Inday TrendingInday Trending
Sa Sobrang Gutom ay Nanghingi ang Dalaga sa Mamáng Nagtitinda ng Pagkain; Maawa Kaya Ito at Bigyan Siya?

Sa Sobrang Gutom ay Nanghingi ang Dalaga sa Mamáng Nagtitinda ng Pagkain; Maawa Kaya Ito at Bigyan Siya?

Himas ang tiyan habang naglalakad si Serena, gutom na gutom na siya. Halos magtatatlong araw na siyang hindi kumakain. Panay na lamang ang inom niya ng tubig, para kahit papaano’y hindi siya maubusan ng tubig sa sariling katawan. Halos tumulo na ang laway niya nang may makita siyang kainan at mas lalong humilab ang kaniyang tiyan sa gutom.

Bakasyunista lamang si Serena sa lugar na ito. Nanalo siya sa ng roundtrip ticket at ang sabi ay libre siya sa hotel at pagkain, basta ang kailangan lamang niyang gawin ay mamasyal at mag-enjoy sa bakasyong iyon.

Hindi naman niya kailan naisip na scam pala iyon! Roundtrip ticket ang nakuha niya, tiningnan naman niya sa airport kung totoo nga bang may flight siya sa araw kung ano ang nakasulat doon sa ticket niya. Kaya panigurado, makakauwi naman siya. Ang kaso’y hindi totoong may hotel siya rito at libre ang kaniyang pagkain sa panahong mananatili siya rito sa Maynila at hindi rin totoo ang libreng sasakyan at tour. Naloko siya at ang nakakainis ay wala siyang magawa.

Tinawagan na niya ang pamilya niya sa probinsya pero nahihiya siyang aminin sa mga ito ang nangyari sa kaniya. Kaya heto, naging palaboy siya at wala na siyang makain. Dalawang araw na lang din naman at lilipad na siya pauwi sa kanila. Kaunting tiis na lang.

“Kuya, pwede po ba akong manghingi ng pagkain sa’yo?” hingi ni Serena.

Kita sa mukha ng mamá ang sadyang pagkagulat no’ng nanghingi siya. Kung titingnan kasi ay mukha siyang mayaman. Maayos ang kaniyang pananamit, maganda rin naman ang kaniyang dala-dalang maleta. Suma-tutal ay mukha siyang bakasyunistang mayaman.

“Gutom na gutom na po kasi ako kuya, sobrang sakit na ng tiyan ko sa gutom. Kaya pwede niyo po ba akong bigyan ng makakain?” nagmamakaawang muli ay pakiusap ni Serena.

Ang buong akala ni Serena ay hindi siya papansinin ng mamá kaya akmang tatalikod na siya upang umalis na lang at lamunin ang hiyang naramdaman. Ito ang pinakamasamang nangyari sa buhay niya. Kung hindi siya nagbakasyon at naloko ay hindi niya ito mararanasan.

“Saan ka pupunta, ‘ne? Umupo ka na rito at bibigyan kita ng makakain mo,” anang mamá.

Biglang naglinawanag ang mukha ni Serena at walang pagdadalawang-isip ay sinunod niya ang sinabi ng mamá at baka magbago pa ang isip nito.

“Salamat po kuya, kahit paghugasin niyo po ako ay okay lang,” masiglang sambit ni Serena, na tanging ngiti na lamang ang sinagot ng mamá.

Binigyan nga siya ng pagkain nito kaya labis ang sayang naramdaman ni Serena. Habang kumakain ay ikinuwento niya kay Mang Rey ang nangyari sa kaniya. Nagpakilala siya sa lalaki at nakilala niya rin ito. Pagkatapos kumain ay nagpresenta na rin siyang tulungan ito sa paghuhugas ng mga nagamit na pinggan ng mga kustomer nito, kahit na mariin iyong tinanggihan ng mamá. Iyon na lamang sana ang kaniyang kabayaran sa hininging pagkain kay Mang Rey.

Nalaman ni Serena na may sakit sa kidney ang asawa nito na ngayon ay nasa ospital, nagpapagaling at binabantayan ng kaniyang dalawang anak, habang ang isa naman niyang anak na si Joshua ay katuwang nito sa pagtitinda.

“Nakuha niyo pa akong bigyan ng pagkain, gayong mas kailangan niyo pala ng malaking pera para sa asawa niyo,” mangiyak-ngiyak na wika ni Serena.

“Sus! Maliit na bagay lang naman ang tulong na ang ginawa ko sa’yo, ‘ne. Mas maigi nga iyong nanghihingi kaysa nagnanakaw. Nagpakatotoo ka lang naman, kaya mas nakaramdam ako ng awa sa’yo. Alam ko ang pakiramdam mo, kaya naawa ako sa’yo,” anito.

Talaga nga namang kung sino pa iyong naghihirap sa buhay, sila pa ‘yong kay daling hingan ng tulong. Kasi alam nila ang pakiramdam na maging isang mahirap. Alam nila ang pakiramdam ng gutom at humihilab ang tiyan sa kawalan ng pera. Alam nila ang pakiramdam kaya kay bilis nilang mag-abot ng tulong kahit na kakarampot lamang ang kinikita nila sa araw-araw.

Dalawang araw rin na umasa si Serena sa pagkaing binibigay ni Mang Rey at nang paalis na siya’y nangako siyang muling babalik sa Maynila upang siya naman ang magbabalik ng tulong sa mabait na mamáng nakilala.

Lumipas ang halos dalawang linggo mula noong nakauwi si Serena sa probinsya. Inireklamo niya ang ahensyang nanloko sa kaniya, at sa tulong ng kaniyang amang mayor sa lugar nila’y muli siyang bumalik sa Maynila upang hanapin si Mang Rey at tulungan ito sa pinapasang malaking problema. Sa pagkakataong ito’y hindi na ito ang magbibigay ng tulong sa kaniya, kung ‘di siya na ang magbibigay ng tulong rito.

Umiiyak na yumuko si Mang Rey sa harapan ni Serena at labis na nagpasalamat. Dahil sa wakas ay maooperahan na rin ang asawa nitong matagal nang nagtitiis sa sakit sa kidney.

“Ito po ang bayad ko sa lahat ng pagkaing ibinigay mo sa’kin, Mang Rey, sa loob ng halos tatlong araw. Maraming-maraming salamat po sa kabutihan ninyo at sa hindi pagtanggi sa’kin noong kinapalan ko ang mukha ko upang makakain lang. Mabait po kayong tao at taglay niyo ang isang mabuting puso, kaya nararapat lamang ang bagay na ito sa inyo, Mang Rey,” ani Serena.

Saka niya niyakap ang lalaking nagligtas sa kaniya noong panahong wala siyang kapera-pera at halos mawalan na siya ng malay sa sobrang gutom.

Minsan, kung sino pa iyong taong walang-wala ay sila pa ang mabilis magbigay ng tulong. Gaya na lamang ni Mang Rey na hindi nag-atubiling bigyan siya ng makakain matapos niyang manghingi rito. Pinagpapala ngang talaga ang may mabubuting puso!

Advertisement