Tinawanan ang Babaeng Nagnanais na Maging Caregiver sa Ibang Bansa; Wala nga bang Pag-asa na Matanggap ang Isang Baguhan?

Pinunasan ni Jamie ang namamawis niyang palad. Malamig sa opisina ngunit kabang-kaba siya. Ilang sandali na lang kasi ay sasalang na sila sa interbyu. Tatlo silang aplikante sa loob ng opisina. 

Nag-aapply siya bilang isang caregiver sa Amerika. Sa totoo lang ay hindi niya alam kung papasa siya, lalo na’t wala naman siyang ibang karanasan sa ganoong trabaho, maliban na lamang sa pag-aalaga niya sa kaniyang Lola noong nabubuhay pa ito.

.

Pero nais niya pa ring sumubok. Naniniwala kasi siya na iyon na ang hihila sa kaniya at sa pamilya niya paalis sa kahirapan. 

“Lord, sana po, makapasa…” piping dalangin niya habang pina-praktis sa isipan niya ang mga isasagot niya sa interbyu.

Napaling ang atensyon niya nang maulinigan ang pag-uusap ng dalawang babae na katabi niya.

“Wow, galing ka pala sa Hospisyo ng San Pedro? Ang galing mo siguro kaya ka nakapasok,” wika ng katabi niyang babae sa katabi nito. Sa tingin niya ay kaedaran niya lamang ang katabi.

Ngumiti ang kausap nito bago sumagot. “Hindi naman. Sampung taon na kasi ako sa pagiging caregiver, kaya alam ko na ang pasikot-sikot. Kumbaga hindi na sasakit ang ulo nila sa pagtuturo sa akin,” anito. Nahinuha ni Jamie mula sa pag-uusap ng dalawa ng mas matanda ang babaeng nagsalita.

Tila dumoble lang ang kaba ni Jamie sa narinig. Mukhang magagaling ang mga magiging kakompitensya niya!

Advertisement

“Naku, malamang isa ka sa mga mapipili. Ako naman limang taon na rin ang karanasan ko sa pagiging caregiver,” anang katabi niya.

“Matagal-tagal ka na rin. Siguro naman pareho tayong makakapasok,” nakangiting sagot ng kausap nito.

Marahil ay napansin ng mga ito ang pakikinig niya kaya naman bumaling ang dalawa sa kaniya.

“Ikaw ba, saan ka galing? Ospital? Hospisyo?” tanong ng katabi niya.

Napangiwi si Jamie bago nahihiyang umiling.

“Naku! Bago lang ako. Ito nga ang magiging una kong karanasan bilang caregiver kung sakali. Ang karanasan ko lang sa pag-aalaga e noong buhay pa ang Lola ko,” alanganing sagot niya.

Tila naumid ang dila niya nang sabay na napahagalpak ng tawa ang dalawa. 

“B-bakit?” takang tanong niya sa dalawa.

Advertisement

Ang katabi niyang babae ang sumagot.

“Girl, ambisyosa ka, ha! Mahirap makapasok dito, baka akala mo!” natatawang komento nito, tila hindi makapaniwala.

“Oo nga. Ako nga sampung taon na, nagdududa pa rin,” sabi naman ng babaeng higit ang tanda sa kanila. 

Ang katiting na kumpiyansa ni Jamie ay tuluyan nang naglaho. Mga eksperto na kasi ang nagsabi na wala siyang mapapala. 

“‘Wag mo nang ituloy, kung ako sa’yo. Ang hinahanap nila kasi ay ‘yung mga matagal na talagang nag-aalaga. Lalo na’t mga dayuhan ang magiging amo natin, maseselan. Sayang lang ang effort mo girl,” payo pa nito. 

Napatango siya. Nalulungkot man dahil sa narinig ay napag-isip isip niya rin na tama ang sinabi ng dalawa.

Patayo na sana siya nang magulantang siya sa sumunod na nangyari. Isang matanda ang pumasok sa opisina.

