Inday TrendingInday Trending
Halos Siyam na Taong Naghintay na Mabiyayaan ng Supling ang Mag-Asawa; Kung Kailan Magkakaanak na’y Saka pa Nagloko si Mister

Halos Siyam na Taong Naghintay na Mabiyayaan ng Supling ang Mag-Asawa; Kung Kailan Magkakaanak na’y Saka pa Nagloko si Mister

“Hon, sa wakas magkaka-baby na tayo! Positive ang pregnancy test ko kaninang umaga at nang pumunta ako sa OB ko’y kinumpirma niyang nagdadalantao ako, eight weeks na siyang namamalagi dito sa sinapupunan ko!” masayang sambit ni Larissa sa asawang si Dominic.

Agad namang lumiwanag ang mukha ni Dominic sa ibinalita ng asawa. Tumayo ito upang mahigpit na yakapin ang asawa at masayang binuhat ito. Siyam na taon din! Siyam na taon din nilang hinintay na biyayaan sila ng anak ng asawang si Larissa, at sa wakas! Nandito na ang biyayang matagal na nilang pinanabikan.

“Talaga, hon? Ang saya-saya ko! Magiging tatay na talaga ako,” masayang tugon ni Dominic saka mahigpit na niyakap ang asawa’t hinalikan.

“Magiging tunay na pamilya na rin tayo,” ani Larissa saka mariing hinalikan sa labi ang asawa.

Mula nang malaman nilang nagdadalantao siya’y naging mas maalaga si Leo sa kaniya. Halos ayaw siyang padampian nito sa lamok dahil takot itong baka may mangyari sa baby nila. Ngunit isang araw ay may tumawag dito na hindi niya kilala kung sino dahil numero lamang ang nakarehistro sa selpon ng asawa.

“Sagutin mo na, hon, baka mahalaga ang kailangan niyan, kasi kanina pa siyang tawag nang tawag,” ani Larissa.

Tabinging ngumiti si Dominic. “S-sige, hon, saglit lang muna ah,” anito saka naglakad palabas ng bahay nila.

Nagduda si Larissa sa ginawa ng asawa. Sino ang tumatawag dito? Bakit kailangan pang lumayo ng asawa habang kausap nito ang sinumang tumatawag? Hindi ba niya maaaring marinig ang pinag-uusapan nila?

Ngunit imbes na palawigin pa ang umuusbong na pagdududa ay mas pinili ni Larissa na burahin ang masamang iniisip at sinabi sa sariling praning lamang siya na may ginagawang masama ang asawa na imposible namang mangyari, dahil alam naman niyang mahal na mahal siya nito.

Tuluyan na ngang nawala sa isip ni Larissa ang pangyayaring iyon at nagpatuloy ang buhay nilang mag-asawa. Halos hindi siya iwanan ni Dominic at nais lamang nitong nasa kaniyang tabi palagi upang mas makasiguro itong maayos siya at walang nangyayaring masama sa kaniya.

Kinagabihan… malalim na ang tulog ni Dominic, napagod yata itong alagaan siya na animo’y isang batang paslit na bawal mawala sa paningin nito at baka mapaano siya. Nagbabasa siya upang pampaantok nang tumunog ang selpon ng asawa. Pamilyar sa kaniya ang numerong nakarehistro.

Maingat niyang kinuha ang selpon ng asawa at sinagot kung sinuman ang tumatawag nang ganitong oras na.

“Dominic, magpapa-check-up ako bukas, kaya kailangan ko ulit ng pera. Kailan mo ba ako padadalhan? Panay pangako ka na lang sa’kin, pero wala ka namang pinapadala!” anang babae sa kabilang linya.

Halos manigas si Larissa sa kabilang linya sa narinig na sinabi ng babae. Sino ito at bakit kailangan siyang padalhan ng kaniyang asawa?

“Alam kong wala akong karapatan sa’yo at gano’n ka rin sa’kin, pero Diyos ko naman, Dominic, isipin mo sana na anak mo rin itong dinadala ko. Kahit naman buntis na rin ang asawa mo, pero binuntis mo rin ako. Kapag ‘di ka pa nagpadala sa’kin ng pampacheck-up ko, ako na mismo ang tatawag sa asawa mo’t magsasabi sa kaniya ng totoo!” galit na galit na wika ng babae.

“Anong totoo?” sagot ni Larissa.

Doon naman naaalimpungatang bumangon si Dominic at nagtataka kung sino ang kausap niya. Galit na galit siya sa asawa! Klarong-klaro sa mga sinabi ng babae sa kabilang linya na buntis ito at ang asawa niya ang ama ng ipinagbubuntis nito. Kailan pa? Kailan pa siya iniiputan nito sa ulo?

“Asawa ‘to ni Dominic! Hindi mo na kailangang manakot sa kaniya dahil sa’yo ko na mismo narinig ang buong katotohanan. Kaya sabihin mo sa’kin kung ano ang totoo,” pigil ang galit niyang wika.

Halos mawalan ng kulay ang mukha ni Dominic nang lubos na nitong naintindihan kung ano ang mga pinagsasabi niya at kung sino ang kausap niya. Nakatitig lamang ito sa kaniya at pilit na kinu-kontrol ang sariling emosyon.

Inamin lahat ng babae sa kabilang linya kung sino ito at kung ano ang naging papel nito sa buhay ni Dominic. Tama ang sinabi nito kanina na anim na buwan na itong buntis at kailangan nito ng suportang pinansyal para mailuwal nang maayos ang anak nila ng kaniyang asawa.

