Inday TrendingInday Trending
Dahil Hindi Makatao ang Amo ay Iniwan Niya Ito; Laking Gulat Niya nang Malamang Sinisiraan Pa Siya Nito

Dahil Hindi Makatao ang Amo ay Iniwan Niya Ito; Laking Gulat Niya nang Malamang Sinisiraan Pa Siya Nito

Buo at hindi na mababali ang desisyon ni Ann Marie na aalis na siya sa poder ng kaniyang madamot, matapobre at palabintang na amo. Naka-empake na ang kaniyang mga gamit at ang pagkuha na lang sa sahod niya ang kaniyang hinihintay upang tuluyan nang umalis sa poder ng mga ito.

Kung para sa mga ito’y hindi siya kawalan dahil mapapalitan kaagad ng mga ito ang kaniyang puwesto, para sa kaniya’y mas lalong hindi kawalan ang mga among walang malasakit sa mga katulong nito. Hindi kailanman man masusuklian ng pera ang pagkakaroon ng mabuting amo, sadyang malas lang siya dahil napunta siya sa among halos ‘di makain ng aso ang ugali.

“Ito na ang sahod mo sa isang buwan, Ann Marie,” abot ng kaniyang among babae. “Sana hindi mo pagsisihan ang desisyong ito,” dugtong pa nito.

Isang matamis na ngiti ang pinakawalan ni Ann Marie saka magalang pa ring yumuko sa amo. Gusto niya itong singhalan at ipamukha ang pagiging masamang ugali nito, ngunit hindi na niya iyon ginawa. Gusto niyang umalis sa poder ng amo na tahimik at walang sama ng loob na dadalhin.

Tutal aalis na rin naman siya’y wala na ring dahilan para ipamukha pa niya rito kung paanong hindi makain ng kahit anong hayop ang kagaspangan ng ugali nito. Makakahanap din ito ng katapat at hindi siya ang taong iyon, pero alam niyang darating rin ang araw na iyon. Araw na may magpapamukha sa babaeng ito kung gaano kapangit ang ugali nito.

“Maraming salamat po, ma’am,” magalang niyang paalam.

“Ang rules ko sa bahay na ito, Ann Marie, kapag umalis ka’y hindi ka na ulit makakabalik pa,” pahabol pa nito.

“Wala na rin naman po akong balak na bumalik, ma’am,” prangkang niyang wika. “Pero maraming salamat po sa pagpapatuloy sa pamamahay niyo, ma’am,” aniya saka tuluyang nagpaalam.

Wala na siyang balak na bumalik sa poder nito. Pagod na pagod ka sa trabaho, tapos ang ipapakain sa’yo’y kung ‘di malapit nang mapanis, ay iyong tira nila na animo’y aso na ang kakain.

Makalipas ang isang linggo ay muling nakapasok si Ann Marie, bilang isang katulong ni Mrs. Rodriguez. Mabait ang ginang at hindi lamang iisa ang katulong nito. Lima ang katulong ng ginang at may kaniya-kaniyang nakatokang trabaho. Ang nakatoka sa kaniya ay ang paglilinis ng buong sala at pagdidilig ng halaman sa hardin, dalawa sila ni Joss doon.

“Alam mo, Ann Marie, noong nag-apply ka, nagdadalawang-isip si madam, kung tatanggapin ka na niya o hindi. Kasi alam mo, may sinabi sa kaniya ang dati mong amo, dahilan kaya nagdalawang-isip si madam na tanggapin ka,” tsismis ni Joss sa kaniya.

Salubong ang kilay habang napapaisip kung ano ang sinabi ng dati niyang amo sa bagong amo. “Ano raw ang sinabi ng dati kong amo, Joss?” usisa niya.