Ang kaso, bigla na lamang nagduduwal sa kandungan nilang tatlo ang matanda! Matapos ang ilang segundo ay nagkalat na sa kung saan-saang panig ng opisina ang suka ng matanda.

Advertisement

Ang mga kasama niya ay agad na nagtitili sa sobrang inis.

Mabilis na nakatayo ang mas matanda at galit na hinarap ang matanda.

“Ano ka ba naman? Anong tingin mo sa kandungan ko, lababo? Bakit naman dito ka pa sumuka?!” singhal nito sa matanda. Nasa mukha nito ang pandidiri habang nililinis nito ng panyo ang nadumihang palda. Ang matandang babae naman ay walang patid sa paghingi ng paumanhin. 

“Mga hija, pasensya na! Hindi ko sinasadya!” sagot nito. Bakas sa mukha ang hiya.

“Umalis ka na nga! Bakit ka ba kasi nandito?” pagtataboy naman dito ng babaeng katabi niya.

Bahagyang nadismaya si Jamie sa inakto ng dalawang kasama na pawang aplikante. Sa inis kasi ng mga ito ay tila nalimutan na nilang gumalang sa nakatatanda.

Agad niyang kinuha ang tubig ng bote na parati niyang baon. Hinawakan niya ang balikat ng matanda at iniabot dito ang tubig.

“‘Nay, inom po muna kayo ng tubig. Saka umupo po muna kayo, para hindi kayo masuka ulit,” malumanay na payo niya sa matanda.

Advertisement

Isang matamis na ngiti ang ibinigay nito sa kaniya bago tumalima.

“Salamat, hija. Medyo nahihilo nga ako,” anito.

Hindi niya maiwasang mag-aalala sa sinabi nito.

“Naku, hindi po kaya tumaas ang dugo n’yo dahil sa init ng panahon? Dala niyo po ba ang maintenance na gamot niyo, kung meron man? Nakainom po ba kayo?” sunod-sunod na tanong niya.

Sa sobrang gulat niya, imbes na sumagot ang matanda ay tumayo ito at inilahad ang kamay nito sa kaniya.

Takang-taka man ay tinanggap niya iyon.

“Congrats, hija! Nakapasa ka sa pagsusulit! Ano ang pangalan mo?” anito.

Nanlaki ang mata niya sa narinig.

Advertisement

“J-jamie po. P-paano pong nakapasa?” naguguluhan na tanong niya.

Ngumiti ito bago nagpaliwanag. At labis ang gulat nilang tatlo!

“Ako si Mrs. Miralles. Ako ang dapat mag-iinterbyu sa inyo. Pero ayoko ng interbyu, kasi karamihan sa interbyu nagpapa-impress lang. Gusto kong makita ‘yung totoong kayo. ‘Yung nangyari kanina, arte lang ‘yun. Gusto ko lang malaman kung paano kayo talaga mag-aalaga ng isang may sakit. May mga nag-aapply kasi na grabe kung ipagmalaki kung gaano katagal na silang caregiver pero grabe pa rin kung makapag-inarte,” anito bago pinukol ng nanunuring tingin ang dalawang kasama niya na noon ay nakanganga pa rin sa labis na gulat. 

“Kapag nangyari na nagsuka ‘yung inaalagaan n’yo at nasukahan kayo, magagalit kayo? Hindi ba’t dapat asikasuhin niyo muna?” tila sermon nito sa dalawang babae na noon ay tila hinayang na hinayang. 

“Wala sa haba ng karanasan ‘yan. Nasa ugali ‘yan kung paano niyo hinaharap ang mga trabaho niyo,” patuloy na pangaral nito sa dalawa bago nito pinukol na natutuwang ngiti si Jamie.

“Congrats, Jamie. Magiging magaling kang caregiver,” anito.

Sa huli ay umuwi nang luhaan ang dalawang mayabang na babae. Ang baguhan na si Jamie na kanina’y tinawan-tawanan lang nila ang siya pang natanggap!