dahil iyon naman talaga ang pangunahing dahilan kaya ka umalis sa poder ko,” ani Maureen.

“Pero tandaan mo, Andrew, hindi ko ginustong ipasa sa’yo ang obligasyon ko. Nagkataon lang talagang ako na lang mag-isa ang pumapasan sa inyong magkakapatid kaya kinailangan ko ang tulong mo,” dugtong niya.

Nais niyang magbago pa ang isip ng kaniyang anak sa pag-alis. Galit lamang ito sa kaniya kaya nakapagdesisyon itong lumayas at magrebelde sa kaniya nang ganito kalala. Galit lamang ang anak kaya kay bilis nitong nakapagdesisyon na maaaring sa bandang huli’y pwede nitong pagsisihan.

“Aangat ako ‘ma,” ani Andrew. “Aangat ako lalo na kapag wala ka na at ang mga kapatid ko sa buhay ko. Aangat akong mag-isa!” matigas na sambit ni Andrew.

Saka naglakad palabas ng pintuan at tuluyang inabandona ang sariling pamilya.

Si Andrew ang pinakapanganay na anak ni Maureen at sa namayapa nitong asawang si Lucio. Tatlong taon na rin mula noong nawala ang kaniyang asawa dahil sa isang hindi inaasahang aksidente. Naulila ang kaniyang mga anak at bigla siyang naging biyuda.

Pakiramdam noon ni Maureen ay bigla siyang napilayan at nahirapang biglang tumayo at maglakad sa buhay. Nahirapan siya kung ano ang gagawin ngayong biglang nawala ang katuwang niya sa buhay. Paano na ang mga anak nila? Kaya niya kayang buhayin ang mga ito nang mag-isa?

Upang mabuhay, mapakain, at mapag-aral niya ang apat niyang anak ay nagtrabaho si Maureen— hindi lamang isang trabaho kung ‘di tatlong trabaho, mapunan lamang ang kaniyang obligasyon sa mga anak. Ang kaniyang naging katuwang ay si Andrew, ang kaniyang panganay na labing pitong taong gulang.

Nag-aaral si Andrew sa umaga at pagdating nito ng hapon ay kailangan nitong alagaan ang tatlo pang kapatid. Si Andrew ang naging yaya ng tatlo niyang bunsong kapatid na nasa elementarya pa lang. Dahil tatlo sa isang araw ang trabaho ni Maureen, halos wala na siyang panahon upang maging ina sa kaniyang mga anak. Kailangan niyang kumayod dahil wala namang ibang aasahan kung ‘di siya lang.

Si Andrew ang tumayong ina, ama, at kapatid ng kaniyang mga anak. Lahat ng kailangang gawin ay kay Andrew niya ibinibilin at inuutos. Si Andrew, si Andrew, kulang kapag wala si Andrew.

Napagod nga yata ang anak sa mga inuutos niyang pag-aalaga sa mga kapatid at sa pag-aasikaso sa bahay nila kaya napuno ito at nilayasan siya. Kung ito nga ang paraan upang umangat si Andrew ay wala siyang balak na pigilan ito. Baka nga pabigat na sila para rito.

“Nakamagkano ka na, Andrew?” tanong ni Bert, ang kaibigang nagpasok sa kaniya sa pagawaan ng yema.

“Isang libong yema na yata ang nagawa ko, Bert,” nahahapong sagot ni Andrew.

“Ayos na rin naman iyon, Andrew. Mamaya may dalawang daan at singkwenta pesos ka na. Dagdagan mo pa para umangat ang sweldo mo,” suhestyon ni Bert sa kaibigang.

“Bakit, ilan na bang nagawa mo?”

“Tatlong libo na ang nagawa ko, Andrew. Dito sa yemahan, pabilisan ang labanan. Talagang sadyang mahirap ang kumayod ng pera, pero ang pinakamahalaga naman ay kahit papaano’y may kakayurin ka,” ani Bert. “Oh siya! Bilisan mo pa,” anito sabay tapik sa balikat niya.

Pagod na si Andrew, pero kulang pa rin pala ang ginagawa niya para sa malaking perang ibibigay sa kaniya pagkatapos. Hindi na rin biro ang isang libong yema lalo na’t sa mano-manong paraan nila ito ginagawa. Nahahapong ipinagpatuloy ni Andrew ang paggawa. Kailangan niya ng maraming pera upang patunayan sa ina na mga tinik ito sa buhay niya kaya hindi siya kailanman umangat sa sarili niyang paraan, dahil nakadepende lamang siya sa mga ito.

Hindi naging madali ang buhay ni Andrew at hindi umayon sa plano niya ang lahat nang nangyayari ngayon sa buhay niya. Totoo ngang napakahirap kumita ng kakarampot na pera. Grabeng kayod ang ginagawa niya sa mga trabahong natatanggap ngunit hindi kailanman naging sapat ang sahod na kaniyang natatanggap.

Halos gumapang na ang katawan niya sa pagod, pero ang perang natatanggap niya bilang kaniyang suweldo ay hindi man lang pumantay sa pagod na ibinigay niya. Ngayon niya mas naiintindihan ang sakripisyong ginagawa ng mama niya.

“Oh? Bakit ka umiiyak, Andrew?” takang tanong ni Bert.

“Naalala ko lang ang mama ko, Bert,” tugon ni Andrew. “Ngayon ko lang naintindihan ang mama ko. Ang laki ng kasalanan ko sa kaniya. Ang buong akala ko’y pilit niyang pinipigilan ang pakpak ko kasi takot siyang lumipad ako papalayo sa kaniya. Ngayon ko mas naintindihan na hindi pala talaga madali ang ginagawa ng mama ko, Bert,” humihikbing kwento ni Andrew sa kaibigan. “Ang laki ng kasalanan ko sa mama ko,” aniya saka tuluyang pinakawalan ang iyak.

Isang umaga, habang nagdidilig si Maureen ng mga halaman ay napansin niya ang rebulto ni Andrew, nakatayo sa may pintuan. Nakaramdam man ng tuwa ang ina ay pinigilan niya ang sariling humagulhol at lapitan ito upang yakapin.

“‘Ma, mapapatawad niyo pa rin po ba ako?” tanong ni Andrew. “Sorry po ‘ma, sorry po sa lahat ng nasabi ko’t ginawa kong mali sa inyo. Maiintindihan ko po kung ayaw niyo na akong patawarin,” umiiyak na wika ni Andrew.

Walang kahit anong salita ang namutawi sa bibig ni Maureen. Nilapitan niya ang kaniyang panganay na anak at niyakap ito nang mahigpit. Kailanman ay walang mabuting ina ang kayang tiisin ang kanilang anak. Kahit ano pa man ang naging mali ng kanilang mga anak ay paulit-ulit nila itong patatawarin at tatanggapin. Walang tanong-tanong at walang pag-aalinlangan. Dahil magulang sila… magulang silang dapat na intindihin ang anak nila sa kahit anumang maling magawa nito.

Nangako naman si Andrew na hindi na uulitin ang ginawa nito sa ina, at mas tutulungan pa ang ina’t hindi hahayaang mahirapan ito. Alam niyang balang araw ay makakaahon din sila sa hirap ng buhay, basta’t tulong-tulong at magkakasama.

Advertisement