
Napansin ng Dalaga ang Babaeng Wala sa Tamang Pag-iisip at Tinanong Niya Ito Tungkol sa Mahalagang Desisyon sa Buhay; Mapapaisip Siya sa Isasagot Nito
Naglalakad si Anna nang mapansin niya ang babaeng taong grasa na nakaupo sa may gilid ng kalsada. Kumikibot ang bibig ng babae na animo’y may kinakausap itong hindi naman niya nakikita. Tumatawa ito nang malakas na tila ba may nakakatawa at panay ang ngiti nito na para bang may nginingitian kahit wala naman.
Tinitigan ni Anna ang babae at sinuring maigi ang itsura nito. Maganda, malinis, at maayos na nakatali ang buhok paitaas ng ulo. Wala namang kahina-hinala sa babae, malinis ito at hindi amoy grasa. Ang kakaiba nga lang ay ang ikinikilos nito na kahit sinuman ang makakita’y iisiping wala na ito sa katinuan.
“Ate, hingi pagkain,” anang babae.
Mukhang napansin nito ang presensya niya kaya lumingon ito sa gawi niya at nanghihingi ng makakain.
Ang nabiling pansit kay Aling Corazon ay ibinigay niya na lamang sa babae. Sa kaniyang palagay kasi’y mas kailangan nito ang pagkaing iyon, kaysa sa kaniya. Kaya pa naman niyang bumili ng panibago. Iniabot niya ang nakabalot na pansit at sinabihan ang babaeng kainin na iyon.
“Gusto mo ng kape?” tanong niya.
Ngumiti ang babae saka sunod-sunod na tumango. “Penge ako,” anito.
Ngali-ngali siyang lumapit sa aleng nagtitinda at nagtitimpla ng kape saka binilhan ang babae. Nang maibigay ang kape rito’y dahan-dahan iyong ininom ng babae— mukhang alam nitong maaari itong mapaso kapag diniretsong inom ang mainit na kape.
“Ano’ng pangalan mo?”
“Chanise… C-chanise ang name ko,” sagot nito saka muling ipinagpatuloy ang pagkain.
Nagpatuloy si Anna na titigan ang babae habang ito’y kumakain. Labis ang kaniyang kuryosidad kung ano ba ang nangyari sa babae. Baliw ba talaga ito o nagpapanggap lang, o baka may nagbabantay rito. Imposibe kasing wala dahil ang linis-linis talaga nitong tingnan. Sa katunayan nga’y mukha pa itong bagong ligo.
“Chanise, may tanong ako sa’yo. Kaya mo ba akong sagutin?” aniya sa babae.
Ang totoo’y wala lang talaga siyang maisip na sasabihin kaya naisip niyang makipagkwentuhan na muna sa babae habang ‘di pa nauubos ang pagkain nito, at saka na lamang siya aalis kapag nasigurong naubos na nito ang binigay niya at busog na ito. May itinabi rin siyang nakaboteng tubig upang kapag nagtapos na ang babae ay ibibigay niya iyon.
“Sige,” sang-ayon ni Chanise.
Napangiti si Anna saka umayos ng upo upang simulan ang tanong. “Ano ang mas matimbang? Isip o puso? Sa palagay mo kaya, Chanise, kapag magdedesisyon ako, ano ang susundin ko? Ang sinasabi ng isip ko, o ang sinisigaw ng puso ko?”
Ang totoo’y kaya niya naisip na maglakad-lakad dahil naguguluhan ang kaniyang isip at nalilito ang kaniyang puso kung ano ba ang dapat piliin. Ang magandang trabaho na iniaalok sa kaniya sa Estados Unidos? O ang siyam na taong relasyon nila ng nobyong si Jeffrey, na sasayangin niya kapag mas pinili niyang kunin ang magandang oportunidad sa ibang bansa.
Kahapon pa totoong naguguluhan ang isip at puso niya. Nagtatalo ang mga ito at hindi niya alam kung alin sa dalawa ang pipiliin. Ang isip na sinasabing isang beses lamang kakatok ang oportunidad kaya huwag itong sasayangin, o ang puso na nagsasabing kaya namang kitain dito sa ‘Pinas ang inaalok sa Estados Unidos, hindi man ganoon kalaki, pero kaya na rin kahit papaano. Kaya ano nga ba ang pipiliin niya – ang pag-ibig na ilang taon nilang inalagaan o ang karera na matagal na niyang hinahangad?
Marahas na napalingon si Anna sa babae nang bigla itong tumawa nang malakas.
“Sundin mo kung ano ang magpapasaya sa’yo,” anito saka muling sumubo at ngumuya.
“Ganoon ba ‘yon?” sakay na sagot ni Anna.
Tumango ang babae saka matamis na ngumiti at tumitig diretso sa mga mata niya. “Naging ganito ako,” turo sa sarili. “Kasi dahil sa pag-ibig,” malungkot itong tumingin sa kaniya. “Pero kaya nawala ang pag-ibig ko dahil mas pinili kong sundin ang isip ko,” anito saka muling humalakhak. “‘Di ba? Sayang…” kausap na naman nito sa gilid na parang may kausap.
