
Kahit Labag sa Loob ay Binili ng Ale ang Batang Ibinebenta ng Ina Upang Magkaroon ng Perang Pangsugal; Mapamahal Kaya sa Kaniya ang Inosenteng Bata?
“Sige na, Madam Sandra, bilhin niyo na ang anak ko. Kailangan na kailangan ko lang talaga ngayon ng pera.”
Nakikiusap na wika ni Mae, ang kilalang bayarang babae at sugarol sa lugar nila. Si Madam Sandra naman ang tila bumbay na takbuhan ng mga nangangailangan ng pera sa kanilang lugar. Sa kaniya umuutang ang mga tao sa lugar nila. Minsan sa sobrang gipit ay kung ano-ano na lamang ang ibinebenta ng mga ito sa kaniya, pero ito ang unang beses na may nagbenta sa kaniya ng bata! Aanhin naman niya ang paslit na ito?
“Madam, maaasahan po itong anak ko,” ani Mae. “Kahit walong taong gulang pa lang ang anak ko’y marunong na ito sa lahat ng gawain, marunong na itong maglaba, magluto, maglinis at marami pang ibang gawang bahay. Mabilis din siyang turuan, madam, kaya pakiusap, bilhin niyo na. Sayang naman kung iba pa ang makabili,” anito saka makahulugang ngumiti sa kaniya.
Tinitigan ni Sandra ang batang tahimik lamang na nakatitig sa kaniya. Alam ba nitong ibinibenta na ito ng ina? Sinong ina ang kayang ibenta ang inosenteng anak para lang magkapera at makapagsugal?
Tumayo si Sandra saka sinuri ang inosenteng bata. Kung hindi niya bibilhin ang batang babaeng ito ay ipagbibili pa rin ito ng desperadang ina. Kung hindi niya bibilhin ang batang babae ay kanino nito ipagbibili ang anak? Umangat ang tingin niya sa desperadang mukha ni Mae.
Malamang wala na itong pakialam kung pwede bang mapahamak ang anak nito o ano, dahil ang mahalaga na lamang sa babae’y magkapera ito. Kaya kahit labag man sa loob ay binili niya ang inosenteng bata ng trenta-mil! Pikit-mata niyang pinapirma si Mae ng kasunduan at patunay na nabili na niya si Veah.
Hindi na niya kailangang sabihin sa bata kung ano ang dapat nitong gawin, kusa na itong gumagawa. Kita sa itsura nito ang labis na ka-inosentehan, ngunit pakiramdam niya’y alam ng bata kung ano ang ginawa ng ina nito.
Halos isang linggo na rin mula noong binili niya si Veah nang mapansin niya ang palaging suot nitong damit kaya hindi na siya nakatiis na sitahin ito.
“Wala na po kasi akong ibang damit, Madam Sandra. Ito lang po ang damit na binigay sa’kin ni mama, dalawang piraso lang po, kaya paulit-ulit ko po itong sinusuot,” nakayuko at nahihiyang sambit ni Veah.
“Diyos, ko kawawang bata,” ani Sandra.
Kasama ang kaniyang alalay na si Chaleng, sinama nila si Veah na mamasyal sa mall upang mabilhan ito ng maraming damit. Ang sayang nakita ni Sandra sa inosenteng mukha ni Veah ang nagpataba sa kaniyang puso. Hindi na nabigyan ng pagkakataon na magkaanak sila ng anak noon ng kaniyang namayapang asawa, kaya ngayong nandito si Veah sa kaniya’y pakiramdam niya’y bigla siyang naging isang ina.
“Madam Sandra, maraming-marami pong salamat sa mga binili niyong damit, sobrang ganda po nilang talaga. Salamat rin po at ipinaranas niyo sa’kin ang makapasyal sa malaking mall, iyon po ang unang beses na nakapasok ako sa gano’n,” matamis na ngumiti ang inosenteng bata saka humakbang papalapit sa kaniya at niyakap siya. “Maraming-maraming salamat po talaga, Madam Sandra.”
Wala sa loob ni Sandra ang mapangiti sa simpleng pasasalamat ni Veah sa kaniya. Kinausap niya ito at mula sa araw na iyon ay kailangang Mama Sandra na ang itawag nito at hindi na Madam Sandra. Masaya namang sumang-ayon ang batang si Veah at muli’y niyakap siya nito.
