Inday TrendingInday Trending
Isang Dating Sundalo ang Labis ang Pighati dahil sa Kaniyang mga Sakit na Dinanas; Saan Siya Kukuha ng Pag-asa para Patuloy na Mabuhay?

Isang Dating Sundalo ang Labis ang Pighati dahil sa Kaniyang mga Sakit na Dinanas; Saan Siya Kukuha ng Pag-asa para Patuloy na Mabuhay?

“Walang aalis! Manatili ang lahat sa kanilang hanay!” anunsyo ng kanilang pinuno.

Sabay-sabay na yumuko ang mga sundalo at nagtago sa mga puno para hindi makita ng mga kalaban.

Mula sa kaniyang pinagtataguan, walang ibang marinig si Ernesto Guzman kundi ang putukan ng baril sa paligid at sunod-sunod na pagsabog ng mga bomba mula sa kaniyang posisyon. Habang palapit sila nang palapit sa lugar ng putukan ay palakas nang palakas ang kabog ng dibdib niya.

Mahigpit ang hawak niya sa kaniyang baril, at determinado siyang magtagumpay sa kanilang misyon.

“Tandaan niyo na ang misyon natin ay mailigtas ang mga residenteng naiipit sa nangyayaring terorismo sa lugar. Hindi natin kailangang makipagbakbakan. Ang prayoridad natin ay ang kaligtasan ng lahat, kaya ingatan niyong hindi nila kayo makita. Maliwanag?”

Buong ingat nilang sinuyod ang lugar habang palihim na itinatakas ang mga sibilyan. Aalis na sana ang kanilang grupo nang mapansin niya ang isang maliit na pigura mula sa may di-kalayuan. Nang sipatin niyang mabuti iyon ay doon niya nakumpirma na isang iyong batang babae. Umiiyak ito habang nakatakip ang maliliit nitong kamay sa magkabilang tainga.

Awtomatiko siyang humakbang papunta rito lalo na’t alam niyang hindi ito ligtas na manatili sa lugar.

Bago pa siya makahakbang ay narinig niya na ang pagtawag ng kaniyang kasamahan at matalik na kaibigan na si Arturo.

“Ernesto, bumalik ka rito. Delikado riyan! Baka makita ka ng mga kalaban!” pigil nito sa kaniya.

“Sandali lang ako,” aniya. Hindi niya naman kasi kayang ignorahin na lang ang batang nakita niya.

Mabilis niyang tinakbo ang distansiya ngunit sa kamalas-malasan ay naging dahilan iyon para makita siya ng kalaban. Sunod-sunod ang pag-asinta nito sa kaniya.

Agad niyang niyakap ang batang babae, upang protektahan ito. Napasigaw siya sa nang ilang bala ang tumama sa likod niya.

Sinubukan siyang saklolohan ni Arturo, ngunit maging ito ay natamaan din ng bala. Bago siya mawalan ng malay ay nasaksihan niya kung paano nalagutan ng hininga ang matalik na kaibigan sa harap niya mismo, habang wala siyang nagawa para rito.

Napabalikwas si Ernesto ng bango nang maramdaman ang pagyugyog sa kaniyang mga balikat.

Doon niya lang napagtanto na binabangungot na naman siya. Paulit-ulit niyang nakikita sa panaginip ang masakit na alaalang iyon, kahit na halos isang dekada na ang lumipas.

Kung iisipin, pakiramdam niya ay kahapon lang iyon nangyari dahil sariwang-sariwa pa rin sa kaniyang memorya kung gaano kasakit ang araw na iyon. Pakiramdam niya kasi ay siya ang may kasalanan kung bakit wala na si Arturo.

Mula sa pagkakatulala ay napapitlag siya nang may magsalita.

“Lolo, ayos lang po ba kayo? Mukhang masama po ang panaginip n’yo.”

Gulat niyang nilingon ang nagsalita. Hindi ito pamilyar sa kaniya, kaya sigurado siya na bago lang ito sa lugar na iyon. Marahil napansin nito ang pagkalito niya, dahilan upang magpakilala ito.

“Ako po si Megan, at ako po ang mag-aalaga sa inyo,” pagpapakilala nito. May masayang ngiti sa labi nito.

Hindi siya nagsalita. Napansin niya ang pagsulyap nito sa damit na suot niya, at doon niya lang napansin na basa ang kaniyang pang-ibabang saplot. Agad siyang nilukob ng hiya.

“Palitan po muna natin ang suot n’yo, tapos lilinisin ko po ang higaan n’yo pagkatapos,” magiliw na wika ng dalaga.

Gusto man niyang kumontra sa sinabi nito, alam niyang wala naman siyang magagawa. Kailangan niya nang tanggapin na hindi na siya kagaya ng dati, wala na siyang silbi at kailangan niyang iasa sa ibang tao maging ang mga simpleng bagay lang dapat.

Iyon ang pinsalang dulot ng masama niyang karanasan. Hindi nga siya binawian ng buhay, ngunit hindi na siya nagkaroon pa ng pagkakataon na bumalik sa serbisyo matapos siyang malumpo at ma-trauma.