Mas lalong naguluhan si Anna sa sinabi ng babae. Ang ibig ba nitong sabihin ay kaya ito nagkaganoon ay dahil mas pinili nitong bitawan ang pag-ibig at sundin kung ano ang sinasabi ng isipan nito? Lalong naguluhan si Anna sa sinabi ng babae. Akmang aalis na siya nang mapansin ang may edad na babaeng papalapit sa pwesto nila.
“Jade, anak,” anang may edad na babae. “Kanina pa kita hinahanap, Diyos ko, salamat naman at natagpuan na kita.”
Halata sa boses ng babae ang saya at labis na pasasalamat nang makitang muli ang babae. Nilapitan niya ito at tinanong. Nalaman niyang anak nito ang babae at ang pangalan nito ay Jade.
“Ano po bang nangyari sa kaniya, ma’am, bakit siya nauwi sa pagiging ganyan?” usisa ni Anna.
Malungkot na tinitigan ng ale ang babae. “Matalino itong anak kong ‘to,” tukoy nito kay Jade. “Magna cum laude siya noong grumaduate ng kolehiyo bilang isang accountant. Kaya ang laki-laki ng pangarap namin para sa kaniya. Ang saya-saya namin noong nalaman naming may kumukuha sa kaniya upang magtrabaho siya sa ibang bansa. Pakiramdam namin ay iyon na ang katuparan sa lahat ng hirap, luha, at pagsisikap na ginawa namin para sa anak naming si Jade. Tinanggap niya ang trabaho, umalis siya patungong ibang bansa. Wala na kaming mahihiling pa ng papa niya, kasi alam namin na sa mga oras na iyon, nasa magandang buhay na si Jade,” anito. Pumipiyok na ang boses nito sa pinipigilang pag-iyak.
“Hanggang sa isang araw, tinawagan kami ng kumpanyang pinagtatrabahuan niya. Ang sabi, ihahatid nila si Jade pauwing Pilipinas dahil nawawala na raw ito sa sariling katinuan at mukhang kailangan nito ng matinding gamutan at alaga ng sariling pamilya. Nagulat kami at hindi makapaniwala. Imposibleng mabaliw si Jade, iyon ang sabi namin,” dugtong na kwento ng ale.
“Bakit daw siya nabaliw, ‘nay?”
“Hindi niya nakayanan ang stress. Nabalitaan niyang ikakasal na ang lalaking mahal na mahal niya. Nakita niyang nagpatuloy ito sa buhay mula noong iwanan niya at mas pinili ang magtrabaho sa ibang bansa. Nasaktan siya at nahirapang tanggapin na tuluyan nang nawala sa kaniya ang kaniyang nobyo na mas pinili niyang bitawan para sa pangarap niya. Kaya siya humantong sa pagiging ganyan,” humihibing kwento nito.
Awa ang naramdaman ni Anna sa kapwa babae. Naisip niyang kagaya ng pinagdaanan nito’y iyon rin ang pinagdadaanan niya ngayon.
“Sana mas pinili na lang niya noon kung saan talaga siya mas masaya. Kung alam ko lang na hahantong siya sa ganitong sitwasyon, sana’y napayuhan ko siyang piliin niya kung saan ba talaga siya totoong masaya. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay isip mo lang ang susundin mo, timbangin mo rin pareho kung ano ang sinasabi ng isip at puso mo. Upang sa huli, hindi ka magsisisi,” anang ale, saka inalalayan ang anak patayo at tuluyan nang umalis.
Ngayon, mas nabigyang linaw ang pag-iisip ni Anna. Tama ang ale, palagi mong pipiliin kung ano ang mas nakakapagpasaya sa’yo. Kung kukunin niya ang magandang oportunidad na inaalok sa Estados Unidos ay magiging masaya siya dahil sa wakas ay matutupad na rin ang pinapangarap niya. Pero wala naman siyang kasiguraduhan kung ano ang naghihintay sa kaniya roon.
Pero kung mananatili siya rito, totoong mas masaya siya. Dahil bukod sa kasama niya ang kaniyang pamilya, nandito ang totoong buhay niya, kasama ang kaniyang fiancé na si Jeffrey. Masaya na rin naman ang buhay niya ngayon. May maganda siyang trabaho, nakikita at nakakasama pa niya ang buo niyang pamilya at ang kaniyang pinakamamahal na lalaki.
May matandang kasabihan na kaya nasa itaas ang utak kaysa sa puso dahil mas dapat nating sundin ang sinasabi ng isipan natin. Pero ang malaking tanong, masaya ka ba kapag palaging utak na lang ang nasusunod?
Umuwi si Anna na buo na ang kaniyang desisyon. Pipiliin niya ang manatili sa ‘Pinas at tanggihan ang inaalok na trabaho sa ibang bansa. Malaki ang pasasalamat niya at naliwanagan ang isip niya nang dahil sa babaeng nakausap niya.