Wala man sa plano ay pinag-aral at binihisan ni Sandra ang batang si Veah. Napamahal na sa kaniya ang bata, dahil hindi naman ito mahirap mahalin. Malambing ito at kahit hindi niya sabihin ay inaalagaan siya nito, na hindi naman na dapat dahil nag-usap na rin naman sila sa bagay na iyon na hindi na nito kailangang gawin ang mga gawaing bagay, dahil nand’yan naman sila Chaleng, uoang gawin iyon. Ngunit mas nais pa rin nitong tumulong sa mga gawaing bahay dahil iyon naman ang dapat talaga nitong ginagawa.
Kaya labis ang lungkot na naramdaman ni Sandra nang kunin ito pabalik ni Mae sa kaniya at kung ‘di niya ibabalik ang anak ay ipapakulong siya. Walang nagawa si Sandra kung ‘di ibalik si Veah sa ina.
“Madam Sandra, may nakakita kay Veah, nandoon siya sa may KTV bar, naghuhugas ng pinggan ang bata, nagseserve sa mga nag-iinuman. D’yos ko! Napaka-walang hiya talaga ni Mae. Pagkaubos ng ipinangbenta niyang pera sa anak, kinuha niya itong muli saka ibinenta rin ulit! Ang kapal talaga ng mukha, Madam Sandra! Anong balak mong gawin?” nanggigigil na wika ni Chaleng.
“Ayoko nang makialam d’yan, Chaleng,” aniya kahit na ang totoo’y apektado siya at kung pwede lang ay handa siyang magbayad ulit makuha lang si Veah.
Walang nagawa si Chaleng kung ‘di sundin ang among ayaw nang makialam sa batang labis na napamahal rito. Ngunit kinagabihan ay nagpasama si Sandra upang silipin si Veah na agad namang sinamahan ni Chaleng.
Labis ang awang naramdaman ni Sandra sa bata nang makita niya itong nangayayat at animo’y kulang sa tulog dahil sa nakikita niyang antok sa mukha nito. Nang makita siya ni Veah ay agad itong yumakap at umiiyak sa kaniya.
“Kunin niyo na po ako rito, Mama Sandra,” humahagulhol na pakiusap ni Veah.
Kilalang matigas si Sandra sa baryo nila, pero hindi niya napigilang hindi umiyak sa nakitang itsura ni Veah at sa sinabi nito. Ipinangako niya kay Veah na sa muling pagbabalik niya’y kasama niya na ito at hindi na muling magkakaroon ng karapatan ang ina nitong si Mae na makuha pa itong muli sa kaniya.
Gano’n na nga ang kaniyang ginawa. Inasikaso niya ang pag-ampon nang legal kay Veah, at agad naman siyang pinaboran dahil sa mga patunay na kaniyang inilatag, na mas inuuna pa ng tunay nitong ina ang pagsugal at ibinibenta nito ang anak sa malaking halaga at kapag naubos ang pera ay babawiin nito ang anak at ibebentang muli sa iba upang muling magkapera.
Dahil sa ginawa’y nakulong si Mae at nakuha niyang muli si Veah sa huling pinagbentahan sa bata. Si Sandra na ngayon ang legal na ina ni Veah, at sigurado na siyang hindi na muling maibebenta ni Mae ang anak sa iba.
Labis ang pasasalamat ni Veah sa kay Sandra, at sobra naman ang pag-iyak ni Sandra sa ikinuwento ng bata sa kaniya sa naranasan nito sa bar. Hindi pa dapat nasasaksihan iyon ni Veah, dahil sobrang bata pa nito. Ngunit dahil sa walang kwenta nitong ina ay nararanasan nito ang mga hindi pa dapat maranasan ng kaawa-awang paslit.
Nangako siyang sa abot ng makakaya niya’y poprotektahan niya si Veah at ibibigay niya ang pagmamahal na hindi nito naranasan sa sariling ina.

Napansin ng Dalaga ang Babaeng Wala sa Tamang Pag-iisip at Tinanong Niya Ito Tungkol sa Mahalagang Desisyon sa Buhay; Mapapaisip Siya sa Isasagot Nito