Nangnginginig ang mga kamay ni Larissa sa galit na namuo sa kaniyang dibdib. Anim na buwan nang buntis ang babae? Samantalang siya ay magtatatlong buwan na ring buntis. Sa anim na buwan… kailan pa siya niloloko ng kaniyang asawa?

Nang matapos ang usapan nila ng babae ay saka niya hinarap si Dominic. Ang dami niyang nais sabihin. Ang dami niyang gustong itanong. Ang daming tumatakbo sa isipan niya, pero nahihirapan siyang isa-isahin iyon. Nakatitig lamang siya rito at walang anumang namutawi sa kaniyang bibig.

Nagpaliwanag si Dominic sa kaniya, kung kailan nagsimula, kung paano nangyari at kung paanong kailan nais na nitong tapusin.

“Hindi ko siya mahal, hon, maniwala ka. Naakit ako, oo, pero hindi ko iyon sinasadya. Nakainom ako no’ng gabing iyon, kaya ko siya pinatulan. Hindi ko naisip ang pwedeng mangyari pagkatapos ng isang gabing pagkakamaling iyon. Pinagsisihan ko na ‘yon, Larissa, maniwala ka,” umiiyak na wika ni Dominic at dahan-dahang lumuhod sa kaniyang harapan.

“Ikaw ang mahal ko, kayo ng magiging anak natin at wala nang iba. Nagkamali lang ako, hon, sana patawarin mo ako. I’m sorry,” humahagulhol at nakikiusap na wika ni Dominic.

Hindi na alam ni Larissa kung kaya pa niyang maniwala sa asawa niya. Galit siya! Galit na galit at sa pagkakataong ito, iyon lamang ang alam niya. Iniputan siya ng kaniyang asawa, sinira nito ang kaniyang tiwala, at nakabuntis ito ng ibang babae! Wala nang ibang umiikot-ikot sa isipan niya.

Pinili ni Larissa na dumistansya muna sa asawa. Iyon ang sa tingin niya’y kailangan para mas makapag-isip siya nang maigi. Nagdesisyon siyang umuwi na muna sa probinsya at doon na muna tumira sa bahay ng kaniyang pamilya. Doon ay makakapag-isip siya nang tama. Ayaw mang pumayag ni Dominic ay wala itong nagawa kung ‘di hayaan siya.

Hindi rin niya nais bitawan ang relasyon nila nang gano’n-gano’n na lang. Kaya nakikiusap siyang hayaan na muna siya nito. Dahil sa araw-araw na nakikita niya ang asawa’y paulit-ulit na bumabalik sa isipan niya ang kataksilang ginawa nito.

“Anak, tumawag ang asawa mo, kinukumusta ka niya kung kamusta na ang lagay mo rito. Hanggang ngayon ba’y hindi mo pa rin siya kinakausap?” malumanay na tanong ng kaniyang ina.

Umiling si Larissa saka matipid na ngumiti. Ang totoo’y namimiss na niya si Dominic, pero hindi pa rin siya sigurado kung kaya na ba niya itong patawarin.

“Anak, ayokong panghimasukan ang buhay niyo ni Dominic, pero anak walang madaling relasyon. Ang relasyon, hindi lang palaging masaya at palaging labing-labing,” anito na ang ibig sabihin ay “loving-loving.”

Nilingon ni Larissa ang ina.

“Marami pa kayong pagdadaanan, anak, hindi lang ito. Pero palagi mong piliin ang asawa mo, dahil iyon ang ipinangako niyo sa harap ng simbahan. Kung hindi ko naman din nakikita na seryosong nagsisisi si Dominic sa pagkakamali niya, hindi mo rin maririnig sa’kin ang mga salitang ito,” dugtong pa nito, saka mahigpit na niyakap siya.

Tama ang kaniyang ina. Isang malaking pagsubok lamang ito, na mahirap mang tanggapin at kalimutan ay kailangan niyang magpatawad sa asawang halos araw-araw na humihingi sa kaniya ng tawad.

Makalipas ang isang linggo ay dumalaw sa kaniya si Dominic at masinsinan silang nag-usap. Nangako siyang gagawin ang lahat upang tuluyang mahanap sa puso ang pagpapatawad sa asawa, nangako naman itong gagawin ang lahat para mapunan ang pagkakamaling nagawa. Hindi sila tumigil sa pagsuporta sa anak ni Dominic sa ibang babae, madalas ay si Larissa pa ang personal na pumupunta sa bahay ni Niela, upang kamustahin ang ipinagbubuntis nito at minsan ay sinasamahan niya itong magpa-check-up.

Kakaiba at parang hindi tama para sa iilang makakakita, pero wala nang pakialam si Larissa. Pinili niyang patawarin ang asawa, kaya tatanggapin niya kung ano ang maling nagawa nito at isa na ang pagkakamaking nagawa ni Dominic ang magkaroon ng anak sa iba.

Walang madaling relasyon… walang madaling daan para sa panghabambuhay na pagsasama. Martir na kung martir, pero pinili niyang patawarin ang asawa pati na si Niela at ang magiging anak nito sa asawa. Nasa sa kanila na lamang iyon kung paano nila ipaglalaban ang pag-ibig nila, at wala na silang pakialam sa sasabihin ng ibang tao basta sila’y kuntento at masaya na.

Advertisement