Sa totoo lang, kahit na payagan siyang bumalik serbisyo ay hindi na rin niya gagawin, lalo pa’t wala na siyang mukhang maihaharap sa mga kasama. Araw-araw niyang sinisisi ang sarili, kung hindi dahil sa kaniya sana ay buhay pa ang kaibigan niyang si Arturo.

Pakiramdam niya ay wala siyang kwentang kaibigan, walang kwentang sundalo at walang kwentang tao. Kung minsan nga ay naiisip niya na sana ay siya na lamang ang nawala.

Nag-iisa siya ngayon, walang pamilya, sa isang pasilidad ng gobyerno, umaasa sa tulong ng mga estranghero.

“‘Lo, nakita ko ito habang naglilinis,” isang araw ay wika ni Megan. Inabot nito sa kaniya ang medalya na agad niyang nakilala. Nakuha niya iyon nang minsan siyang mabigyan ng parangal. Agad na kumirot ang dibdib niya nang maalala ang trabaho niya noon.

“Itapon mo. Hindi ko kailangan ‘yan,” malamig niyang sagot.

“Sayang naman, ‘Lo!” komento ng dalaga.

Pinagmasdan niya si Megan. Ilang linggo pa lang niya itong nakakasama ngunit alam niya nang ibang-iba ito kumpara sa mga nag-alaga sa kaniya noon. Kahit anong pagsusungit kasi ang gawin niya rito ay tila hindi man lang ito natitinag, at hindi rin ito nagrereklamo. Hindi nagbabago ang mabait na turing nito sa kaniya.

“Hindi ka ba natatakot o naiinis man lang sa’kin? Mahirap na nga ako alagaan, masungit pa ako,” naisip niyang itanong rito.

Nag-angat ito ng tingin bago ngumiti. “Alam ko naman po ang trabaho na pinasok ko, ‘Lo, kaya sanay na sanay na ako. ‘Wag n’yo po akong alalahanin. Aminado naman po akong hindi talaga madali, pero masaya po ako sa ginagawa ko.”

“Bakit ba kasi ito ang pinili mong propesyon kung ganoon?” hindi maiwasang usisa niya.

Sandali itong natahimik, tila nag-iisip.

“Nami-miss ko po kasi ang mga magulang ko. Noong nabubuhay pa sila, grabe sila kung alagaan ako. Kaya sabi ko, balang-araw, ako naman ang mag-aalaga sa kanila. Ang kaso e maaga silang kinuha sa akin, kaya hindi ako nagkaroon ng pagkakataon na alagaan sila. Sa ganitong paraan, pakiramdam ko po ay natutupad ko ang pangako ko sa kanila,” mahabang paliwanag nito.

Si Ernesto naman ang nanahimik. Hindi niya inaasahan na ang masayahin at palangiting dalaga ay mayroon palang madilim na nakaraan.

“Ganoon ba? Kung ‘di mo mamasamain, paano nawala ang mga magulang mo?” maya-maya ay muling tanong niya sa dalaga.

Kitang-kita niya ang pamumuo ng luha sa mata ni Megan. Maya-maya ay tuluyan na itong napahikbi.

“Sinugod po kasi ng mga armadong lalaki ang bayan namin noon, halos isang dekada na rin ang nakalipas. Naipit kami sa bakbakan nila at ng militar. Sa kasamaang palad, nadamay po sila Mama at Papa, pero nailigtas po ako ng isang matapang na sundalo. Pilit niya akong iniligtas kahit na sobrang mapanganib. Kaya kung nasaan man siya, sana alam niya kung gaano ako nagpapasalamat sa kaniya. Utang ko sa kaniya ang buhay ko,” naluluhang kwento ni Megan.

Kumabog ang dibdid ni Ernesto. Pamilyar kasi ang kwento nito!

“S-saan ang bayan mo, hija?” nanginginig na tanong niya. Nais niyang makumpirma ang kaniyang hinala.

“Sa San Lazaro po.”

Awtomatikong tumulo ang luha niya sa narinig. Nakumpirma niya kasi na siya ang sundalong tinutukoy nito, at nangangahulugan na ito ang batang babaeng niligtas niya noon!

Hindi siya makapaniwala na magkikita pa silang muli pagkatapos ng maraming taon. Ni wala siyang balita sa sinapit nito, ngunit punong-puno ng galak ang puso niya niyang malaman na nakaligtas ito at namumuhay nang matiwasay ngayon.

“‘Lo? Bakit po kayo umiiyak?” maya-maya ay nag-aalalang tanong ng dalaga.

Ngiti ang naging sagot niya kay Megan. Hindi na nito kailangan pang malaman ang sikreto niya.

“Masaya lang ako na nakaligtas ka, hija. Isa kang mabait na bata at marami ka pang matutulungan,” nakangiting wika niya sa dalaga, bago tinapik ang balikat nito.

Ngayon ay nasagot na ang pinakamalaking tanong niya sa Diyos: bakit nga ba buhay pa siya?

Buhay pa siya dahil nais ng Diyos na ipaalam sa kaniya na hindi nasayang ang buhay niya, at lalong hindi nasayang ang buhay ni Arturo. Isang buhay ang nailigtas nila, at may isa iyong dulot sa kaniya—pag-asa hangga’t nabubuhay siya.

Advertisement