Sa Sobrang Higpit ng Kaniyang Pamilya ay Nawalan na ng Gana ang Dalaga sa Pag-Ibig; Ngayo’y Pinipilit Pa Siya ng mga Ito

Sa Sobrang Higpit ng Kaniyang Pamilya ay Nawalan na ng Gana ang Dalaga sa Pag-Ibig; Ngayo’y Pinipilit Pa Siya ng mga Ito

FamilyFunStories

Abala si Abigael sa kakapanood ng Korean drama nang bigla siyang kinausap ng ama nang seryoso na kung kaniyang tatantiyahin ay para itong galit sa kung anumang dahilan ay wala siyang ideya!

“Ganyan na lang ba ang gagawin mo sa buhay mo, Abigael?” anito.

Salubong ang kilay at labis ang pagtataka ng bente-syeteng si Abigael sa sinabi ng kaniyang ama. Anong mayroon? Nanunuod lang naman siya ng teleserye sa telebisyon. May mali ba sa ginawa niya?

“Mas nalulong ka na sa kakapanuod ng mga ‘yan,” anito tukoy sa mga Koreanong nagpapakilig sa kaniya. “Bakit hindi ka lumabas roon at makipag-date nang magkanobyo ka na!”

“Asus! Akala ko kung ano na,” aniya saka umismid at muling ibinaling ang buong atensyon sa pinapanuod.

Noong bata-bata pa siya, magpaalam lang siya sa mga itong gagala kasama ang mga kaibigan o ‘di kaya’y mga kaklase ay katakot-takot na sermon na ang maririnig niya. Ngayong tinatamad na siyang lumabas ng bahay at mas gusto na lamang na manuod sa telebisyon ay nangungunsumisyon na naman ang mga magulang. Saan ba talaga siya lulugar?

“Ano, Abigael, wala ka na bang balak na mag-asawa? Balak mo na lang bang mag-laon?” patuloy ng ama.

“Ayokong tumanda kang dalaga ah! Kaya maghanap ka ng ng boyfriend, Abigael para pagdating mo ng trenta ay pwede ka nang mag-asawa,” anang ama.

Naiiritang ginulo ni Abigael ang sariling buhok dala ng pagkainis.

May mga lalaki namang inaaya siyang makipag-date, pero ayaw niya. Masyado siyang abala sa buhay para isingit pa ang pagkakaroon ng nobyo. Napagtanto niyang masarap ang maging single at kuntento na siya sa mga pinanonood niya bilang libangan.

“May balak ka pa bang mag-asawa, Abigael?” pangungulit ng ama.

Hindi niya tuloy napigilang ipaikot ang mga mata sa inis na naramdaman. Bakit ba kulang na lang ay ipa-raffle na siya ng mga magulang sa kung kaninong lalaki, magka-nobyo lamang siya? Napag-iwanan na ba siya ng tren?

“Oo naman, pa, may balak naman akong mag-asawa, pero hindi pa sa ngayon. At saka bakit parang tinutulak niyo na akong magka-nobyo ngayon? E noon nga, ang higpit-higpit niyo pa sa’kin. Halos ayaw niyo akong payagan sa mga gala ko kasi takot kayong magkaroon ako ng nobyo, tapos ngayon parang kulang na lang ipa-raffle ako para may mag-mine na sa’kin!” inis niyang litanya sa ama.

“Syempre, Abigael, noon iyon. Ang bata mo pa para magkanobyo kaya pinagbabawalan kita. Hindi ko naman inakalang masasanay ka at halos ayaw mo na talagang magkaroon ng nobyo ngayong matanda ka na,” anito.

“Bata pa ako, ‘pa,” aniya.

“Alam ko, pero nasa tamang edad ka na para mag-asawa. Kaya maghanap ka na ng nobyo, Abigael. Hindi iyang nangangarap ka nang gising palagi d’yan sa mga Koreanong pinapanood mo na ikaw lang ang nakakaalam na nobyo mo sila!” anito saka diretsong lumabas sa bahay nila. “Ihahanap na kita ng nobyo. Ako na mismo ang maghahanap ng mabuting mapapangawasa para sa’yo,” anito saka saglit na nag-isip. “Ah! Irereto na lang kita kay Timon para makapag-asawa ka na talaga,” natatawang asar nito.

Timon kung tawagin dahil bulol ito, imbes na Simon, Timon ang pagkakabigkas nito sa sariling pangalan. Ang kaso’y hindi niya tipo ang lalaki. Gwapo ito, pero ayaw niya sa palikerong wala sa lugar. Bubulol-bulol lang pero ang daming babae!

“Eee! Ayoko do’n!” inis na sambit ni Abigael.

Malakas na halakhak ang narinig ni Abigael na pinakawalan ng kaniyang ama. Siya ang pinakapanganay sa limang magkakapatid. Ang mga bunso niyang kapatid ay may mga ipinakilala nang nobyo’t nobya sa kanilang mga magulang, samantalang siya’y mula noon hanggang ngayon ay wala pang naipakilalang nobyo sa mga magulang. Kaya nga siguro pinipilit na siya ng mga itong maghanap ng nobyo, dahil kinabahan na ang mga itong baka mauwi siya sa pagiging laon!

Nangarap din naman siyang magkaroon ng asawa at sariling pamilya, pero hindi pa sa ngayon. Hindi pa niya nakikilala ang lalaking magpapatibok sa tulog-mantika niyang puso. Naniniwala siyang hindi hinahanap ang pag-ibig, dahil kusa itong darating. At kapag dumating na iyon sa buhay niya ay saka na niya iyon bibigyan ng atensyon. Sa ngayon ay magpapakasaya muna siya sa trabaho, sa pamilya nila, at sa mga bagay na kinahihiligan niya.

More Stories