Hindi Naniniwala ang Dalaga na May Allergy sa Alak ang Katrabaho; Patago Niya pa Itong Pinainom ng Alak
Pakiramdam ni Arlene, nag-iinarte lang ang bago niyang katrabaho na allergic ito sa alak para makapagpapansin lang sa iba pa nilang mga lalaking katrabaho sa pinapasukang pabrika.
Tuwing magyayayaan kasi silang mag-inuman para ipagdiwang ang isang okasyon o makapagliwaliw mula sa pagod at hirap ng kanilang trabaho, madalas itong tumatanggi o kung hindi naman, sasama nga ito sa kanila ngunit panay lang ang pa-cute sa mga lalaking naroon.
Palagi lamang itong nasa isang sulok, makikitawa o kung hindi naman, patingin-tingin lang sa kanila kapag sila’y nag-iinom dahilan para labis nitong makuha ang atensyon ng mga katrabaho. Ito rin ang rason kung bakit todo protekta ang mga ito sa dalaga. Sabi pa nga ng isa sa pinakagwapong katrabaho niya tuwing sasama ang dalaga sa inuman nila, “Ingatan niyo ang prinsesa natin, ha, walang magpapainom ng alak d’yan kung hindi malalagot kayo sa akin!” na talagang ikinatataas ng dugo niya dahil ni minsan, hindi niya naramdamang pinag-iingatan siya ng mga ito.
May pagkakataon pa ngang nalasing siya at nagising na nakasubsob pa rin sa inodoro na puno ng suka niya. Katwiran ng mga ito nang siya’y magreklamo, “Pasensya ka na, Arlene, alam naming malakas kang uminom, eh, kaya natulog na kami agad pagkaubos ng huling bote ng alak.”
Kaya naman, ngayong napapadalas na ang pagsama ng naturang dalaga sa kanila kahit wala naman itong ibang ginagawa sa inuman kung hindi ang magpapansin, madalas na rin siyang tumanggi sa yaya ng kaniyang mga katrabaho.
Ngunit, isang araw, wala siyang nagawa kung hindi ang dumalo sa isang selebrasyon kasama ang mga ito dahil kaarawan ng kanilang boss.
Pagkadating na pagkadating niya pa lamang doon, naagaw na agad ng kinaiinisang katrabaho ang atensyon niya dahil bukod sa ang tingkad-tingkad ng kulay ng suot nito, mag-isa lamang itong nakaupo sa isang sulok habang palinga-linga sa iba nilang katrabahong nagkakasiyahan na.
“Ano kayang napapala niya sa pag-iinarte niyang ‘yan, ‘no? Akala mo naman kung sinong maganda!” inis niyang sabi na narinig pala ng isa nilang katrabahong babae.
“Bakit ka ba galit na galit sa kaniya? Hindi mo ba alam na may allergy siya sa alak? Ang kwento niya pa nga, kapag nakakainom siya no’n, nagpapantal ang buong katawan niya at hirap siyang huminga,” bulong nito sa kaniya na ikinatawa niya.
“Naniwala ka naman kaagad? Paano ka nakakasigurong totoo ‘yon? Baka nga nagawa lang ‘yan ng kwento para protektahan at ituring siyang prinsesa ng mga katrabaho natin,” taas kilay niyang tanong dito.
“Edi subukan mo kung totoo o hindi para mapatunayan mo! Kahit kailan, ayaw na ayaw mong natatabunan pagdating sa lalaki!” inis nitong sabi saka siya iniwang mag-isa.
“Talaga!” habol niyang salita saka agad na nagdesisyong gawan ng maiinom ang dalaga na may halong alak.
Dali-dali siyang dumiretso sa gawaan ng mga inumin pagkatapos ng pag-uusap na ‘yon. Naglagay siya ng isang tagay ng alak saka niya ito hinaluan ng juice at yelo.
Nang makita niyang muling nag-iisa ang dalaga, agad siyang umupo sa tabi nito.
“Bakit mag-isa ka lang dito?” tanong niya.
“Ah, eh, abala ang lahat sa pag-inom ng alak kaya wala akong makasamang hindi umiinom katulad ko,” nakangiting tugon nito.
“Gusto mo bang samahan kita rito?” tanong niya na lalong ikinatuwa nito.
“Aba, oo naman!” sambit nito saka agad na yumapos sa kaniya.
“Sa isang kondisyon, ubusin mo ‘tong ginawa kong juice. Medyo mapakla kasi, eh, nanghihinayang naman akong itapon,” sabi niya saka iniabot dito ang basong may alak.
“Sigurado kang juice lang ‘to, ha, kahit kasi kaunting alak, nangangati na ako’t hindi makahinga,” sabi nito saka agad na nilagok ang laman ng naturang baso.
“Tingnan natin ngayon kung allergic ka nga o nag-iinarte ka lang,” sa isip-isip niya saka agad na nakipagkwentuhan at nakipagplastikan sa dalaga.
Kaya lang, mayamaya, napansin niyang namumula na ang leeg nito at panay na ang kamot nito sa braso’t mga binti.
“May alak ‘yong pinainom mo sa akin, ‘no?” tanong nito.
“Wala, ‘no! Pinagbibintangan mo ba ako?” tanggi niya, iiwan na niya sana ito nang mapansin niyang kinakapos na rin ito ng hininga, “Tulong! Hindi na siya makahinga!” sigaw niya sa ilang katrabaho na agad namang rumesponde at ito’y dinala sa pinakamalapit na ospital.
Labis man niyang itanggi na wala siyang maling ginawa sa dalaga, pinatunayan ng katrabaho niyang babae na nilagyan niya ng alak ang pinainom niyang juice rito at dahil wala na siyang maisip na palusot. Inamin niya na lang ang ginawang kalokohan.
“Gusto ko lang naman masiguro kung allergic nga siya. Mukha kasing nag-iinarte lang siya,” nakatungo niyang pagtatapat sa kanilang boss na labis na nagalit sa kaniya dahilan para siya ang pagbayarin nito sa hospital bill ng dalaga.
Pagkakita niya pa sa itsura nito, agad na napalitan ng awa ang inis na nararamdaman niya rito noon kaya siya’y agad na humingi ng tawad dito. Mabuti na lang talaga, sobrang bait nito at sinabi sa kanilang mga katrabaho na huwag magalit sa kaniya.
“Ayos na po ako, hindi niyo po kailangang magalit o mag-iba ng pakikitungo kay Arlene,” sabi nito na talagang ikinataba ng puso niya.
Simula noon, hindi na siya nakaramdam ng kahit anong inis dito bagkus, palagi na niya itong sinasamahan hanggang sa sila’y maging magkaibigan na.