Inday TrendingInday Trending
Awa ang Naramdaman ng Dalaga sa Mamáng Animo’y Basang Sisiw sa Gilid Habang Hinihintay ang Kustomer Nito; Nasaan na nga ba ang Taong Hinihintay Nito?

Awa ang Naramdaman ng Dalaga sa Mamáng Animo’y Basang Sisiw sa Gilid Habang Hinihintay ang Kustomer Nito; Nasaan na nga ba ang Taong Hinihintay Nito?

“Tita, alis na po ako,” nakangiting paalam ni Natasha, at saka binuksan ang dalang payong panangga sa malakas na ulan.

Mabilis niyang tinakbo ang kinapaparadahan ng sasakyan. At halos manginig sa ginaw nang tuluyang makapasok sa loob ng sasakyan dahil sa buga ng aircon at sa nabasa niyang katawan dahil sa balisbis ng ulan.

Pinupunasan na niya ang parteng nabasa sa kaniyang katawan nang mapansin ang mamáng may hawak ng tila isang parsela at nanginginig sa tabi ng motor nito na animo’y may hinihintay. Nakaramdam siya ng awa sa lalaki, pero bakit ba naman kasi wala itong raincoat, na kahit panangga sana sa tubig ulan.

Pero kahit gano’n ay wala na rin naman siyang pakialam sana sa mamáng animo’y basang-sisiw sa gilid, ngunit hindi niya kayang balewalain ang nakita. Kung magtatagal pa ito sa ulanan ay pwedeng magkasakit ang mamá. Sino ba ang hinihintay nito at nasaan na ba iyon? Mukhang kanina pang naghihintay ang mamá sa kaniya upang makuha ang parselang hawak.

“Kuya, hindi pa rin ba dumadating ang um-order niyan sa’yo?” kausap ni Natasha sa mamáng rider.

Bahagya pa itong nagulat sa kaniyang presensya. Hindi niya na natiis ang sariling bumaba upang bigyan ng payong ang mamá, dala ang kaniyang maluwag na damit na ibibigay ritong pamalit sa basang-basa na damit.

“Kanina ko pa nga po tinatawagan ang numerong inilagay niya rito sa kaniyang parsela, ma’am, pero hindi niya na po ako sinasagot. Ang sabi niya kanina’y papunta na raw siya, pero hanggang ngayon po ay wala pa rin,” anito.

Nilibot ni Natasha ang kaniyang paningin kung mayroon na bang taong paparating upang kunin ang parselang hawak nito, ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring kahit sino ang lumalapit rito.

“Isuot niyo po ito, kuya,” aniya sabay abot sa damit na hawak. “Magkakapulmonya kayo niyan kapag tumagal ang basang damit niyo sa katawan. Kulang pa ang ibibigay na tip ng taong nagpahintay sa inyo nang matagal sa magiging gamutan kung sakali,” aniya.

Alanganing kinuha ng mamá ang damit na ibinigay niya. Tumalikod ito sa gawi niya saka hinubad ang basang damit at pinalitan ng damit na iniabot niya. Sa sobrang luwag no’n sa kaniya’y halos sumakto lamang iyon sa lalaki.

Matapos iabot ang damit at sa wakas ay nakapagbihis na rin ito’y inabot naman niya rito ang ginagamit na kapote na palaging nakatabi sa kaniyang sasakyan.

“Naku! Ma’am sobra na po ito,” nahihiyang wika ng mamá.

“Sa trabaho mo kuya, mas kakailanganin mo ang raincoat na ito,” aniya. Pilit iniaabot ang hawak.

“Maraming salamat po, ma’am ah. Hindi ko po iniisip na ibibigay sa’kin ng Panginoon ang hinihiling ko lang kanina,” anito.

Nagsalubong ang kilay niya sa sinabi ng mamá. Ano bang ibig nitong sabihin?

“Ang totoo kasi’y kanina pa po talaga akong nanginginig dahil basang-basa na ako ng ulan. Hindi ko rin kasi inaasahan na biglang babagsak ang malakas na ulang ito, kasi maganda naman ang panahon kanina, kaya hindi ko po nadala ang kapote ko. At saka halos mag-iisang oras na yata akong naghihintay rito, maliban pa sa pag-iikot ko kanina upang hanapin isa-isa ang bahay ng mga hawak kong parsela. Ito na lang po ang pinakahuling parsela na iaabot ko sa kustomer, kaya nagtitiyaga akong hintayin siya,” paliwanag nito.

“Nasaan na po ba siya, kuya?”

“Aniya nasa trabaho raw siya, pero malapit lang naman daw ang trabaho niya, ma’am, kung makakapaghintay raw ba ako’y uuwi siya saglit. Sayang din naman kung babalik pa ako bukas, kaya hihintayin ko na lang po siya,” anito.

Tumango si Natasha, hindi rin naman pala ginusto ng may-ari ng parselang iyon na paghintayin ang rider.

“Habang nanginginig ako sa ginaw, panay po ang usal ko na sana may mag-abot sa’kin ng tuyong damit at may makita akong raincoat sa daan— na sobrang imposibleng mangyari. Kaya nga po nagulat ako kanina no’g inabutan niyo ako ng damit at hindi ko na tinanggihan kasi giniginaw na talaga ako, mas lalo akong nagulat noong inaabot niyo ang raincoat. Parang naisip ko, ang galing kasi sinagot agad ni Lord, ang simple ngunit imposibleng mangyari. Kaya maraming-maraming salamat po, ma’am, isa kang anghel na pinadala sa’kin,” anito saka magalang na yumuko sa kaniya, tanda ng paggalang.

“Walang anuman po iyon, kuya,” ani Natasha.

Hindi niya lubos akalain na gano’n kabigat ang nagawa niya sa mamá, dahil para sa kaniya kanina’y naawa lamang siya rito, dahilan kaya hindi niya natiis ang sariling hindi ito tulungan. Akmang magpapaalam na sana siya sa mamá nang may dumating na lalaki at kinausap ang rider.

“Pasensya ka na po talaga kuya, halos tinakbo ko na po mula sa trabaho ko hanggang dito,” hingal na sambit ng lalaki.

Matamis na ngumiti ang mamáng rider saka kinausap ang lalaking may order.

“Maraming salamat po, sir, at pasensya na po kayo kung kinailangan niyo pang tumakbo papunta rito,” hinging paumanhin ni mamáng rider.

“Salamat po, sir. Pasensya na rin po kung napaghintay ko kayo nang matagal,” anito.

Natapos ang transaksyon ng dalawa nang maayos at may pagkakaunawaan. Hindi madaling maging rider, kaya sana magkaroon tayo ng konsiderasyon sa trabaho nila.

Lahat ng trabahong pinagpapaguran at pinaghihirapan ay marangal. Pantay-pantay lamang tayong lahat, walang nakakaangat at walang nasa baba. Kaya huwag maliitin ang trabaho ng isang rider na nagsasakripisyo upang maihatid sa’tin ang ating mga kailangan.

Bago umalis ang mamáng rider ay muli itong nagpasalamat kay Natasha, tango at matamis na ngiti naman ang iginanti ng dalaga.

Advertisement