“Sinabi ng dati mong amo na pinalayas ka niya, kasi tamad ka raw sa gawing bahay, parang hindi katulong ang pinasok mo at saka malikot daw ang kamay mo. Mabuti na lang talaga si madam ‘yong tipo ng taong hindi nagpapaniwala sa tsika-tsika lang. Kaya sinubukan ka niya, kung mapatunayan niyang totoo nga ang sinabi ng dati mong amo, e ‘di paaalisin ka niya ura-urada. Mabuti na lang at pinatunayan mong mali ang amo mo noon! Kaya ayan, wala pang isang buwan nag-level-up ang sahod mo. Gano’n kabait si Mrs. Rodriquez,” buong pagmamalaking wika ni Joss sa butihing amo.

Nakita nga niya ang kabutihang iyon sa bagong amo kahit na hindi pa siya tumatagal rito. Makatao at pantay nitong itinuturing ang mga kasambahay. Hindi ito kagaya ng dati niyang amo na animo’y isang mga aso ang tingin sa kagaya niya.

Si Mrs. Rodriguez ay nakikisalamuha at nakikipag-usap at minsan ay nakikipagbiruan sa kaniyang mga kasambahay at kung sinuman ang mga tauhan nito sa bahay. Kung ano ang kinakain nila’y iyon rin ang ipinapakain sa kanilang mga tauhan. At ginagalang ng mga ito ang kanilang oras ng pagpapahinga. Hindi kagaya sa dati niyang amo na imbes oras na ng kaniyang pagpapahinga ay panay pa rin ang utos ng mga ito.

“Sa katapusan, makakausap mo nang personal si madam, ipaliwanag mo sa kaniya ang totoong nangyari, panigurado kasi na tatanungin ka niya kung anong rason bakit ka umalis sa dati mong amo, kaya sabihin mo na ang buong katotohanan, para maipagtanggol ka niya sa lahat ng mga paninirang puri sa’yo ng dati mong amo,” payo ni Joss sa kaniya.

“Kasi ang alam ko talaga, Ann Marie, halos buong may bahay rito sa subdibisyon natin ay pinagsabihan ng dati mong amo na huwag kang tatanggapin kung mag-apply ka, kasi tamad ka at may malikot na kamay,” dugtong pa nito.

Kung pwede lamang niyang sugurin at ipahiya ang dating amo gaya ng ginawa nito sa kaniya’y kaniya nang ginawa. May mga tao talagang ang linis ng tingin sa sarili at ayaw na nalalamangan, kaya pilit ka nilang hihilahin pababa para makita ka nilang gumagapang sa hirap.

Akala siguro ng dating amo na kapag ginawa nito ang bagay na iyon ay babalik siya sa poder nito. Kung nagkataon man na walang tumanggap sa kaniya bilang isang katulong ay uuwi siya sa probinsya at doon na lang mamalagi. Kaysa bumalik pa sa impyernong poder ng matapobre niyang amo!

Tama nga ang sinabi ni Joss, na tatanungin siya ni Mrs. Rodriguez tungkol doon sa sinabi ng kaniyang dating amo. Gaya rin ng pinayo nito ay sinabi niya ang lahat sa ginang ang totoong nangyari na labis nitong kinabigla. Hindi nito inaasahan na gano’n ang ugali ng dati niyang amo sa mga maliliit na mangagawa. Mukha raw kasi itong mabait at patas.

“Panlabas lang po niya iyon, ma’am. Pero ang totoo po ay walang sinuman ang kakayanin ang tunay niyang pag-uugali,” ani Ann Marie.

Naintindihan naman lahat ni Ginang Rodriguez ang kanilang napag-usapan at nangako itong lilinisin ang pangalan niya, lalo na roon sa sinabi ng dating amo na malikot ang kamay niya. Isang malaking pangbibintang ang bagay na iyon.

Umasa naman si Ann Marie sa ipinangako ng butihing ginang. Ang buhay trabaho niya’y parang isang pag-ibig… Minalas sa una, sinuwerte naman sa pangalawa.

Advertisement